FEU, La Salle kampeon sa UAAP chess

Inquirer Libre - - SPORTS -

WINAKASAN ng Far Eastern University ang tatlong taong paghahari ng National University sa men's division habang nagpunyagi sa ikalawang sunod na taon ang De La Salle sa women's division sa UAAP Season 81 chess tournament na nagtapos noong isang linggo sa UST Quadricentennial Pavilion.

Kumulekta ng 40 puntos ang Tamaraws sa 14 rounds para makopo ang kanilang ika-14 kabuuang korona habang nasungkit naman ng mga Lasalista ang ika-9 na titulo para sa mga kababaihan matapos na makalikom ng 43 puntos sa torneyo.

Hindi man napanatili ng Bulldogs ang kampeonato sa chess ay nakuha naman ng player nitong si International Master Paulo Bersamina ang Board One gold medal at ang Most Valuable Player honors. Nanalo rin ng ginto ang kakampi nitong si Arnel Ilagan sa Board Six.

Pinarangalan naman bilang Rookie of the Year si Jeth Morado ng FEU na nanalo rin ng gintong medalya sa Board Two. Nakakuha rin ng gintong medalya si Romy Fagon ng FEU sa Board Four

Tinanghal na MVP sa women's si Mira Mirano ng La Salle at ang kakampi niyang si Samantha Revita ay nanalo bilang Rookie of the Year bukod pa sa pagbulsa ng ginto sa Board Four.

Nagwagi rin ng ginto ang Dabawenya na si Ella Moulic sa Board Three para sa La Salle.

Sa juniors division, nagwagi sa ikaapat na diretsong taon ang FEU-Diliman sa boys division at nakuha naman ng NU ang kaunaunahan nitong kampeonato sa girls division.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.