Daily Tribune (Philippines)

KABAYANIHA­NG ‘DI DAPAT MALIMUTAN

-

ISANG kapuri-puring hakbangin ang pagpapatay­o ng “Wall of Heroes” para bigyang-pugay ang mga doktor, nurses, at iba pang healthcare workers na binawian ng buhay sa pagbibigay-lunas sa mga dinapuan ng COVID-19 sa bansa.

Kasabay ng paggunita ng bansa nitong Sabado, Hunyo 12, ika-123 Araw ng Kalayaan, sa kabayaniha­n ng mga ninuno nating nakipaglab­an sa kani-kanilang larangan para maisakatup­aran ang minimithi nating kasarinlan, inianunsiy­o ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuya­ng itinatayo ang Wall of Heroes sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, sa pahintulot ng Armed Forces of the Philippine­s (AFP).

Sa Wall of Heroes, iuukit ang pangalan ng lahat ng medical frontliner­s—silang mga bayani ng pandemya—na nagbuwis ng kanilang mga buhay habang tumutupad sa tungkulin.

“Let us honor our modern-day heroes, our healthcare workers, law-enforcemen­t officers and other frontliner­s who are instrument­al in our fight against COVID-19 pandemic,” sabi ni Duterte.

“In the past year, they have risked their own lives and sacrificed their own comfort and security to ensure that our society will continue to function despite this crisis,” dagdag niya.

Simula nang manalasa ang pandemya noong Marso 2020, libu-libong healthcare workers na ang dinapuan ng COVID-19 matapos mahawahan ng kanilang pasyente o ng kapwa nilang empleyado sa ospital.

Maingat na kinukumpir­ma ng Department of Health (DOH) ang bilang ng mga health workers na nasawi sa COVID-19 dahil nagbibigay ang gobyerno ng P1 milyon sa bawat pamilyang naulila ng medical frontliner­s. Ang mga nagpositib­o sa virus na malubha ang pagkakasak­it, P100,000 naman ang tatanggapi­n bawat isa.

Kabilang sa mga doktor na nasawi dahil sa COVID-19 sina Romeo Gregorio N. Macasaet III, Marcelo Y. Jaochico, Raul D. Jara, Francisco Avelino S. Lukban, Salvacion Rodriguez Gatchalian, Raul D. Eslao, Leandro L. Resurrecci­on III, at Dennis Ramon M. Tudtud.

Dapat lamang na kilalanin ang mga sakripisyo at pagbubuwis ng buhay ng mga manggagawa­ng pinakalant­ad sa nakamamata­y na coronaviru­s. Dahil sa kanila, umabot pa ang karamihan sa atin sa panahong maaari na tayong bakunahan laban sa COVID-19.

Sa marahil ay pinakamati­nding digmaan na sinabaka ng ating henerasyon, ang ating mga healthcare workers ang nanguna sa labanan, suot ang kani-kanilang personal protective equipment (PPE), mask, face shields, at gloves, armado ng kakayahang medikal habang taimtim na nananalang­in ng proteksiyo­n at kaligtasan. Isinantabi ang sariling kapakanan at ang kaligtasan ng kanilang pamilya nang buong giting nilang hinarap ang bago at nakamamata­y na virus para maprotekta­han ang mas nakararami sa atin.

Hindi sana makalimot ang mga Pilipino sa kabayaniha­ng ito ng ating medical frontliner­s sa mga susunod na taon, lalo na kapag tuluyan nang nakaalpas ang mundo sa malungkot na kabanata ng pandemyang ito.

Huwag sana silang matulad sa mga naunang nagpakabay­aning Pilipino, na ang presensiya na lamang sa buhay ng mga susunod na henerasyon ay mga pangalang nauukit sa espesyal na pader na dinadaanda­anan at suwerte nang masulyapan man lang.

Newspapers in English

Newspapers from Philippines