Jokowi nagpasalamat sa Pinoy surfer
Kalabang Indonesian iniligtas sa alon
SINO bang mag-aakala na ang pangulo ng isang bansa ang magbibigay-pugay sa Filipino surfer na si Roger Casugay matapos iligtas ang kalabang Indonesian na si Arip Nurhidayat.
Mismong si Indonesian President Joko “Jokowi”Widodo ang nagpasalamat kay Casugay sa kabayanihang pinamalas nito para sa kalabang atleta na tinangay ng malaking alon sa ginawang one-on-one race sa semifinals ng South East Asian Games sa surfing.
Ipinost ni Jokowi ang kanyang makapagdamdaming mensahe sa 24-anyos na Pinoy surfer sa kanyang official Twitter account @jokowi nitong Lunes.
“My appreciation to Roger Casugay, a Filipino surfer who gave up his chance to win the gold medal in a bid to help an Indonesian athlete who fell [into the sea] during the competition,” pahayag ni Jokowi.
“Winning a competition and upholding sportsmanship is important, but still, humanity is above all. […] Greetings from Indonesia,” dagdag pa niya.
Umabot sa mahigit sa 27,000 likes at 6,100 retweets ang nasabing post kahapon.
Maraming mga Indonesians ang nagpahayag din ng pasasalamat sa ginawang kabayanihan ni Casugay.
Noong Biyernes, nag-viral sa social media ang larawan ni Casugay habang inililigtas ang Indonesian surfer na si Arip Nurhidayat sa Monaliza Point, La Union, na ipinost ni Jefferson Ganuelas.
Isa sa mga larawan na ipinost ay si Casugay habang tinutulungan ang Indonesian surfer na ang paa ay nasugatan at tinatangay ng alon habang nasa kalagitnaan ng kanilang laban.
Isang photo pa ang ipinost na magkasama na sina Casugay at Arip na kapwa na nakatayo sa surfboard habang papunta sa pampang.
Nakapag-uwi pa rin si Casugay ng ginto para sa men’s longboard surfing noong Linggo. - Inquirer.net