Alien In Love

Bandera - - HEART 2 HEART -

WORRIED na napatingin si Miaraz kay Marianne. “Sana naman maniwala ka sa akin, Marianne. Sana maramdaman mo na totoo ang mga sinabi ko. Pero ... hindi rin naman kita masisi kung duda ka pa rin sa akin. Kasi, masama naman talaga ang ugali ko sa iyo lalo na doon sa mall. Dala iyon ng pagseselos ko sa pagtingin sa iyo ni Brummo.”

Napangiti si Marianne. “Ano ka ba, Miaraz ... naniniwala ako sa iyo. Kasi, ang sincerity nararamdaman talaga ‘yan ng mga tao, e. Hindi tayo perpekto. Nagkakaroon tayo ng mga maling damdamin pero normal lang ‘yon. Naiaayos din naman natin ang mga iniisip natin o nararamdaman given the time.”

“Salamat, Marianne. Alam mo, doon sa aming planeta, may kaibigan ako na kasimbait mo. Kapag may nasasabi akong masama o nagagawang mali, hindi niya ako pinapagalitan o kinu-condem. Hindi rin niya ako basta dyinajudge. Pinapayuhan lang niya ako at katulad na katulad mo siyang magsalita. Very humble.”

“Salamat. Palagay na rin ang loob ko sa iyo, Miaraz.”

“Ay, ito! Sa iyo ito bagay! Isukat mo na!”

“Maganda nga! Pero teka ... gusto ko ring makapili ng para sa iyo!” At inilabas naman ni Marianne ang isang bestidang kulay pink na napakalambot ng tela. “Para sa akin?”

“Oo, Miaraz! Sa iyo lang ‘yan bagay, promise!”

Isinukat naman ni Miaraz.

At tuwang-tuwa siya. “Wow, tama ka! Bagay na bagay nga sa akin! Palagay mo, magugustuhan ito ni Brummo?”

Wala lang sa loob na naitanong ng dalagang alien.

Pero naiintindihan ni Marianne na walang halong malisya iyon. Hindi siya ginagalit o pinapaselos.

Talaga lang hindi maitago ng dalagang alien ang matinding pag-ibig kay Brummo kahit pa kaibigan na ang turing nito kay Marianne.

Maingat si Marianne sa kanyang ginawang pagsagot. “Oo naman. Tiyak na mai-impress lalo si Brummo sa kagandahan mo, Miaraz.”\

“O sige, akin na ito. Pero marami pa tayong pamimilian, ha? At tulad ng sabi ko, hating tunay na magkaibigan ang gagawin natin. Walang lamangan.”

Naaliw si Marianne sa dalagang alien. “Oo! Masarap talaga ang hindi naglalamangan, ang fair lang palagi.”

“Saka tiyak ko naman, Marianne, lahat ay babagay sa atin pareho. Kasi pareho tayong sexy at physically fit! At kahit ano ay babagay din sa mga kulay natin!” “Agree ako diyan!” At tuwang-tuwa sa pagsusukatan ang dalawa. Parang nakatagpo ng isang kapatid na babae si Miaraz kay Marianne. Ganoon din naman si Marianne.

Pero si Aiza ay hindi maalis sa isip na may kahawig siya na kasama ni Marianne.

Itutuloy...

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.