Nahihirapan Ka Bang...
NAGING viral kamakailan sa social media ang isyu tungkol sa isang Carmen Jimenez, taga-Madrid, España, na nagpanggap na bulag sa loob ng halos tatlong dekada. Ginawa niya iyon dahil isa siyang anti-social person at gusto niyang iwasan ang kanyang mga obligasyon sa kanyang kapwa. Napapagod na siya sa pagbati ng “Kumusta” sa mga taong hindi naman niya talaga gustong batiin.
Kaya sa halip na makisama, nagpanggap na lamang siyang isang bulag. Iyon na siguro ang pinakakatwang bagay na maaaring gawin ng isang taong nahihirapan o ayaw makisalamuha sa kanyang kapwa. Ikaw, nahihirapan ka bang makisama? Maaaring isa kang empleyado na nahihirapang makisama sa iyong mga katrabaho. O isang estudyanteng alanganing nakikibagay sa mga kamag-aral mo. O nangungupahan sa isang boarding house at namomroblema ka sa iyong mga ka-room
mate. O nakikitira sa isang kamag-anak o kaibigan at hindi mo malaman kung saan mo ilalagay ang sarili. O baka sa mismong sariing pamilya mo nahihirapan kang makibagay.
Maraming dahilan kung bakit nagiging suliranin ng ibang mga tao ang pakikisama. Puwedeng talagang mahirap pakitunguhan ang taong pinakikisamahan. O kaya ay nagkakaiba kayo ng mga interes, pananaw o paniniwala sa buhay. Baka naman para kayong mga aso’t pusa na hindi magkasundo sa anumang bagay. May mga tao ring hindi marunong magpahalaga sa kapwa na kahit na anong klase ng pakikisama ang gawin mo ay balewala lang sa kanila. Kung paanong mayroon ding mga taong mapagsamantala.
O baka naman hindi nila nagugustuhan ang ipinakikita mo sa kanila. Hindi naman kaya masyado kang insecure? O masyadong mahiyain o introvert kaya hindi ka nakikisama? Natatakot, walang kumpiyansa o mababa ang pagtingin sa sarili? O kung hindi naman ay baka talagang ayaw mong makisama. Mapagsarili ka at ayaw mong nakikihalubilo sa iba. Ang malala pa nito, baka anti-social ka. Dungo. Paranoid. Nerd. O may sariling mundo ka. O may daladala kang trauma mula pagkabata na nakahahadlang sa iyong kagustuhang makisama.
Mas maraming mabubuting bagay ang maaaring idulot ng pakikisama kaysa hindi pakikisama sa kapwa. Kung marunong kang makisama, natural na marami kang mga kaibigan. Maginhawa sa pakiramdam kung maayos ang pakikitungo mo sa mga tao sa paligid mo. Wala kang kinaiilagan o iniiwasan. Kung may mga saloobin ka o problema, marami kang magiging karamay o balikat na masasandalan. Nailalagay sa ayos ang anumang hindi pagkakaintindihan. Mataas din ang pagtingin sa iyo ng iyong kapwa.
Ngunit kung hindi ka marunong makisama, maraming negatibong mga bagay ang kaakibat nito. Maaaring may ilang mabubuting bagay rin tungkol sa pagbibigay ng kakomportablehan sa sarili. Ngunit karamihan ay ma negatibong aspekto na. Una na, maraming maiinis o magagalit sa iyo. Dahil hindi ka nga marunong makisama. Para kang ‘others’ kaya gayundin ang magiging turing sa iyo ng iba. Kung may problema ka, wala kang karamay. Wala ka nga kasing kaibigan. Ang mga hindi pagkakaunawaan ay hindi nasosolusyunan. Bukod dito, ang maliliit na mga bagay o suliranin ay posibleng lumala o lalo pang lumalim. Hindi mo rin naman siguro gustong parang laging out-ofplace ka. O ang pakiramdam na para kang nasa ibang planeta. Lalong wala ka rin sigurong balak na maging anti-social. O lumikha ng sarili mong empire bukod sa sarili mong mundo.
Kaya mas mabuti nang matutong makisama kaysa maitsapuwera ka. Paano nga ba ang tamang pakikisama? Una sa lahat, kailangang matutuhan mong tanggapin ang iyong sarili. Ikaw ba ang klase ng taong magaling o marunong makisama o palagi kang iwas o takot sa tao? Maaari kang kumilos mula rito. Kung bagsak ang iyong social
skills, puwede mong matutuhan ito at paunlarin ang iyong sarili. Kung mahiyain ka o walang kibo, simulan mo sa mumunting hakbang. Palaging ngumiti at bumati ka ng “Kumusta” sa kahit isang tao sa grupong kinabibilangan mo at makipag-usap sa kanya. Magbahagi ng anumang sariling karanasan o kakatwang mga ideya. Ipakita ang natatagong pagkatao mo na maaaring nakaaaliw o nakatutuwa. May mga taong bigla na lang sasayaw sa gitna ng katahimikan ng grupo. Mayroon ding magpapakita ng ibang antics. Maging nakakatuwa at magkaroon ng ‘sense of
humor.’ Hindi mo aasahan kung ano ang magiging reaksiyon sa iyo ng ibang tao. Isang paglalakbay ito patungo sa pagtuklas ng iyong sarili.
Maging palakaibigan. Nangangahulugan ito ng pag-uukol ng simpatya at pag-aalala sa iba. Makipagkaibigan sa iba’t ibang pangkat. Huwag ugaliin ang pag-iwas sa mga tao. Tumambay upang makasama sila at makapalagayang-loob.
Ipakita ang iyong tunay na sarili. Huwag magbabalatkayo. Magugustuhan ka ng ibang tao kung sino ka talaga at hindi ang pagiging impostor mo. Huwag ding matakot na ipahayag ang iyong sariling opinyon. Sa ganitong paraan ay magkakaroon ka ng kumpiyansa sa sarili.
Ngunit kailangang ding magkaroon ka ng magandang impresyon sa mata ng ibang tao. Piliting baguhin ang
masasamang pag-uugali na puwedeng maging dahilan upang layuan ka. Iwasan ang pagkakalat ng tsismis tungkol sa kapwa. Hindi maganda kung magkakaroon ka ng reputasyon bilang tsismoso o tsismosa.
Maging interesado tungkol sa ibang tao. Huwag maging makasarili na akala mo ay ikaw lang ang anak ng Diyos o ang magaling. Laging purihin ang kapwa. Pakinggan ang sinasabi ng iba. Sa ganitong paraan ay pakikinggan ka rin nila.
Ibigay ang iyong kontribusyon sa grupo. Maging bangka sa usapan o payaso ng grupo kahit sa isang araw lang. Kung pinansiyal na kontribusyon ang kailangan, magbahagi rin. Baka naman kahit may trabaho ka ay hindi ka nag-aambag ng pambayad sa mga gastusin sa bahay.
Iwasan ang pakikipagtalo tungkol sa mga bagay na walang bigat ng halaga. Lawakan ang pagunawa. Huwag mamintas o magbanggit ng mga bagay na nakaka-offend sa kapwa. Huwag ding makipag-usap tungkol sa mga opensibong paksa tulad ng seks o relihiyon. Lalong huwag manghusga. Matutong rumespeto sa kapwa upang respetuhin ka rin nila.
Matutong pahalagahan ang kapwa. Maging komportable sa sarili at sa pakikisalamuha. Makiangkop saan ka man pumunta o sa alin mang grupo ka makasama. Maaaring mahirap sa simula ngunit kung pag-uukulan mo ng effort, matatawid mo rin ang lahat. Wala namang bagay na hindi magagawa kung paguukulan ng panahon, interes at motibasyon.
Sabi nga sa Ingles, “No man is an island.” “Man is a social being.” Hindi tayo nabubuhay para sa sarili lamang. May tungkulin tayo sa ating kapwa. Kaya natural lamang na kailangang matuto tayong makisama. Ang pakikisalamuha ay ang pundasyon ng alinmang lipunan. Nakasalalay rito hindi lamang ang ating kaligayahan kundi maging ang ating pagiging tao. Ang mga taong nagiging masaya at nagtatagumpay sa buhay ay ang mga taong magaling makisalamuha sa kanilang kapwa. Dahil walang magiging problema sa kanila.