PBA FINALS RIVALRY BUBUHAYIN NG ALASKA, MAGNOLIA

Inquirer Libre - - FRONT PAGE - Ni Dennis Christian O. Hilanga @inquirer_libre

MAPATID ang pagkauhaw sa kampeonato at muling buhayin ang classic rivalry na nanahimik sa mahabang panahon.

Ito angmatutunghayan kapag nagharap ang Magnolia at Alaska sa 2018 PBA Governors' Cup Finals na inaasahangmagiging dikit ang epikong digmaan.

Apat na taon na ang nakalipas nang huling naghari ang Hotshots nang sungkitin ang 2014 Governors' Cup crown habang limang taon na ang nagdaan nang magkampeon ang Aces matapos na pagwagian ang 2013 Commissioner's Cup.

Sa kasaysayan ng 43taong gulang na pinakamatandang professional basketball league sa Asya, pitong beses nang nagtagpo ang dalawa para sa prestihiyosong PBA thropy.

Lamang ang Hotshots kontra Aces sa kanilang head-to-head finals duel, 43, at sa kanilang huling paghaharap ay winalis ng Purefoods franchise ang Alaska, 4-0, sa best-of-seven series. Nauwi naman sa 4-1 ang tatlong panalo ng Aces.

Ang kawili-wili pa, parehong Grand Slam teams ang Alaska at Magnolia na ginabayan ng winningest coach ng PBA na si Tim Cone.

Ibinulsa ng Aces na kilala noon bilang Alaska Milkmen ang korona sa 1996 All-Filipino, Commissioner's, at Governors' Cup season habang ginawa rin ito ng Hotshots noong 2014 season bitbit ang pangalang San Mig Coffee Mixers.

ROAD TO THE FINALS

Parehong tinapos ang elimination round bitbit ang twice-to-beat advantage, agad na pinatalsik ng Aces at Hotshots ang kani-kanilang nakatapat sa quarterfinals.

Maagang pinagbakasyon ng Aces ang sixth seed San Miguel Beermen, 96-85, habang binigo ng Hotshots ang hangarin ng fifth seed Blackwater Elite na makapasok sa semifinals sa unang pagkakataon, 103-99.

Pagdating sa semifinals ay kapwa ipinoste ng dalawang finalists ang 3-1 series win sa best-of-five showdown.

Ipinakita ng Hotshots sa Brgy. Ginebra Gin Kings na sila ang mas determinadong koponan sa kanilang Manila Clasico semis wars para angkinin ang 28th finals appearance sa ilalim ng Purefoods franchise.

Matapos naman na kunin ng Meralco Bolts ang 1-0 lead ay tatlong sunod na kapanapanabik na panalo ang iginuhit ng Aces para ilista ang 30th finals appearance sa liga.

Pinadapa ng Hotshots ang Aces sa elimination round, 83-73, noong Okt.14.

Sasandalang muli ng Aces si import Mike Harris na nag-average ng 33 puntos at 19 rebounds sa semifinals gayundin ang Hotshots reinforcement na si Romeo Travis na may average na 31 puntos at 13 rebounds sa huling limang laro.

Magbubukas ang Game 1 ng best-of-seven titular showdown sa Miyerkules, Dis.5 sa Mall of Asia Arena.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.