PH wagi ng 4 ginto, 2 pilak sa Thailand Pattaya Youth chessfest

Inquirer Libre - - SPORTS - -Marlon Bernardino

APAT na gintong medalya at dalawang pilak ang naiuwi ng pambansang koponan mula sa Thailand Pattaya Youth Chess Championship 2018 na ginanap sa Bay Beach Resort sa Pattaya, Thailand mula Oktubre 20 hanggang 24.

Nagkampeon sa standard time format chessfest na ito sina Gio Troy Ventura sa boys under-12, Relghie Columna sa boys under-10, Clark Jemuel Cabatian sa boys under-8 at njoure Fille Suyamin sa girls under-12.

Parehong nagtapos na may 8.0 puntos sina Ventura at Arena International Master (AIM) Bhattacherjee Aayush ng India pero napunta sa grade 6 student ng Francisco E. Barzaga Memorial School sa Dasmariñas City ang ginto bunga ng mas mataas na tie-break points, 47.5-46.5.

Tinalo naman ni Cabatian ng General Trias City Chess Club si Thunpisit Pa-In ng Thailand sa ika-9 at huling round para makalikom ng 7.5 puntos mula sa pitong panalo at isang talo at draw.

Sina Columna at Suyamin ay nagtapos din na may tig-6.0 puntos para makopo ang titulo sa kanikanilang dibisyon.

Kapwa naman nagtapos na may 5.5 puntos para makakuha ng silver medal sina Jirah floravie Cutiyo sa girls under-10 at Geraldine Mae Camarines sa girls under-12.

Ang iba pang mga Pinoy na lumahok sa torneyo ay sina Carlhynne Mae Maneja, Earl Siegfrid Sta Maria, Geraldine Mae Camarines, Keiza Ruth Liboon, Josh Edmar Castro, Paolo Estavillo, Jeanelle Cabatian, Janmyl Dilan Tisado, Jireh Dan Jaime Cutiyog at Dan Japhet Liboon.

Bukod sa Pilipinas at host Thailand ay lumahok din ang mga batang chess players mula China, India, Ireland, Australia, Korea, Singapore, Mongolia at Myanmar.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.