AMA NG ATENEO SHOOTER, PATAY SA PAMAMARIL
Iniulat ng mga otoridad nitong Biyernes na patay sa pamamaril ang ama ng Ateneo shooter na si Dr. Chao Tiao Yumol matapos itong tambangan ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa labas ng kanilang bahay sa Lamitan, Basilan.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Tadzhabel Managola, hepe ng Lamitan City Police, ang biktima na si Rolando Yumol na isa umanong retiradong pulis. Idineklarang dead on arrival sa hospital si Rolando na magtamo ng apat na tama ng bala sa likod.
Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, dakong 6:55 ng umaga nang barilin umano si Rolando ng dalawang suspek na lulan ng isang motorsiklo.
“Sa ngayon under investigation pa ang kaso. Ongoing pa, naghahanap kami ng impormasyon at kung sino makapagbibigay ng impormasyon sa amin,” saad ni Managola.
Sinabi naman ng ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), na negosyante ang 69-anyos na biktima at nakatira sa Barangay Maganda.
Sa ngayon, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na “speculative” kung iuugnay ang nangyari kay Rolando, sa nangyaring pamamaril sa Ateneo campus sa Quezon
City noong July 24.
“So far, it is speculative to assume its direct relation to the shooting incident that happened last Sunday at the Ateneo de Manila University,” ayon kay PNP Public Information Office chief Police Brigadier General Roderick Augustus Alba.
Suspek sa naturang pamamaril ang anak ni Rolando na si Chao Tiao. Nasawi sa insidente si dating Lamitan mayor Rose Furigay, ang executive aide niyang si Victor Capistrano, at ang guwardiya sa Ateneo na si Jeneven Bandiala. Sugatan din ang anak ni Furigay na si Hannah. Samantala, kinondena ni Basilan Representative Mujiv Hataman, ang nangyaring pamamaslang kay Rolando. Nauna na rin niyang kinondena ang nangyaring pamamaril sa Ateneo.
“Nais ko sanang diinan: Kailanman at sa kahit anong dahilan, walang saysay ang pagkitil ang buhay. Anumang uri ng karahasan ay walang lugar sa ating lipunan kung nais nating umunlad at kumawala mula sa imahe ng kaguluhan sa ating lalawigan,” sabi ni Hataman sa pahayag.
“Let us not judge and fan the flame of emotions of the grieving families. Baseless speculations won’t help and could trigger another violenc. We express our condolences to the family of Rolando Yumol and call on authorities to probe and hold the perpetrators accountable.”