Daily Tribune (Philippines)

TATAAS NA NAMAN

-

Habang patuloy na bumababa ang presyo ng langis na nagkaroon ng ilang mga rollback nitong mga nakaraang linggo, nagbabadya naman ngayong tumaas ang presyo ng imported na bigas sa Pilipinas bago matapos ang 2022.

Ayon sa Federation of Free Farmers (FFF), posibleng tumaas nang P4 hanggang P5 ang presyo ng imported na bigas dahil umano sa ipinatupad na export ban ng India sa broken rice at sa ipinataw nilang 20 porsiyento­ng export tax sa ibang klase ng bigas simula noong Setyembre 9.

Ang India ang pinakamala­king exporter ng bigas sa buong mundo at tinatayang nasa 40 porsiyento ng rice shipments sa buong mundo ang galing sa India, na nage-export sa 150 bansa.

Ayon kay Raul Montemayor ng FFF, kaunti man ang inaangkat ng Pilipinas mula India, makakaapek­to ito sa presyo ng bigas sa ibang bansa gaya ng Vietnam at Thailand dahil talaga namang mabenta rin sa mga pamilihan sa Pilipinas ang imported na bigas.

Ayon sa global financial group na Nomura, Pilipinas at Indonesia ang posibleng pinakamaaa­pektuhan ng export ban at export tax ng India sa bigas at ayon sa mga datos, lumalabas din na Setyembre pa lang ngayong 2022, mas marami nang inangkat na bigas ng Pilipinas, kompara sa kabuuang inangkat nito sa buong 2021.

Sinabi naman ng Bureau of Plant Industry na pumalo na sa higit 2.8 milyong metric tons na bigas ang inangkat ng Pilipinas mula Enero 1 hanggang Setyembre 8, mas malaki sa 2.77 milyong metric tons na inangkat buong 2021.

Ang isa sa iniisip na solusyon ng Department of Agricultur­e (DA) ay ang mapataas ang lokal na produksiyo­n ng bigas.

Hiling naman ng Samahang Industriya ng Agrikultur­a (Sinag) na ipatigil muna ang pag-aangkat ng bigas, lalo ngayong panahon na ng anihan.

Dati nang nagbabala ang Sinag na magtataas ang presyo ng bigas dahil sa mataas na production cost at sa hindi pa naipapamah­aging ayuda sa mga magsasaka.

Mukhang kailangan na namang maghigpit ng sinturon ng ating mga kababayan dahil sa napipinton­g pagtaas ng presyo ng bigas.

Sana lamang ay magawan ng paraan ng DA na pigilan ang pagtaas ng presyo ng imported na bigas at sana rin ay mapalakas pa ng ahensya ang pagtulong sa mga lokal na magsasaka.

Newspapers in English

Newspapers from Philippines