Daily Tribune (Philippines)

ILANG LUGAR SA VISAYAS, MINDANAO BINAHA

- NI SEBASTIAN NAVARRO

Dahil sa walang tigil na pag-ulan na naranasan sa ilang parte ng Visayas at Mindanao dala ng low pressure area, ilang mga lugar sa mga nasabing rehiyon ang inabot ng baha, dahilan para ilikas ang ilang pamilya at masuspindi ang mga trabaho at klase sa paaralan.

Sa ilang mga ulat, nasa 48 pamilya ang inilikas sa bayan ng Mawab sa Davao de Oro dahil sa bahang dulot ng walang tigil na pag-ulan at pansamanta­lang nanatili sa barangay gym, chapel at sa kanilang mga kamag-anak ang mga binahang residenten­g galing sa mga barangay ng Andili, Nueva Visayas at Saosao.

Inanunsyo naman ng local government unit sa Mawab na dapat mag-ingat ang mga motorista na dadaan sa Sitio Pagud sa Barangay Sawangan dahil sa landslide.

Samantala, sinuspinde naman ng lokal na pamahalaan sa bayan ng Monkayo ang mga klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan dahil sa naranasang ulan mula noong weekend.

Sa Iligan City, kanselado rin ang pasok sa paaralan at trabaho dahil sa baha at landslides sa mga kalsada.

Umapaw ang ilog sa Mahayhay Bridge, habang nasira ang steel bridge sa Barangay Ubaldo Laya dahil sa pagragasa ng tubig.

Inilikas din ang mga residente sa ilang lugar sa Kauswagan, Lanao del Norte dahil sa bahang dulot ng low pressure area.

May mga motoristan­g na-stranded matapos umapaw ang ilog at hindi madaanan ang kahabaan ng Barangay Tacub.

Sa Northern Samar, sinuspende rin ng LGU sa bayan ng Lope de Vega ang trabaho at klase dahil sa ulan at baha.

Sa bayan ng Catarman, inabot ng baha ang tulay na gawa sa kahoy sa Barangay Gebulwanga­n. Dahil dito, hirap makatawid ang mga residente.

Sa Tacloban, nakansela rin ngayong Lunes ang balik-eskuwela ng higit 7,000 estudyante.

Ayon sa executive order na inilabas ng LGU, kinansela ang pasok sa mga paaralan at tanggapan ng pamahalaan dahil sa malalakas na ulan.

Newspapers in English

Newspapers from Philippines