Daily Tribune (Philippines)

CHINA, SUMUNGKIT AGAD NG 2 GINTO

-

Dalawang gintong medalya mula sa shooting at weightlift­ing ang kaagad na nasungkit ng powerhouse China sa pagsisimul­a ng Tokyo Olympics nitong Sabado.

Bumuwena-mano bilang unang gold medalist sa pandemic-delayed Summer Games si shooter Yang Qian nang ungusan niya sa huling tira ang pambato ng Russia na si Anastasiia Galashina sa women’s 10-metre air rifle.

Pinasarap pa ni Yang ang kanyang panalo sa pagtatala ng Olympic record score na 251.8 para sa ga-buhok na pagungos kay Galashina (251.1), habang pumangatlo naman si Swiss bet Nina Christen sa iniskor na 230.6.

Halos abot-kamay na ni Galashina papasok sa huling putok ngunit kinapos ito sa kanyang iniskor na 8.9 na sinamantal­a naman ni Yang para maagaw ang panalo.

“It’s the 100th birthday of the Chinese Communist Party,” ani Yang. “I’m so happy that this golden medal is a gift to my country. I’m so proud.”

Samantala, wagi rin si Hou Zhihui sa pagbulsa ng unang ginto sa weightlift­ing sa 49kg women’s category.

Sa unang tatlong buhat ay umabante kaagad ng pitong kilo na lamang si Hou kontra sa pambato ng India na si Chanu Saikhom Mirabai.

Ang kabuuang buhat ni Hou na 94kg sa ikatlong subok ay mababa sa kanyang naitalang snatch world record pero sapat para iwan si Mirabai, na kumarga lang ng 87kg at bigo sa kanyang huling subok na mabuhat ang 89kg.

Si Mirabai, ang 2017 world champion sa 48kg, ang world record holder sa clean and jerk sa bigat na 119kg ngunit nakayanan lamang bumuhat ng 115kg, may 8kg na mas mababa sa kabuuang buhat ni Hou na 210kg.

Nakuha naman ng teenager na si Windy Cantika Aisah ng Indonesia ang bronze sa kabuuang buhat na 110kg.

 ??  ??

Newspapers in English

Newspapers from Philippines