JULIA, MAY PA-SWIMSUIT
INIINTRIGA ng ilang netizens ang swimsuit photo na ipinost ng aktres na si Julia Barretto sa Instagram ngayong linggo—sumabay kasi ito sa maituturing na IG reveal tungkol sa indirect na pag-amin nina Bea Alonzo at Dominic Roque sa matagal nang natsitsismis na relasyon nila.
Nitong Miyerkules, Hulyo 21, ipinost ni Julia ang litrato niya habang nakasuot ng black two-piece swimsuit sa kalagitnaan ng dagat.
Bagamat hindi naka-tag sa post ang lugar kung nasaan ang young actress, sa iba niyang posts noong nakaraang linggo ay kumpirmadong nagbabakasyon siya sa private resort ng nobyong si Gerald Anderson sa Zambales.
Bintang ng fans, ayaw daw masapawan ni Julia kaya sinabayan niya ng agaw-eksenang post ang pagkalat sa social media—noong Miyerkules din—ng mga litrato ng matagal nang nali-link pero hindi umaaming sina Bea at Dominic habang sweet sa isa’t isa.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin tinitigilan ng fans ang pagsasabong kina Julia at Bea—ang present at former girlfriends ni Gerald, respectively.
Matatandaang si Julia ang itinuturong third party sa kontrobersiyal na breakup nina Bea at Gerald noong 2019.
Itinanggi noon nina Julia at Gerald ang issue, pero Marso ngayong taon ay umamin na sila na totoong mayroon silang romantic relationship.
Nang mga panahong iyon, matagal nang natsitsismis si Bea kay Dominic, bagamat hanggang ngayon ay walang direktang pag-amin o pagtanggi ang dalawa tungkol sa issue.
Pero kung pagbabasehan ang mga kumalat na photos nina Bea at Dominic—na mayroong magkahawak-kamay habang ang isa ay nakayakap pa ang aktres sa aktor—kailangan pa ba nilang direktang umamin?