1 patay, 19 sugatan sa aksidente

Bandera (Visayas) - - NEWS - —John Roson

ISANG lalaki ang nasawi at di bababa sa 19 katao ang nasugatan sa magkasunod na aksidente sa lalawigan ng Sorsogon, kamakalawa ng hapon at gabi.

Dead on the spot si Ulpiano Placios, 41, nang magkagutay-gutay ang ilang bahagi ng katawan at maputulan pa ng kanang binti matapos masalpok ng pampasaherong bus ang sinakyan niyang tricycle, ayon sa ulat ng Sorsogon provincial police.

Sugatan naman ang tricycle driver na si Michael Llave, 39, at isa niya pang pasaherong si NJ Lorenzo, 29. Nasalpok ng DLTBCo. bus (UYE-162) na dala ni Emerito Ricamara, 53, ang tricycle ni Llave sa Brgy. Esperanza alas-8:30, ayon sa ulat.

Dinala sina Llave at Lorenzo sa Bicol Regional Teaching and Training Hospital sa Legazpi City, Albay.

Una rito, alas-5 ng hapon, di bababa sa 17 katao ang nasugatan nang bumaligtad ang sinakyan nilang jeep sa bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy. Ticol, Sorsogon City.

Minamaneho ni Jose Gabuna Jazmi, 37, ang jeep mula Sorsogon City proper patungong Brgy. Cumadcad, nang maganap ang insidente.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.