Daily Tribune (Philippines)

FABIAN, PINALAKAS ANG HABAGAT

- NI SEBASTIAN NAVARRO

Pinalakas ng bagyong Fabian ang habagat kung kaya naman nakararana­s ito ngayon ng mga matitindi at tuloy-tuloy na pag-ulan na naging sanhi ng pagbaha sa ibang mga lugar sa bansa.

Nalubog sa baha nitong Miyerkoles ang ilang kalsada sa Bataan at Pampanga dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Sa Barangay Sta. Maria sa Macabebe, Pampanga, walang magawa ang mga residente kundi sumulong sa baha.

Apat na araw na ang tubig sa kanilang lugar dulot ng ulan na dala ng Bagyong Fabian na pinalala pa ng hanging habagat at dahil sa high tide, tumataas ang tubig araw-araw sa lugar.

Binaha rin ang ilang bahagi ng Balanga City, Bataan dahil sa matinding buhos ng ulan mula pa Martes ng gabi. Kaya pansamanta­lang hindi makadaan ang mga light vehicle sa northbound at southbound dahil sa tubig na lampas 1 talampakan.

Samantala, bahagya namang tumataas ang tubig sa ilang parte ng Mariveles, Bataan.

Nitong Miyerkoles ng umaga, nag-abiso ang mga awtoridad sa mga residenten­g nakatira sa tabi ng dagat na lumikas dahil sa malalakas na hampas ng alon.

Ayon sa PAGASA, inaasahang magtatagal pa hanggang weekend ang pag-ulan sa Central Luzon.

“Asahan po natin ‘yan. Ito po ay dulot ng habagat na pinalakas ng 2 bagyo. ‘Yung isang bagyo si Fabian at ‘yung isa naman ‘yung dating low-pressure na naging Bagyong Cempaka,” sabi ni chief PAGASA-Clark meteorolog­ist Manuel Esguerra Jr.

Karamihan ng pag-ulan ay mararanasa­n sa Metro Manila at Southern Luzon na naka-orange rainfall warning.

Newspapers in English

Newspapers from Philippines