INJURED SI MANGROBANG
Nagkaroon ng aberya sa paghahanda sa Tokyo Olympics ang national triathlete na si Kim Mangrobang matapos magkaroon ng injury habang nag-eensayo sa Portugal.
Ayon kay Triathlon Association of the Philippines (TRAP) president Tom Carrasco, nagkaroon ng thigh injury ang two-time Southeast Asian Games champion na maaaring makaapekto sa kanyang kampanya para sa Summer Games na gagawin sa susunod na taon.
Hindi na rin umano makakalahok si Mangrobang sa iba pang international tournaments ngayong season dahil sa tinamong injury.
Sabi pa ni Carrasco, nagpa-magnetic resonance imaging (MRI) na si Mangrobang at pinayuhang magpahinga muna hanggang sa tuluyan siyang gumaling.
“Kim had a minor injury, it was a strained thigh muscle but the MRI results said that it was just muscle fatigue,” sabi ni Carrasco. “She was not able to compete in the Karlovy World Cup last week because of the injury.”
Consistent ang ensayo ni Mangrobang sa Desmor sa Portugal simula noong Enero sa ilalim ng kanyang mentor na si Sergio Santos.
Sinabi ni Carrasco na ang pokus ni Mangrobang ngayon ay magpagaling mula sa kanyang injury na maaaring umabot hanggang dalawang buwan.
“The recovery period might be around one to two months. She is now on low intensity training,” saad ni Carrasco. “Kim will come back home before the end of the year, then will go back to intensive training at Desmor camp in Portugal for the resumption of Olympic qualifiers in February to June 2021.”