NANAY NG CHILD STAR SA SERYE NG TV5 NAGREKLAMO SA DOLE

Kilalang celebrity mukhang pera, di marunong makisama

Bandera (Visayas) - - NEWS - BY REGGEE BONOAN

“HINDI pupunta ‘yun, walang bayad, eh!” Ito ang naisip na rason ng ilang katoto tungkol sa kilalang celebrity na inimbitahan para makiisa sa selebrasyon ng kilalang kumpanya na part ng showbiz industry.

Namroblema ang event organizer dahil karamihan daw sa mga inimbita nilang celebrities ay nag beg-off dahil may prior commitment daw at kung anu-ano pang mga alibi.

Naikuwento ng event organizer ang sagot sa kanya ng ilang celebrities na imbitado sa event at iisa ang sagot nila, hindi nga raw dadalo ang mga nabanggit kung walang talent fee o honorarium.

Lalo na raw ang sikat na celebrity na hindi mo mapapapunta maski na sa fundraising project dahil katwiran niya, dapat may kapalit ang bawa’t pagkanta niya. At ang nakakaloka pa, bossing Ervin, sobrang taas pa maningil ng talent fee kahit na fundraising pa ‘yun as in pera-pera raw talaga ang drama ng kilalang celebrity na ito.

Naalala pa namin na minsang nagbigay ng abuloy ang nasabing celebrity sa isang kasamahan sa trabaho na may kalakip na press releases tungkol sa mga project niya.

Kaya lukang-luka ang katotong namatayan.

Very vocal si Ms. Aileen Go, may-ari ng Mega Soft Hygienic Products, na super fan siya ng tambalang Marvin Agustin at Jolina Magdangal na lahat ng project ng singer-actress ay talagang pinapanood niya.

Maging ang Jolina Doll ni Jolens ay mayroon din si Ms. Aileen na talagang ipinagmamalaki pa niya at ngayong may pamilya na siya ay hindi pa rin nawawala ang pagka-fan niya dahil lahat ng nangyayari sa idolo niya ay alam pa rin niya dahil sinusubaybayan niya ito sa social media at pahayagan.

Hindi naman sukat akalain ni Ms. Aileen na ang negosyo niyang Mega Soft Hygienic ay gagawa ng diaper na pinangalanang Super Twins at timing naman dahil may anak na rin si Jolina ngayon kaya ito ang kinuha niya bilang endorser.

“Ngayong nag-asawa siya at nagkaroon na ng baby naisip ko na siya ang kuning endorser sa Super Twins diaper at sobrang saya ko kasi nangyari, kaya sobrang bonus na magkasama kami sa project,” kuwento ni Ms. Aileen sa nakaraang tsikahan niya sa piling entertainment press.

Hindi na nag-isip si Ms. Aileen kung mahal ang talent fee ni Jolina kasama ang anak, “Hindi naman tungkol sa talent fee kundi nagtitiwala ako sa kakayahan niya kung sino siya talaga. As a fan, sobrang excited ako for her, si Jolina lang talaga ang gusto ko, wala ng iba pa,” sabi ng may-ari ng Mega Soft.

Nang magkita raw sina Ms. Aileen at Jolina ay nasabi talaga niyang, "Idol kita, fan mo ako!" na mismong ang aktres na ang nahiya ng mga sandaling iyon.

At bago raw nagkapirmahan ng kontrata ang Mega Soft at si Jolina ay ipinasubok muna ang diaper kay Pele, ang anak nina Jolens at Mark Escueta “Sabi ko, pa-try lang, gusto ko kasi ‘yung gusto mo rin ‘yung product.’ Nagustuhan naman nila. Nakakatuwa dahil talagang hands on sila kay Pele. Lagi ring kasama ni Jolina si Pele sa mga lakad niya at tapings.”

At dahil endorser na nila si Jolina at ang anak nito, lahat daw ng project ng aktres ay suportado na ng Mega Soft.

“Ganu’n ko kamahal si Jolina, talagang handa ko siyang suportahan,” nakangiting sabi ni Ms. Aileen.

Bago namin isinulat ang isyung nagpalit ng mga taong namamahala sa seryeng Baker King ni Mark Neumann ay nagtanong muna kami sa taga-TV5 Corporate Communication kung aware sila sa issue. Wala pa raw silang alam tungkol dito.

Binanggit naming may isusulat kami at bigyan na lang kami ng feedback o official statement kapag alam na nila. Ang tsikang nakarating sa amin bossing Ervin ay tsinugi raw ang executives na namamahala sa Baker King. Mismong mga taga-Baker King ang nagsabing nagkaproblema sila dahil isa raw sa nanay ng tatlong batang cast ay nagsumbong sa DOLE dahil lumampas na sa oras ang trabaho ng anak. Sumobra raw sa oras ang working hours na itinakda ng DOLE para sa mga bata lalo’t nag-aaral pa tapos wala naman daw dagdag na bayad.

Sabi ng mga naiwang staff ng Baker King, “Kailangan kasing tapusin ‘yung eksena, so lumampas talaga sa oras, e, pumayag naman (nanay) nu’ng kinausap.”

Gumawa na kaagad ng hakbang ang TV5 para hindi na maulit ‘yung nangyari noon sa programa ni Willie Revillame na may pinasayaw namang bata na parang macho dancer na inireklamo rin sa DOLE. Sabi sa amin ng isang taga-Baker King, “Nagpalit na po ng tao.”

Habang tinitipa namin ang balitang ito kahapon ay tinext namin ang taga-Corporate Communication ng TV5 kung may statement na sila tungkol dito pero hindi pa nila kami sinasagot.

JOLINA MAGDANGAL, MARK ESCUETA AT BABY PELE

MARK NEUMANN

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.