MAGANDANG HAKBANG
Isang magandang balita ang bumungad sa mga kababayan nating mga miyembro ng Home Development Mutual (Pag-IBIG) Fund nang ianunsyo ng ahensya na iaatras nito sa 2024 ang dagdag-kontribusyon sa kanilang mga miyembro, sabi ngayong Miyerkoles ng opisyal ng kompanya.
Ito ay kasunod ng apela ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong nakaraan na ipagpaliban muna ang dagdag na kontribusyon na ihahain ng ahensya.
“Hindi na namin ito itutuloy, ang pagtaas, para din sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos na i-defer muna ang increases ng kontribusyon,” saad ni Pag-IBIG chief executive officer Marilene Acosta.
“But as early as now uumpisahan na namin ang konsultasyon in preparation for 2024,” dagdag niya.
Hindi rin kasi umano naisama sa budget ng gobyerno para sa 2023 ang allotment para sa dagdag-kontribusyon.
Pero umapela ang Pag-IBIG sa mga miyembro na kung kayang maghulog ng mas malaki ay mas maigi ito.
Kung matatandaan, iniutos rin ng Pangulo sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na suspendehin ang plano nitong dagdag-kontribusyon bunsod ng “socioeconomic challenges” na kinakaharap ng maraming Pilipino dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang mga ganitong klaseng hakbang ng pamahalaan ang ilan lamang sa mga magagandang programa ng Pangulo na inaasahang makakatulong ng malaki sa ating mga kababayan na hirap na rin mag-budget dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at mga pangunahing bilihin.
Sana lamang ay maipagpatuloy ng pamahalaan ang pag-aaral upang mas mapabuti pa ang serbisyo ng mga government agencies ngayong 2023.