Miss Earth sponsor: Di ako nambaboy ng kandidata

Bandera - - FRONT PAGE -

TODO-tanggi ang Miss Earth sponsor sa mga paratang na sexual harassment ng ilang kandidata ng nasabing beauty contest.

Sa isang panayam, sinabi ni Amado S. Cruz na nagulat siya sa mga akusasyon at iginiit na hindi niya alam kung saan nanggaling ang ganoong hinala.

Aniya noong 2000 ay sponsor na siya ng iba’t ibang pageant, kasama dito ang pagho-host ng dinner party sa Manila Yacht Club, pero ngayon lamang siya naakusahan.

Nanindigan din siya na hindi totoong humingi siya ng sexual favor sa mga kandidata.

Matatandaang isiniwalat ni Miss Canada Jaime Vandenberg, na sinegundahan naman nina Miss England AbbeyAnne Gyles at Miss Guam Emma Mae Sheedy, na inalok sa kanya ni Cruz ang korona kapalit ng pagpayag na makipagniig dito.

Na-trauma umano ang kandidata sa pangyayari.

Paglilinaw ni Cruz, hindi umano siya nagalok na magtungo ang mga kandidata sa Boracay. Ang mga beauty queen aniya ang nagpahayag ng interes na magtungo sa nasabing island resort.

Idinagdag niya na kinakausap na niya ang kanyang mga abogado para sa mga legal na hakbang.

Nauna nang nagpasya ang Miss Earth organization na patawan ng “forever ban” si Cruz kaugnay sa pangyayari.

Hinikayat din nito ang ibang mga kandidata na nakaranas ng kaparehong insidente na magsumite ng written statement para magkaroon ng pormal na proseso. — Radyo Inquirer

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.