LABAN O BAWI
May mga namumuong pangamba ngayon ang mga health experts at ilang mga local government units (LGU) sa napabalitang pagpasok na ng coronavirus disease (COVID-19) Delta variant na pinaniniwalaang mas nakakahawa at mas mabilis kumalat sa katawan.
Ayon sa tala ng Department of Health (DoH), nasa 35 na umano ang mga naitalang kaso ng Delta variant sa bansa, at dalawa sa mga nahawahan ay nasa Metro Manila kung saan namatay na umano ang isa.
Hindi naman maikakaila na talagang nakakatakot ang epekto ng Delta variant na unang nadiskubre sa India – kung saan nakahawa ito ng milyong-milyon at pumatay rin ng daang-libo pa sa nasabing bansa.
Kaya hindi rin maiaalis sa mga mamamayan ang pagkatakot sa nasabing COVID-19 variant.
At ngayon nga, hiniling na ng Metro Manila mayors sa Inter-Agency Task Force (IATF) na bawiin muna ang pagpayag sa mga batang edad 5 pataas na makalabas ng bahay dahil na rin sa banta ng Delta variant sa bansa.
Ayon kay Parañaque Mayor Edwin Olivarez ng Metro Manila Council, kasama na rin dito ang umano’y pagtaas ng kaso ng tinatamaan ng virus sa National Capital Region.
“Ang recommendation ng ating Metro Manila Council, totally bawal muna po dahil nga po itong binabantayang Delta variant na alam naman po natin more contagious at transmissible,” sabi ni Olivarez.
Samantala, sinabi namn ni Dr. Rontgene Solante, isang infectious diseases expert na kahit mababa ang kaso sa mga bata, hindi ito dahilan upang hindi sila mahawahan at maaaring maging mga superspreader ang mga ito.
Noong nakaraang linggo, nagdesisyon ang IATF na payagan nang lumabas ang mga batang edad 5 pataas na makalabas at makapunta sa mga piling open spaces.
Kung iisiping mabuti, makakatulong sana sa mga kabataan na makalabas na ng kanilang bahay upang makapamasyal dahil talagang naapektuhan na ang kanilang pisikal at emosyonal na wellbeing.
So sobrang tagal kasi nang pagkakakulong nila sa kanilang mga bahay, halos nawala na rin ang pakikisalamuha ng mga bata sa kanilang mga kapwa bata lalo na nang ipatupad ang online classes.
Pero hindi rin naman maikakaila na talagang nakakabahala kung sakaling maging superspreader ang mga bata, kung kaya mas maigi na rin siguro na huwag muna silang palabasin hangga’t hindi pa sila nababakunahan.