Darating na rin sa wakas ang mga bakuna
KUNG totoo ang balita at maniniwala tayo, magsisimula ang pagbabakuna o mass vaccination ngayong buwan ng Pebrero. Sinabi ng National Task Force (NTF) against COVID-19, inaprubahan ng gobyerno ang maramihang pagbabakuna sa buwang ito.
Batay sa memorandum na may petsang Enero 26, inilatag ng NTF ang mga plano at direksiyon para sa government at private stakeholders tungo sa maayos at episyenteng pagbabakuna pagdating ng COVID19 vaccines na binili ng pamahalaan at ng pribadong sektor mula sa ibang bansa. Ang darating yatang mga bakuna ay iyong Pfizer-BioNTech at AztraZeneca. Paano ‘yung Sinovac vaccines?
Lahat ng ahensiya ng NTF ay inatasang ipatupad ang memorandum. Saklaw nito ang regional at local task forces at vaccination centers. Inaatasan din ang mga lokal na pamahalaan o LGUs na agad magtatag ng vaccination operation centers o VOCs.
“Ang implementing units, gaya ng mga ospital ng gobyerno, pribadong klinika, ahensiya ng pamahalaan, rural health units, ay dapat na i-forward ang lahat ng concerns at mga ulat sa City/ Municipal Health Offices. Ang mga ito naman ay nire-require na magreport sa lahat ng concerns at updates sa VOC,” saad sa vaccination plan.
Nagbitiw si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang contact tracing czar ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) dahil sa kontrobersiya sa birthday party ng socialite na si Tim Yap sa lungsod, na kung saan nalabag daw ang health protocols sa social distancing at pagsusuot ng face masks. Irrevocable yata ang resignation niya.
Sinabi ni Magalong na isa sa highlights ng serbisyo publiko ay mabuting pamamahala. “We should look at a ranking official as the lead implementer of what’s right.” Aniya, ang desisyon niyang mag-resign ay pinal bunsod ng kontrobersiya sa birthday bash ni Yap sa The Manor, Camp John Hay.
Ayon sa alkalde ng Baguio City, siya at kanyang asawa ay kabilang sa guests na binatikos sanhi ng paglabag sa social distancing at pagsusuot ng face masks. “Mukhang may kakulangan ako, so it’s all about accountability.”
May 31 bisita, kabilang ang ginang ni Magalong na si Arlene, Yap at showbiz personality na si KC Concepcion, ang pinagmulta ng P1,000 sa paglabag sa Ordinance 452020 (pagsusuot ng face masks) at P500 sa Ordinance 46-2020 (sa social distancing). Ang Manor ay nagbayad ng P17,000 multa.
Sa ulat mula sa House of Representatives (HOR) o ng Kamara, may 34 kongresista at empleado ang tinamaan ng COVID-19 sa ginawang second mass testing initiative. Batay sa pahayag ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza, ang 34 nag-positibo ay kabilang sa sumailalim sa swab tests na ginawa noong Enero 18 hanggang 27.
May mga nagbibirong netizen at mamamayan kung bakit tinamaan ng coronavirus ang mga mambabatas gayong akala nila ay makakapal ang mga mukha (kung kaya hindi makapapasok ang virus) at hindi tatablan ng COVID-19. Siguro daw, ang mga kawani ay puwede pang tamaan ng virus, pero hindi ang mga solon na anila’y balat-buwaya at kapalmuks at daming pera sa bangko.
Wala tayong magagawa, iyan ang pagtanaw at pananaw nila sa mga mambabatas. Hindi naman marahil lahat ng kongresista ay “makakapal” dahil meron ding nagsisilbi nang tapat sa bayan at hindi rin mukhangpork barrel at ginagawang negosyo sa pagpapayaman ang puwesto!