4 sugatan sa twin bombing

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE - —John Roson

HINDI bababa sa apat katao ang nasugatan sa magkahiwalay na pagsabog sa Maguindanao at North Cotabato, kamakalawa ng gabi, ayon sa mga otoridad.

Sugatan ang tatlong lalaki nang hagisan ng granada ng mga nakamotorsiklo ang isang sarisari store sa bayan ng Pikit, ani Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato provincial police.

Nag-iinuman sina Leonardo Paclayon, 52; Ariel Abrenica, 36; at Jerry Cordova sa tindahang nasa Brgy. Kulambog alas-7, nang hagisan ng granada ng dalawang lalaking magkaangkas sa motor, aniya.

Nagtamo ang tatlo ng pinsala sa iba-ibang bahagi ng katawan, kaya isinugod ng mga kaanak sa Aleosan District Hospital. Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng mga salarin, na sinasabing tumakas patungo sa direksyon ng Brgy. Tapudok, Aleosan.

Ilang minuto bago ito, alas-6:40, isa ring pagsabog ang naganap sa sa Brgy. Awang, bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nasugatan sa pagsabog si Cherry Joy Arayo, 21, isang balut vendor.

Itinakbo si Arayo sa station hospital ng Army 6th Infantry Division sa Camp Siongco, doon din sa Awang, para malunasan.

Nagpadala ng mga pulis at sundalo sa blast site para mag-imbestiga at alamin kung anong uri ng pampasabog ang sumambulat.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.