Liwayway

AYAW KO SA DILIM

Takot na takot siya sa dilim. Dahil alam niyang pag may dilim, may lagim…

- Ni ELLA SILANGAN

KASALI ang ate ko sa Flores de Mayo. At bukas na iyon gaganapin. Ikinatuwa ito ng buong pamilya kaya naman abala kami sa pag-aayos ng banderitas at magiging damit ni Ate. Dapat pamprinses­a o panreyna ang damit ni Ate. Sabi pa nga niya sa akin, marami raw ang lalahok sa Flores de Mayo. Gusto ko sanang pumunta para panoorin si Ate, ngunit may malaki akong problema. Ang parada ay gaganapin kasi sa gabi at takot ako sa dilim!

Sa dami ng mga nakakatako­t na kuwentong narinig ko mula sa aking mga kaklase, alam ko na kapag madilim, may lagim!

Sana kasi, sa araw na lang gaganapin ang parada para makapanood ako.

Bukas na ng gabi ang parada, ang buong pamilya ay manonood. Maliban sa akin. Magpapaiwa­n kasi ako sa bahay dahil ayaw ko sa dilim. Mabuti nang nasa bahay ako, bubuksan ko lahat ng ilaw. Hindi na ako matatakot. Magpapasam­a na lang ako kina Lolo o Lola sa bahay.

Alas siyete ng gabi umalis sina Ate kinabukasa­n. Kasama sina

Nanay, Tatay at pati si Lola! Gusto raw niyang makita si Ate sa parada. Paulit-ulit nga nila akong inaya pero tumanggi ako.

Kami na lang ni Lolo ang naiwan sa bahay. Binuksan ko ang lahat ng ilaw. Nang sa ganoon, walang kapre o halimaw na papasok. Pero habang tumagal-tagal, nakadama pa rin ako ng takot. Hindi ko kasi maiwasang isipin ang mga nakakatako­t na narinig kong kuwento. Lalong nadagdagan ang takot ko nang may marinig akong tila mahihihang pagaspas ng mga pakpak sa labas ng bahay. Hindi kaya pakpak ng mga aswang ang mga iyon? Kakayanin kaya ni Lolo na ipagtanggo­l ako sakaling pasukin kami ng aswang? Matanda na si Lolo, baka hindi niya kakayanin. Paano na kaming dalawa?

Kaya sinabi ko kay Lolo na mas mabuting sumunod na lang kami kina Nanay. Gusto kong magkakasam­a kaming lahat. Dali-dali kaming lumabas ng bahay, at isinara na ni Lolo ang pinto. Mahigpit akong nakakapit kay Lolo. Habang naglalakad, itinuro sa akin ni Lolo ang mga lumilipad na mga paniki, ang mga iyon pala ang naririnig kong pumapagasp­as. Ilang hakbang pa, may mga maliliit na ilaw kaming nakita. Gumagalaw ito! Paglapit ko, mga alitaptap pala. Para silang mga bituing sumasayaw. Maganda naman pala ang gabi. Unti-unti, nawawala ng takot ko sa dilim.

Naglakad pa kami ni Lolo nang biglang may malakas na putukan! Nagulat at napatigil ako sa paglakad. Itinuro ni Lolo ang langit. Pagtingala ko, may magagandan­g fireworks! Naglakad pa kami ni Lolo patungo sa fireworks. Nanggagali­ng pala ito sa may simbahan! Lalong gumanda ang gabi dahil sa iba’t ibang fireworks.

Maraming ilaw, maraming tao, may banda at nandoon ang pamilya ko! Nakita ko agad sila na nakapila at handa nang lumakad. Nasa gilid si Tatay. Tinawag ko agad si Tatay! Masaya at tila nagtaka si Tatay nang makita kami. Ikinuweno ko kay Tatay na umalis kami ng bahay para humabol sa kanila. Na hindi naman pala dapat katakutan ang pagaspas na naririnig ko dahil mga paniki lang pala ang mga iyon. Ikinuwento ko rin iyong mga alitaptap at fireworks na nakita namin. Natuwa naman si Tatay sa mga narinig niyang kuwento. Binuhat niya ako at nagsimula kaming lumakad. Nagsimula na ring umusad ang parada!

Tinawag ko si Ate, Nanay at Lola para makita nila ako at si Lolo. Natuwa silang sumunod kami! Gaya nga ng kuwento nila, maraming magagandan­g reyna roon at isa na si Ate!

Hindi naman pala nakakatako­t ang gabi, o ang dilim.

Kaya sa susunod na taon, sasali na ako sa Flores De Mayo.

 ??  ?? Naglakad pa kami ni Lolo nang biglang may malakas na putukan! Nagulat at napatigil ako sa paglakad. Itinuro ni Lolo ang langit. Pagtingala ko, may magagandan­g fireworks!
Naglakad pa kami ni Lolo nang biglang may malakas na putukan! Nagulat at napatigil ako sa paglakad. Itinuro ni Lolo ang langit. Pagtingala ko, may magagandan­g fireworks!
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines