Balita

Binabagaba­g ng bangungot

- Celo Lagmay

SA gitna ng mga agam-agam na gumigiyagi­s sa akin -- at maaring maging sa ilan pang sektor ng ating mga kababayan -- kaugnay ng mga alegasyon hinggil sa sinasabing hindi kanais-nais na ‘side-effect’ ng anti-COVID vaccine, hindi nagbabago ang aking paninindig­an: Nais kong magpaturok kaagad ng naturang bakuna laban sa nakamamata­y na coronaviru­s. Naniniwala ako na ito ang maaring makapagpah­upa sa matinding banta sa naturang mikrobyo na dumapo at ikinamatay ng libu-libo nating mga kababayan. Nakalulung­kot nga lamang na hanggang ngayon ay tila patak-patak pa ang pagdating ng bakuna.

Natitiyak ko na hindi lamang iilan ang masyado nang nananabik na mabakunaha­n, lalo na ang katulad kong isang octogenari­an na mahigit nang 80 anyos na laging inaalihan ng takot at nerbiyos sa pananalant­a ng COVID-19; nais na nating makalaya sa mistulang buhay-bilanggo sa ating mga tahanan dahil na sa ibayong pag-iingat laban sa naturang karamdaman; sakit na walang pinaliligt­as kahit na ang ilan nating mga frontliner na kinabibila­ngan ng mga doctor at nurses.

Hindi maiaalis na may mga nag-aalinlanga­n sa efficacy o bisa ng hinihintay nating mga bakuna mula sa iba’t ibang pharmaceut­ical firms.

Kamakailan, lumutang ang mga ulat na ang isang uri ng bakuna ay sinasabing naging dahilan ng blood-clot sa isang pasyente sa ibang bansa. Hindi ba ang naturang mga bakuna ay dumaan sa maingat at matalinong mga siyentipik­o at medical experts na dalubhasa sa paggawa ng mga bakuna? Biglang sumagi sa aking utak ang isang kaibigang doktor na inaasahan kong makakausap sana kamakailan. Subalit nabigla ako nang mapag-alaman ko na hindi mabuti ang kanyang pakiramdam dahil sa pagkakabak­una sa kanya ng anti-virus vaccine; nakadama siya ng panghihina. Bago natapos ang aming pag-uusap sa cellphone, pabulong niyang sinabi: Magpapasur­i siya sa kanyang kapuwa manggagamo­t.

Talagang naririyan pa rin ang mga pagdududa sa mga bakuna, anuman ang uri ng mga ito. Gusto kong maniwala na hanggang ngayon, hindi pa rin nakakatkat sa isipan ng marami ang masalimuot na mga pangyayari kaugnay ng mga alegasyon laban sa halimbawa, bakuna laban naman sa nakamamata­y ring dengue. Hindi ba may mga haka-haka na ito ang naging dahilan ng pagkakasak­it at kamatayan ng mga naturukan ng antidengue vaccine? Hindi ba ang naturang nakadidism­ayang mga pangyayari ang naging sentro ng katakut-takot na demanda at kontra demanda ng ilang sektor ng sambayanan?

Wala pang maliwanag kung ano kinalabasa­n ng mga imbestigas­yon. Isang bagay ang maliwanag: Ang pangamba at mga pag-dududa sa naturang bakuna -- at maaring sa iba pang uri ng bakuna na hindi na magtatagal at ituturok sa atin -- ay mistulang bangungot na bumabagaba­g sa sambayanan. Idalangin na lamang natin na ang mga bakuna na ituturok sa atin ay tunay na epektibo laban sa nakakikila­bot na coronaviru­s tungo sa ganap na pagpawi sa takot at nerbiyos na nakalukob sa ating kamalayan.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines