Nasa loob ng bahay ang papatay sa iyo (2)

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE - Ni Leifbilly Begas

KAILANGAN mo pa ba ng patalim at baril para makapatay? Yung iba, kamay lang armas na.

Pero sa isinulat ni Shannon Quinn sa ListVerse, mayroong mga bagay sa bahay na hindi mo aakalain na makakapatay kahit na ginawa ang mga ito para sa ibang paggagamitan.

Nagkaroon na ng rekord ang mga ito kaya ingat kayo.

Air Conditioners

Sino ba naman ang hindi matatakot sa window air conditioner? Nakasabit lang ng kapiraso sa bintana. Parang mahuhulog, di ba?

Kaya dito sa atin, nilalagyan ng bakal na patungan, hindi dahil baka may mabagsakan kundi dahil sayang kung mahuhulog at masisira. Siyempre, ipapa-ospital mo pa yung tatamaan.

Noong 1988, isang window-type air conditioner ang nahulog at nakamatay sa nabagsakan nito na si Vito de Giorgio, 37, sa New York City.

Ang aircon ay pagmamay-ari ng isang family service office at isang repairman ang ipinatawag para ayusin ito.

Mag-isa lang ang technician kaya walang humahawak dito habang tinatanggal niya ang screw kaya nahulog ito at tumama sa ulo ni de Giorgio.

Noong 1980s ay madalas makita ang scenario na ito sa mga TV show at pelikula.

Mattress

Talagang may mga batang malikot. Kahit na anong pigil mo ay nakakaalpas pa rin sila sa crib. Baka tinutulungan ng guardian angel.

Kung sa isang bata ay nahihirapan ka na, isipin mo na lang si Justin Dwyer at Courtney Stach, ng Pennsylvania, na mayroong triplets.

Palaging nakakalabas ng crib ang isa sa triplets na si Eoin. Kaya isang gabi ay nagdesisyon ang mag-asawa na lagyan ng mattress ang ibabaw ng crib at patungan ito ng bag na mayroong laman at timbang na 23 kilo.

Para hindi mahulog ay tinalian pa nila ng bungee cord.

Noong Abril 2017, nagtangkang makalabas ng crib ni Eoin pero naipit siya sa pagitan ng mattress kaya nahirapan siyang huminga.

Tumawag ang mag-asawa sa 911 pero itinago na nila ang ebidensya—ang mattress, bag at cord.

Natanong ng otoridad ang walong taong gulang na anak ng magasawa at sinabi nito ang ginawa ng kanyang mga magulang. Ang magasawa ay inaresto at kinasuhan ng aggravated assault at involuntary manslaughter.

Window Blind Cords

Dalawang bata sa Estados Unidos ang isinusugod sa emergency room kada araw dahil napulupot sila sa cord ng window blinds.

Sa kanilang paglalaro ay naipapasok nila ang ulo sa loob ng cord kaya sila nasasakal, ang ilan ay namamatay pa.

Karamihan sa mga nabubuhulan ng tali ay mga batang edad isa hanggang apat—ang edad kung saan sila curious sa kanilang paligid.

Kalimitan ay hindi nakakahinga ng tulong ang mga ito dahil nahaharangan ang kanilang daluyan ng hangin.

Bagamat maaari itong mapigilang mangyari ay nangyayari pa rin kaya inirerekomenda ng mga nagkakabit ng blinds na iklian ang tali o kaya ay inirerekomendang ikabit para sa pamilya na may bata ay window blinds na walang tali.

Mower

Dati ang uso lamang sa pagpuputol ng damo ay push mower. Pero nang maimbento ang riding mower ay naging exciting na ang pagpuputol ng damo.

Pero hindi ito inirerekomenda sa mga pamilya na mayroong bata. Sa Estados Unidos, umaabot sa 800 bata ang nasasagasaan ng riding mower kada taon at sa mga ito 600 ang napuputulan ng kamay o ng paa.

Noong 2017, isang tatay sa Alabama ang nagputol ng damo sa paligid ng kanilang bahay.

Papaatras siya at hindi niya nakita ang kanyang tatlong taong gulang na anak na babae. Nagulat siya ng may mabangga at pagtingin niya ay nasa ilalim ang kanyang anak.

Isinugod ang bata sa ospital pero ito ay namatay.

Kahit na matatanda ay nabibiktima ng riding mower. Habang nakasakay pwedeng tumaob ang mower kapag paahon o pababa ang daraanan nito.

Mayroong mga matanda na nalalapnos ang balat dahil nadidikit ito sa mainit na makina at meron ding mga naputulan ng kamay at paa.

TV

Habang lumilipas ang panahon, panipis nang panipis at pagaan nang pagaan ang telebisyon. Ayos, di ba?

Kaya lang dahil magaan na ang mga telebisyon, kayang-kaya na rin itong hilahin ng mga bata lalo na kung nakapatong lang at hindi naka-wall bracket.

Sa Estados Unidos, kada 30 minuto ay mayroong bata na isinusugod sa emergency room dahil nabagsakan ng TV.

Noong 2000 at 2011, umabot sa 215 bata ang namatay sa Estados Unidos dahil dito.

Ang karamihan sa mga bata ay wala pang limang taong gulang.

Nangyari ito sa pamilya Hughes sa Liverpool, England noong 2008. Naglalaro ang apat na taong gulang na si Emily May Hughes sa playroom ng Nintendo DS. Nakaupo siya sa hagdan.

Hindi siya napansin ng kanyang tatay na mayroong buhat na telebisyon. Naapakan niya ang bata kaya siya nadulas. Nabitawan niya ang telebisyon at bumagsak ito sa ulo ng bata.

TV

AIR CONDITIONERS

MATTRESS

WINDOW BLIND CORDS

MOWER

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.