Balita

Ex-president Erap nahawa ng Covid sa bisita, naospital

- Ni MARY ANN SANTIAGO

Kinumpirma ni dating Senador Jinggoy Estrada na nagpositib­o sa coronaviru­s disease 2019 (COVID-19) ang kanyang amang si dating Pangulo at dating Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Jinggoy na kinailanga­n nilang isugod sa pagamutan ang 83-anyos niyang ama nitong Linggo ng gabi dahil nanghihing­a nito at nahihirapa­ng huminga.

“Sa aking mga kababayan, nais ko pong ipaalam sa inyo na ang aking ama, na si dating pangulong Joseph Estrada, ay isinugod namin sa ospital kagabi sa kadahilana­n ng panghihina ng kanyang katawan,” saad sa FB post ni Jinggoy.

“Na-diagnose na po siya na positibo sa covid 19,” dagdag pa niya.

Anang senador, bago naisugod sa pagamutan ay napuna na niyang tila matamlay ang ama noong Huwebes.

“Huwebes napansin ko na na medyo nanghina ang kanyang katawan. Madalas siyang magpunta sa banyo. Medyo kinabahan na ako noon,” kwento pa niya, sa isang panayam naman sa radyo at telebisyon.

Kaagad aniya niyang ipina-swab test ang ama at nag-negatibo naman ito sa virus.

Gayunman, nitong Linggo ay napansin niyang mahinang-mahina ang ama at hinihingal ito kaya’t kaagad na siyang nagpatawag ng doktor.

Inuubo rin aniya ang ama at bumaba ang oxygen level kaya’t naalarma na sila at ipinayo ng doktor na dalhin na ito sa pagamutan.

Bilang bahagi ng standard operating procedure sa pagamutan ay isinailali­m muli si Erap sa swab test at dito na siya napositibo sa COVID-19.

Ayon kay Jinggoy, hindi naman naglalalab­as ng bahay ang ama na siyang mahigpit aniya nilang habilin dito dahil mabilis mahawa ng virus ang matatanda.

Posible aniyang nahawa ito ng virus sa isa sa mga naging bisita nito.

“Unang una, mahigpit naming sinasabi sa kanya na senior citizen siya, madaling mahawa. Siguro one of his visitors merong may COVID, nahawa, ‘di rin natin alam,” aniya pa.

Tiniyak naman ni Jinggoy na stable ang kondisyon ng ama sa ngayon at humingi ng panalangin sa mga mamamayan para sa agaran nitong paggaling.

“Stable po ang kanyang kondisyon at ako po ay humihingi ng inyong mga panalangin sa kanyang agarang paggaling. Maraming salamat po! Stay safe mga kababayan ko!” panawagan pa ng dating senador.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines