DAVAO DEL NORTE, WALA NANG ACTIVE CASES
Wala na umanong active cases ng coronavirus disease (COVID-19) ang apat na bayan sa Davao del Norte, batay sa COVID-19 case bulletin ng lalawigan nitong Biyernes.
Ayon sa Davao del Norte Provincial Health Office, wala nang COVID-19 cases sa mga bayan ng Talaingod, Kapalong, at San Isidro.
Pinakahuling COVID-free municipality ang New Corella matapos gumaling ang dalawang natitirang pasyente sa kanilang bayan.
Pitong kaso lang din ng COVID-19 ang nadagdag sa Davao del Norte nitong Biyernes, pero apat ang bagong namatay sa sakit.
Ayon kay Dr. Alfredo Lacerona, incident commander ng Davao del Norte COVID-19 operations center, isa sa mga dahilan ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 ang dumaraming nagpapabakuna sa lalawigan.
Dagdag niya, 76-78% sa mga nagpo-positibo sa COVID-19 ang mga hindi bakunado.
Inihayag din niya na umabot sa 108,859 ang mga nabakunahang residente sa Davao del Norte sa tatlong araw na national vaccination days. Halos 80% aniya sa kanilang target ang nakamit.