P20M ‘REGALO’ NI MVP KAY RICKY VARGAS

Inquirer Libre - Davao - - SPORTS -

KASUNOD nang pagkakapanalo ni boxing chief Ricky Vargas bilang bagong pangulo ng Philippine Olympic Committee, agad na ipinaabot ng negosyante at masugid na tagasuporta ng sports, partikular ang basketbol, na si Manny V. Pangilinan, ang tulong pinansyal sa ahensya sa pagsisimula ng bagong yugto ng Philippine sports.

Magbibigay si Pangilinan ng P20 milyon tulong upang muling ibangon at patatagin ang lumulubog na estado ng sports sa bansa.

"He just texted me and said he will give the POC a seed money of P20 million. I hope we use it properly, and we will," sabi ni Vargas matapos ang kapanapanabik na POC election nitong Biyernes sa Wack Wack Golf and Country Club.

Tinuldukan ni Vargas ang 13 taong pamumuno ni incumbent POC president Jose “Peping” Cojuangco Jr.

Nakakuha ng 24 boto mula sa 43 qualified voters na binubuo ng national sports associations at mga atleta si Vargas habang 15 naman ang pumanig kay Cojuangco.

Wagi rin bilang chairman ng POC ang running mate ni Vargas na si Bambol Tolentino ng cycling matapos ang 23-15 boto laban kay Ting Ledesma ng table tennis.

Sinabi ni Vargas na ibubuhos nilang lahat ang suporta para sa mga atletang sasabak sa Asian Games sa Agosto at ang hosting ng bansa sa Southeast Asian Games sa susunod na taon.

Ipagpapatuloy ni Vargas ang natitirang taon sa puwesto ni Cojuangco hanggang 2020.

Bagong halal na pangulo ng Philippine Olympic Committee Ricky Vargas. Inquirer photo

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.