MICHELLE DEE, SASABAK ULI SA MISS U
Sasabak uli sa Miss Universe 2023 pageant ang aktres na si Michelle Dee at ayon sa dalaga ay nagsumite na siya ng application sa nasabing national pageant.
Ito na ang huling pagkakataon ni Michelle na makakarampa sa Miss Universe Philippines dahil 27 years old na siya. Bukas ang pageant sa mga kandidata “between the ages of 18 and 27.”
Ayon kay Michelle, February 14, siya nagsumite ng aplikasyon para sa Miss Universe Philippines 2023 kaya mas naging memorable ito sa kanya pati na rin sa kanyang mga fans.
Sabi ng dalaga, ito raw ang Valentine gift niya sa lahat ng kanyang mga tagasuporta na walang sawang nagmamahal at nagtitiwala sa kanya.
“Binigyan ko po ang supporters ko ng isang malaking regalo. Ako po ay muling nag-apply sa Miss Universe Philippines 2023. So, kinukuha ko na rin po ang pagkakataon to thank GMA 7 for always supporting me and my dreams and for always giving me opportunities like Urduja. Yun po ang Happy Valentine’s ko,” sabi ni Michelle.
Si Celeste Cortesi ang kinoronahang Miss Universe Philippines last year habang Miss Universe Philippines Tourism o first runner-up naman si Michelle.
Kuwento ni Michelle sa isang panayam, suportado raw ni Celeste ang muli niyag pagsali sa nasabing pageant. At kung mananalo na this year ang aktres, siya ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa 72nd edition ng Miss Universe na gaganapin sa El Salvador sa darating na December.
“Nag-apply ako ulit. Alam din naman po ni Celeste last year pa na may balak po akong sumali ulit this year. And for me, it’s really about not having regrets in life because last chance ko na this year. And it’s the kind of example na I wanna show my supporters na just keep fighting until wala ka nang maibigay or hindi mo na kayang gawin,” saad ni Michelle.