SENATOR ROQUE?
BALI-BALITA NA NGAYON…
Nagsisimula nang kumalat ngayon ang mga bali-balitang may plano umanong tumakbo bilang senador si Presidential spokesperson Harry Roque.
Kasunod ito nang tawagin umano siyang “senator” ni Quezon Governor Danilo Suarez sa isang press briefing noong nakaraang linggo.
Tinawag ni Suarez si Roque ng “senator” pero binawi rin niya agad at sinabing ‘Excuse me, Secretary pa pala. Sa 2022 pa.’
Nang tanungin si Roque kung may plano ba talaga siyang tumakbo para pagka-senador, sinabi niyang mas gugustuhin na niya umanong magretiro na lamang.
“After what I’ve seen with the kind of media reporting, the kind of trolls that the opposition has, I’m looking forward to retirement from government service,” saad ni Roque.
Ayon pa sa Palace official, 2016 nang una siyang sumabak sa pulitika nang maging representante siya ng Kabayan Party-list.
Pagkatapos nito, naging Palace spokesperson si Roque noong 2017 matapos niyang palitan si Secretary Ernesto Abella.
Noong 2019, nagplano siyang tumakbo bilang senador pero binawi niya rin ito dahil sumailalim siya sa isang heart procedure.
Isang linggo bago siya mag-file ng kanyang kandidatura noong October 2018, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na maliit lamang ang tsansa ni Roque na manalo bilang senador.
Inamin naman ito ni Roque dahil ang mga lumabas sa mga survey ay ang mga reelectionists at mga dating senador ang mangunguna sa eleksyon.
At nitong Abril, muli siyang hinirang bilang Presidential spokesperson matapos niyang palitan si Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
“I’m happy to say that actually I have been there and done that, and I look forward to having my privacy again come 2022,” sabi ni Roque.