2 WEEKS ECQ SA ‘NCR PLUS’ POSIBLE
Posibleng magkaroon ng dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) sa tinatawag na “NCR-plus”.
Ito ang reaksyon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, sa isang panayam kahapon.
“Anyway one week naman ito. Baka mamaya hindi mo masabi baka mag-two weeks pa nga eh, kung ano...pero ‘wag naman sana, hindi naman sana,” pahayag ng opisyal.
Nitong Sabado ng gabi, inanunsyo ng Malacañang na isasailalim sa ECQ ang Metro Manila at mga karatig lalawigan na kinabibilangan ng Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal.
Ipatutupad ang ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 4.
Naiulat na kabilang lamang ito sa hakbang ng gobyerno bunsod nang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 sa National Capital Region (NCR).
Inilabas ng opisyal ang reaksyon bilang tugon sa tanong ng isang mamamahayag kung palalawigin pa ng pamahalaan ang ECQ.
“It will be the IATF that will really decide here because you also have to calibrate hindi lang naman ‘yung health, kasama na rin ‘yung ekonomiya mo. Dapat balansyado rin naman tayo,” sabi nito.
“Ang goal ay simple; ang goal ay ‘wag ganito kalaki ang laki ng dumadating ngayon para makahinga ang ating ospital. Once makahinga ang ating ospital...maibaba natin ito,” dagdag pa ng opisyal.