Alien In Love

Bandera (Mindanao) - - News -

AIZA, dapat kasi sama-sama tayo dito. Hindi naman tama ‘yung kami lang ang magpapadiin tapos ikaw ay isasalba namin.

Ni hindi ka madudungisan kahit konti?”

“Dahil ako ang nagbigay sa inyo ng napakaraming pera, magbabayad lang kayo dapat sa akin ng utang na loob!”

“Sama-sama tayo dito, Aiza! Tama naman si Marcus, e.” Pumangalawa sa opinyon si Roldan.

“Lumayas na kayo kung ayaw ninyo akong protektahan. Hintayin n’yo na lang ang ipaparusa ko sa inyo!”

“Ipapapatay mo kami?”

“Higit pa sa kamatayan ang mangyayari sa inyo, mga walang utang na loob!”

Alanganing umalis ang mga miyembro ng board.

Nag-iisip naman si Aiza kung paano makaganti sa board at maprotektahan din ang sarili sa kinakaharap na problema. May tinawagan siya. Ang mga goons nilang mag-ama.

“Patayin ninyo ang lahat na miyembro ng board. Pero sabihin mo sa utak ng inyong grupo na kailangan ang mapagbalingan ng krimen ay ... sina Marianne at ang The Magician.”

“Si Brummo, Ma’m?” “Siya nga.” “Ipapahamak ninyo siya? Pero may balitang umiibig kayo sa kanya?”

“Mas mahal ko ang sarili ko. Mapapahamak ako dahil sa gipit na sitwasyon ngayon.

Dinidiin nila ako, ang pangalan namin ng aking ama.

At ang lahat na miyembro ng board na mga walang utang na loob ay tumatalikod na sa amin.”

“Ma’m, matalino naman talaga ang utak ng aming grupo, pero sana nga lang, mapaniwala ang media. Kasi ang media ngayon, matapang na kumakalaban sa inyo, e. Ang pinapaboran nila ay si Marianne, dahil daw lumalayo sa kanya ang mga ebidensya at lumalapit daw sa inyo.”

“Inggrato! Hindi kita tinawagan para magsabi sa akin ng ganyan! Baka ikaw ang ipapauna ko sa kamatayan?”

“Sorry, Ma’m Aiza. Susunod na po. Kakausapin ko ho kaagad si Utak.”

“Kapag nakaisip na siya ng mga paraan para si The Magician ang maging suspect sa lahat ng kamatayan, kailangan munang iklaro niya sa akin. Kailangang matiyak ko muna na talagang brilliant ang mga ideya at hindi mapupunta sa akin ang sisi!”

“Sige, Ma’m Aiza.” Napaigtad si Aiza nang may nagsalita sa likuran niya.

“Siguraduhin mo lang na itong hakbang mong ito ay talagang maglilinis ng ating mga pangalan, Aiza.

Dahil kapag lalo tayong nalublob sa pangit na opinyon ng publiko, kahit pa anak kita, mananagot ka sa akin!”

Hindi nakapagsalita si Aiza, takot siya sa mga salita ng ama.

Itutuloy...

ni Gilda Olvidado

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.