Ang magkasakit dahil sa trapik

Inquirer Libre - Davao - - NEWS - Ni Leifbilly Begas

KAHIT saan ka sumuot, mapa rito sa Metro Manila o iba pang malalaking lungsod sa Kabisayaan at maging Mindanao, tiyak na may trapik.At bukod sa nasasayang na oras, apektado rin ang kalusugan ng driver at ng pasahero.

Kung madalas kang nag-uubos ng mahabang oras sa trapik maaari kang magkaroon ng sakit dahil dito.

LIKOD

Kapag matagal kang nakaupo, hindi malayo na manakit ang likod mo. Ang lower back pain ay dulot ng pag-upo ng hindi normal ang posisyon ng likod o lordotic curve. Mas madaling manakit ang likod kung ito ay nakapabilog at hindi nakaporma sa kanyang normal na kurba. Pwedeng maglagay ng maliit na unan o makapal na towel sa likod para ang puwesto nito ay pakurba.

KIDNEY

Sa tagal ng biyahe dulot ng trapik, hindi rin maiiwasan na ikaw ay maihi. Ang kaso, di ka naman makakababa para makapag-CR. At kung nasa highway, hindi mo basta pwedeng patabihin ang bus para makapag weewee break ka.

Kung madalas mong pinipigilan ang pag-ihi mo, hindi malayo na magkaroon ka ng sakit sa bato o sa kidney.

Ang ihi ay likido na hindi na kailangan ng katawan kaya kailangang ilabas.

STRESS

Maraming driver ang nai-stress dahil sa trapik. At hindi iyon maganda sa katawan. Ayon sa mga pag-aaral, maaari itong magdulot ng sakit sa puso at high blood pressure.

Lalo na kung mainit, mas mabilis tumaas ang blood pressure. Isa rin ito sa sinasabing dahilan kung bakit marami ang mainit ang ulo at nag-aaway sa gitgitan sa trapiko.

TULOG

Sa tagal ng biyahe papasok at pauwi, nababawasan ang oras ng tulog.

Kailangan mong gumising ng mas maaga para hindi ka ma-late pagpasok at pag-uwi mo naman ay gabi na.

Kung makakatulog ka naman sa jeepney ay mag-ingat sa mandurukot at umasa na hindi ka lalagpas sa iyong bababaan.

At dahil hindi kumpleto ang tulog ay hindi rin nasa kondisyon ang katawan para magtrabaho. Medyo tinatamad at hindi makapag-concentrate sa ginagawa.

USOK

At kapag mas matagal ka sa kalsada, mas mataas ang posibilidad na mas maraming usok ng sasakyan ang iyong masingkot.

Ang air pollution ay isa sa mga sanhi sa paglala ng asthma at pwede ring magdulot ng respiratory diseases kung madalas na exposed sa usok.

PAGKAIN

Dahil trapik, kinakapos na ang oras para makapagluto pa sa bahay. At ang mabilisang solusyon ay bumili na lamang sa fast food na hindi masustansiya sa katawan. Kaya dito tataas ang cholesterol, at sugar level na magdudulot ng diabetes.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.