BAHALA KAYO DIYAN!
HOUSE ROW, HINDI PAKIKIALAMAN NG PALASYO…
Sa kabila ng mga alingasngas na magkakaroon ng “coup” sa Kamara dahil umano sa mga hindi pantay na pagtingin ng liderato nito sa mga bibigyan ng malaking budget para sa mga proyekto nila, sinabi ng Malakanyang na hahayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayusin ng Kamara ang mga sarili nilang problema.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, nakikialam lamang noong nakaraan si Duterte dahil hindi pa umano organisado ang mga miyembro ng House of Representatives pero ngayon, hahayaan na niyang mag-usap ang mga kongresista ang isyu tungkol sa liderato nito.
“All I can say is the President leaves it to the individual members of the House of Representatives to choose their leader,” sabi ni Roque. “The Constitution is clear, only the members of the House of Representatives can decide on whom they will choose as leader. We leave that to the members of the House of Representatives.”
“At first, maybe they needed some direction from the President because the 18th Congress was not organized at that time. But after a year and a half, the 18th Congress is already organized,” dagdag niya. Kung matatandaan, inendorso ng Pangulo ang tinatawag na “term-sharing” para sa liderato ng Kamara kung saan una munang magiging House Speaker si Alan Peter Cayetano at pagtapos niya ay hahalili si Marinduque Representative Lord Allan Velasco. Magsisilbing Speaker si Cayetano ng labinlimang buwan o hanggang ngayong Oktubre at pagkatapos ay si Velasco na ang magiging House Speaker sa mga natitirang buwan.
Pero nagkaroon ng alingasngas sa usapin ng liderato sa Kamara makaraang kuwestiyunin ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. ang pamamahagi ng pondo sa ilang mga congressional districts noong budget hearing ng Department of Public Works and Highways.
Pinansin ni Teves ang umano’y pondo ng Taguig City na hawak ni Cayetano at ng Camarines Sur na hawak naman ni Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte na kilalang kaalyado ng House Speaker.
Samantala, sinuspinde naman ng Kamara ang kanilang sesyon nitong Lunes dahil sa mga kumakalat na balitang magsasagawa ang ilang kongresista ng “coup” upang alisin si Cayetano sa puwesto.
Si Deputy Speaker Raneo Abu – na siyang presiding officer – ang nagdeklara ng suspensyon hanggang alas tres ng hapon ng Martes.
Ito ay makaraang magkaroon ng alingasngas na sinabihan umano ni Deputy Speaker Paolo Duterte ang Mindanao Bloc na ideklarang bakante ang mga House leadership positions sa Kamara.
Pero nilinaw ni Pulong Duterte na nadismaya lamang siya sa mga nangyayari sa Kamara.
“The text message that I sent to another lawmaker — and is now making the rounds — was an expression of my personal dismay upon hearing the concerns of my fellow lawmakers,” sabi ni Duterte.