Nakaaawa, nakagagalit
Magkahalong pagkaawa at pagkagalit ang biglang sumagi sa aking kamalayan nang masagap ko sa isang tele-news ang mga kabataang mistulang nakaharang sa humahagibis na mga sasakyan sa kahabaan ng Roxas Blvd. Sa sandaling pagtigil ng mga sasakyan, nag-uunahan sa paglinis ng mga wind-shield ang mga ilang kabataan samantalang ang iba ay namamalimos at isinesenyas ang kanilang matinding pagkagutom.
Sa biglang tingin, totoong kahabag-habag ang nanlilimahid na mga kabataan: kailangan ang pagkain at pamalit sa gula-gulanit na kasuotan. Naniniwala ako na marami ang gustong mag-abot kaagad ng kahit munting limos subalit naroroon ang pag-aatubili. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibigay ng limos lalo na nga kung sila ay nasa lansangan. Nakaangkla ang gayong tadhana ng batas sa katotohonan na ang gayong pagmamagandang-loob ay mapanganib sa naturang naglisaw na mga kabataan.
Sa kabilang dako, tulad ng ipinamalas sa nasabing tele-news, tunay namang nakagagalit o nakabubuwisit ang nabanggit na mga kabataan na bigla na lamang magbubuhos ng tubig sa salamin ng mga sasakyan; padaskul-daskol na pupunasan ang salamin na nag-iiwan naman ng bahid-bahid na libag. Hindi ba masyadong nakapanggagalaiti ang gayong pamimerhuwisyo ng nasabing mga kabataan?
Sa paglalarawan ng gayong nakadidismayang mga eksena, nais lamang nating itanong: Hindi ba ang gayong balita ay naglalarawan ng isang nakababahalang problema sa lipunan? Sapat na ito upang matauhan ang pamahalaan -- lalo na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) -- na aksiyunan ang maituturing na social malady na idinudulot ng malimit taguriang mga batang hamog. Kabilang na rito ang kani-kanilang mga magulang at kamag-anak na wala ring patumangga sa pamamalimos samantalang kalungkalong ang kanilang mga sanggol.
Biglang sumagi sa aking utak ang iba’t ibang grupo ng ating mga kababayan na maliwanag na naghihikahos sa buhay. Mula sila sa isang maralitang lugar sa Katimugan at Luzon, tulad ng mga Badjao, Aeta at iba pang mga katutubo na sumusugod sa Metro Manila upang mamalimos. Hindi ba may mga haka-haka na sila ay binibitbit ng mga sindakato na sinasabing nagsasamantala sa gayong kaawa-awang kalagayan ng nasabing mga katutubo?
Naniniwala ako na hindi naman nagpapabaya ang gobyerno sa pagkilos para sa kapakanan ng nabanggit na grupo ng ating maralitang kababayan. Minsan din silang hinakot pabalik sa kanikanilang mga pinanggalingan; pinag-ukulan ng mga livelihood projects at iba pang proyekto para sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan. Subalit nakalulungkot na sila ay tila hindi maawat sa paghahanap ng ikabubuhay sa mga lugar na nais nilang patunguhan.
Ang kailangan ngayon ay puspusan at pirmihang pag-agapay sa nagdarahop na sektor ng ating mga kababayan. Dangan nga lamang at marapat ipaghintay ang positibong aksiyon tungkol dito dahil naman sa patuloy na pananalanta ng COVID-19.