Employers na di magpapatupad ng safety, health standards, lagot!

Inquirer Libre - - NEWS FEATURE - ALAN TANJUSAY

NAPIRMAHAN na ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11058 or An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards na epektibo simula September 15, 2018.

Ang batas ay mga amendments sa isang bahagi ng Philippine Labor Code tungkol sa workplace safety and health standards.

Ayon sa RA 11058, may penalty na ngayon ang mga employers and all work establishments na P100,000 kada araw kapag may violation at non-compliance with the workplace safety and health standards.

Magiging tuloy-tuloy rin ang sweldo at benepisyo ng mga manggagawang tigil trabaho kahit may work stoppage order na inisyu ng DOLE due to workplace safety and health standards violations.

Sagot din ng mga employers, contractors, o project owners ang pambili ng mga personal protective equipment ng kanilang mga manggagawa at pati safe drinking water.

Dapat ding sagutin ng mga bossing ang pagpapagawa ng mga gender-sensitive, malinis at maayos na resting areas at palikuran ng mga kanilang mga workers.

Ilan lang ito sa maraming amendments sa Labor Code. Ganito katindi ang mga pagbabago dahil na rin sa maraming non-compliance and violations na sanhi ng mga pagkamatay, pagka kasugat at pagkabalda ng mga workers gaya ng mga nangyari sa Eton Makati Residences incident noong January 2011 kung saan 11 manggagawa ang namatay; Kentex rubber factory fire in Valenzuela City on May 2015 na 74 workers naman ang nasawi; NCCC Mall fire in Davao City on December 2017 na 38 buhay naman ang nalagas.

Ganyan din ang nangyari sa HTI factory fire sa General Trias, Cavite na lima ang namatay habang lima rin ang nasawi sa pag-collapse ng bunkhouse ng mga manggagawa sa Cebu City nito lang Marso. At nitong Abril sa Pasay City crane accident na dalawa naman ang nasawi rin.

Kaya nga huwag nang maging pasaway ang mga employers na walang pag-iingat para sa kanilang mga manggagawa. Sumunod sa batas, kundi lagot kayo!

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.