DAPAT NGA BA?
May mga kumakalat na balita ngayon na ikinakasa na umano ng Department of Transportation ang pagsasapribado ng operasyon ng EDSA Bus Carousel para mas gumanda ang serbisyo nito.
Kasunod ito nang napipintong paghinto ng libreng sakay ng EDSA Bus Carousel pagdating ng Enero 2023.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, pag-uusapan pa ang magiging presyuhan nito pero tiniyak nilang magiging abot-kaya ito.
Base sa umiiral na fare matrix sa mga bus, higit P70 ang magiging pasahe ng end-to-end na biyahe ng EDSA busway - o mula Monumento hanggang sa Parañaque Integrated Terminal Exchange.
Nabanggit na noon ng DoTr na walang inilaang budget para mapalawig pa ang libreng sakay.
“Ang ibinigay lang ay may P1.2 billion for service contracting pero napakaliit nu’n para ibigay ‘yun sa EDSA Busway… Pinag-aaralan namin kung paano iaallocate ‘yung P1.2 billion at pagkakasyahin natin itong P1.2 billion. Pag-aaralan mabuti ng DOTr kung paano idi-distribute at paano makikinabang ang mananakay,” saad ni DoTr Secretary Jaime Bautista.
Ang nagagawawa lang ngayon ng gobyerno ay magdagdag ng bus stop gaya ng binuksan sa Tramo, Pasay.
Kahit na planong isapribado ang EDSA Bus Carousel, mananatiling pagmamay-ari ng gobyerno ang mga bus stop.
“Gusto natin kung ipa-privitize, ito ‘yung gagawin ng private sector na will conform to international standards. ‘Yung pasahero natin dapat ‘di nababasa kapag umuulan at ‘di naiinitan kapag mainit ang panahon, dapat komportable po sila,” saad ni Bautista.
Hiling din ng DoTr na magtayo ng mga stall kung saan maaaring makabili ng makakain o maiinom ang mga pasahero at makahanap ng paraan para mas madali na makasakay ang mga pasahero sa mga bus.
Sa tingin namin, kailangan pang pag-aralang mabuti ang gagawing hakbang ng DoTR na isapribado ang EDSA Bus Carousel at kailangang siguruhin din na makabubuti ito para sa nakararami.