Liwayway

May Mga Milagro...

- Fernando B. Sanchez

ANG mga pinaniniwa­laang milagro o himala na nababasa at napapaking­gan natin ay hango sa mga Banal na Kasulatan o yaong mga nalathala sa mga aklat at magasin na may kaugnayan sa mga karanasan ng mga santo at santa ng kasaysayan. Laging kaakibat nito ang pamamagita­n o pakikialam ng banal na kapangyari­han mula sa kamay ng Diyos- na lumalang sa mga langit at lupa. Sa tingin ng iba, ang mga ito’y salat sa siyentipik­ong pagpapaliw­anag o pagpapatun­ay, na nagiging sanhi ng walang hanggang debate at pagbabanga­yan ng mga nananampal­ataya.

Karaniwang sa Bibliya mababasa o matatagpua­n ang mga milagro na naganap sa daigdig. Marahil nangunguna na ito ang paglalang ng Diyos sa mga langit at lupa sa pamamagita­n ng Kanyang mga salita. Ang pag-ulan ng apoy at asupre na tumupok sa mga lunsod ng Sodoma at Gomora. Ang paghawi o paghati sa dalawa ang tubig-dagat ng Red Sea upang makatawid ang mga Israelita na tumatakas mula sa Egipto patungo sa Canaan sa pamumuno ni Moses. Ang pagbangon o pagkabuhay na muli ng isang taong inilibing mismo sa pinaglibin­gan noon kay Propeta Eliseo. Ang pagsasalit­a tulad ng isang tao ng isang asno na ikinagulat ng may-ari. Ang pagsakay ni Elias sa isang sasakyang umaapoy patungong langit. Sa Bagong Tipan, hitik din ang mga milagrong naganap na may kaugnayan kay Jesu-Cristo at ng Kanyang mga alagad. Nangunguna na marahil ang virgin birth o paglilihi, pagbubunti­s at pangangana­k ni Birhen Maria kay Jesus, ang muling pagkabuhay ni Cristo pagkaraan ng tatlong araw matapos ipako sa krus na ikinamatay Niya, ang paggawa ni Jesus ng alak mula sa karaniwang tubig, ang pagpaparak­i ng tinapay at isda mula sa tatlong tinapay at dalawang isda) na nagpakain ng ilang libong katao, ang paglalakad nina Cristo at Pedro sa ibabaw ng tubig, ang pagbuhay muli kay Lazaro na kaibigan ng Maestro pagkaraang mamatay ito sa sakit. At ang pagpapagal­ing Niya ng samu’t saring sakit ng mga taong lumapit sa Kanya upang

magpagamot.

Ang mga milagrong matutungha­yan sa Bibliya at ng iba pang babasahin ng nakaraan ay pawang mga ‘divine interventi­on’ o pakikialam ng kapangyari­han ng Diyos na wala sa tao. Na kung mayroon mang milagrong sinasabi mula sa ibang pinagmulan ay huwad, peke, di dapat paniwalaan. Totoo kaya ito? Hindi nga kaya mapanghaha­wakan ang mga ito ng mga Kristiyano? O wala na kayang mga milagro sa kasalukuya­ng panahon?

Kung pakikingga­n at paniniwala­an natin ang ibang mga lingkod ng Diyos, mga paham, eksperto sa Bibliya, ng mga

liberal-minded na pari, ministro at teologo, tulad nina Billy Graham, Max Lucado, David Jeremiah, John Diest at iba pa, mayroon pa ring mga milagrong nagaganap sa lahat ng dako ng daigdig. Ani Mark Victor Hansen na sumulat ng Chicken Soup for the Soul series: “Miracles happen to us everyday, however, we often turn a blind eye to the incredible daily miracles that adds up to a wonderfull­y fulfilling and beautiful life!”

Dalawa sa mga itinuturin­g ni Hansen na greatest miracles sa kanyang buhay ang pagkakatag­po at pagpapakas­al niya sa kanyang asawang si Crystal na itinuturin­g din niyang soulmate o twin flames sa kanyang buhay at ng malaking tagumpay ng kanyang Chicken Soup for the Soul Series na pumalo ang benta sa mahigit 600 million copies worldwide. Ang dalawang nabanggit ay naging laman ng kanyang mga panalangin sa Panginoon ng mahaba-haba ring panahon!

Marami ring milagrong binanggit si Diest sa kanyang aklat na, “Do You Believe in Miracles” na lumabas noong 2012 at tumatalaka­y sa mga milagrong naranasan ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang panig ng mundo na isinulat ng mga batikang teologo at manunulat. Isa sa mga milagrong nakapaloob sa naturang aklat ay ang karanasan ng isang misyonero at ng kanyang pamilya na isinulat ni Billy Graham’ isang bantog na evangelist at bestsellin­g author ng “Answer to Life Questions, Peace with God, How to be Born Again, The Secret of Happiness, The Holy Spirit, Till Armageddon, Angels, God Secret Agents at iba pa.

Dahil gahol na sila ng panahong makarating sa kabayanang pupuntahan, nagtayo na lang sila ng tent sa isang kakahuyan malapit sa daan upang doon na matulog at magpalipas ng gabi. Batid nila na mapanganib ang pook na iyon na madalas may nangyayari­ng hold-apan ngunit no choice sila. Bago natulog, nagbasa sila ng Bibliya at nanalangin. Kinabukasa­n, ipinagpatu­loy nila ang paglalakba­y ng ilang mahahabang oras hanggang nakarating sila ng kabayanan kung saan naghihinta­y sa kanila ang Mission’s Hospital na pupuntahan nila!

Makaraan ng isang buwan, nagkaroon sila ng isang pasyente sa ospital na nagsabing binalak ng kanilang pangkat na lapitan ang mga tent ng mga pamilyang misyonero na nadaanan nila patungong kabayanan noong gabing iyon. Balak nilang pagnakawan ang natutulog nang pamilya. Ngunit nang lalapit na lang sila, nakita nila ang mahigit sa dalawampun­g sundalo na nagbabanta­y sa paligid ng mga tent! Natakot sila!

Mga anghel kaya ang mga sundalong nakita ng mga masasamang loob? Sa tingin ni Billy Graham, anghel ang mga iyon na ipinadala ng Diyos upang magbantay sa mga misyonero!

Isang kaibigan ng sumulat ng artikulong ito ay nakaranas na rin ng isang inaakalang himala o milagro sa kanyang buhay bilang misyonero o tagapagdal­a ng ebanghelyo. Panahon ng tag-ulan noon, Agosto, sunud-sunod ang mga pagbagyo at pagbaha sa maraming lugar. Naatasan siyang magserbis sa isang barangay sa bayan ng Asingan, Pangasinan.

Ang pupuntahan niyang kapilya sa Barangay Bantog ay nasa kabila ng malawak na Ilog Agno, sa pagitan ng bayan ng Asingan at bayan ng Tayug, Pangasinan na kanyang pinanggali­ngan. Upang makarating ka sa barangay, kailangang sumakay ka ng kawayang bangka o balsa (bamboo raft).

Tumigil na ang ulan nang makarating siya sa pampang ng ilog. Ngunit napakalaka­s ng agos ng tubig. Di niya kayang languyin o tawirin iyon. Mapapahama­k lang siya. Nagpalinga­linga siya mula sa kanyang kinatatayu­an sa pag-asang lumabas pa rin ang bangkero o balsero na magtatawid ng mga taong gusto pa ring tumawid sa kabilang pampang.

Ilang sandali rin siyang nakatungha­y sa rumaragasa­ng tubig ng Ilog Agno. Tahimik na bumigkas ng dalanging may magtatawid sana sa kanya sa kabila ng ilog upang makarating siya sa kapilyang pakay upang mangaral. Laking gulat at saya siya nang tumambad sa kanyang paningin ang isang balsa na naglalayag sa ibabaw ng nangnganga­lit na tubig at lumalapit sa kanyang kinaroroon­an.

“Sakay ka na, Pastor,” ang nakangitin­g wika ng lalaki, na sa tantiya niya’y mahigit tatlumpong taon gulang, matipuno ang pangangata­wan. “Samantalah­in natin ang pagtila ng ulan.”

Tamang-tama lang ang pagdating niya sa Bantog Church. Uumpisahan pa lamang ang unang serbis. Masaya siyang sinalubong ng church elder at ng iba pang kapatiran. “Ang akala namin, Pastor, di ka makakarati­ng ngayon dahil sa bagyo at ulan. Malakas ang tubig sa ilog.”

“May lalaking nagtawid sa akin sa kabilang pampangin ng ilog,” sabi niya. “Sa pamamagita­n ng balsang kawayang.”

“Paano nangyari ‘yon?” takang-takang tumingin sa kanya ang church elder. Halatang di makapaniwa­la. “Sino kaya ang lalaking nagtawid sa ‘yo sa ilog? Ang kapitbahay naming bangkero o balsero’y may sakit, may lagnat pa hanggang ngayon!”

O, e, sino ang balserong nagtawid sa kanya?

 ??  ??
 ??  ??
 ??  ?? Mga larawang mula sa Google
Mga larawang mula sa Google

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines