Biyahe ng LRT1 pinalawig
TUMAAS ng 15 porsiyento ang bilang ng mga turistang bumisita sa bansa sa nakalipas na 10 buwan.
Sa Kapihan sa Manila Bay, inanunsyo ni Tourism Secretary Berna Puyat na mula Enero hanggang Oktubre ay nakapagtala ng kabuuang 6,800,052 turistang bumisita sa bansa, o 15 porsyentong mas mataas sa kaparehong panahon noong 2018 na 5,911,161.
Sa bilang na ito ay nangunguna ang mga Koreano (1,609,172 o 21.75 porsyento); pangalawa ang China (1,499,524 o 41.14 porsyento); pangatlo ang USA (872,335 o 2.53 porsyento).
Nananatili sa ika-4 na puwesto ang Japan (569,625) at panglima ang Taiwan (282,220).
Ayon sa kalihim, ang pagganda ng tourist arrivals ay bunsod ng maayos na air connectivity, pinaigting na marketing promotions kasama na rito ang pinasiglang brand na “It’s More Fun in the Philippines”, ang gumagandang relasyon sa ibang bansa at ang lumalawak na pagkilala sa sustainable tourism advocacy ng Pilipinas.
SIMULA kahapon ay pinalawig ang operasyon ng Light Rail Transit Line 1.
Ang huling biyahe ng mga tren ng LRT1 na galing sa Baclaran ay alas-11 ng gabi habang alas-11:15 ng gabi naman sa tren na galing sa Roosevelt station.
Kapag Linggo, ang huling biyahe mula sa Baclaran ay alas-9:30 ng gabi at alas-9:45 ng gabi naman mula sa Roosevelt.
Tatagal ang extended na biyahe hanggang sa Disyembre 31.
Mananatili naman sa alas-4:30 ng umaga ang simula ng biyahe ng LRT1 sa magkabilang direksyon.
Samantala sa Disyembre 24 ang huling biyahe ng LRT1 ay alas-8 ng gabi mula sa magkabilang direksyon.
Sa Disyembre 25 ang huling biyahe ay alas-9:30 ng gabi galing sa Baclaran at alas-9:45 ng gabi mula sa Roosevelt.
Sa Disyembre 30 ay alas-9:30 ng gabi mula sa Baclaran at alas-9:45 ng gabi mula sa Roosevelt.
Sa Disyembre 31 ang huling biyahe ay alas-7 ng gabi sa magkabilang direksyon. –Leifbilly Begas