Liwayway

Isang Mabuting Kaibigan

- Ni ARMANDO T. JAVIER

Armando T. Javier

MATAO pa rin sa memorial park kahit kahapon pa ang Undas. Sariwa pa ang mga bulaklak at may naiwan pang labi ng mga kandila nang nagdaang gabi. Binaybay kong muli ang daang iyon na binabalik-balikan ko nang walang patid at walang palya sa nakalipas na limang taon. Pero hindi ako nag-iisa ngayon. Kasama ko ang aking anak, tatlong taon na at isang malusog na batang babae.

May pami-pamilya pa ring nagbabanta­y, umuusal ng dasal, nagninilay at binubuhay sa alaala ang gunita ng kanilang mga yumao. Tulad nila, maraming ibinabalik na alaala ang puntod ng taong dadalawin ko: ang singkit na mga mata, ang ngiting tila ngiti ng isang bata, ang namumurok, mamula-mulang pisngi, ang maputi at makinis na balat, bilugang katawang nagpapaala­la sa akin sa isang panda.

Mr. C. ang pakilala niya sa akin at isa raw siyang manager. Regular siyang umiinom sa restorang iyon sa EDSA Extension na sakop ng Pasay. Lagi siyang may mga kasama. Apat hanggang lima sila sa isang mesa. Pawang mga kaedad niya, pawang naka-long

sleeves at nakakurbat­a. 2005 noon at isa ako sa dalawang bagong weytres sa kainaninum­an-videokehan­g iyon.

Kinakikili­gan siya ng mga weytres doon. Cute raw. Papabol. Ako na bagong salta sa Metro Manila mula sa Bicol ang pinakabata sa kanila. Dapat ay nag-aaral ako pero dahil sa wala-sa-panahong pagkamatay ng aking mga magulang (Tinamaan ng kidlat habang nangangaho­y.), napatigil ako at napilitang sumama sa matandang kaanak na paluwas sa Taguig.

Mag-isang dumating si Mr. C. nang gabing iyon. Akala ko’y may hinihintay siya pero mahigit isang oras na siya roon ay walang dumarating na kasama.

“Dito ka muna,” sabi niya.

Sa tamang panahon, ikukuwento ni Becky sa kanyang anak kung sino si Mr. C. at kung ano ang naging bahagi nito sa kanyang buhay…

“Wala akong kausap dito.”

Namalagi akong nakatayo sa tabi ng kanyang mesa habang kipkip sa tapat ng aking dibdib ang dala kong tray. Napansin kong pinagmamas­dan niya ako: ang pantay-balikat kong buhok, ang mabibilog at madidilat kong mata at ang bilugan kong mukha. Balingkini­tan ako, katamtaman ang taas at maputi. “Sa’n ka umuuwi, Rebecca?” “Sa Taguig ho.” “Sino naman ang kasama mo sa bahay?” “T’yahin ko hong senior na. Matandang dalaga.” “Hindi ka ba nag-aaral?” Umiling ako. “Dapat ho fourth year na ‘ko ngayon kaso…

financial problem. Kaya heto, stop muna…” “Fourth year college?” “High school.”

Pinagmasda­n uli ako ni Mr. C. Parang ikinukumpa­ra ang edad ko sa antas ng aking pag-aaral. “Ilang taon ka na ba?”

“Eighteen ho. Patigil-tigil ho kasi…” Tila nag-isip si Mr.C. “Gusto mo bang mag-aral?” “S-S’yempre ho.” Napangiti. “Gusto mo bang isponsoran kita?” “P-Pag-aaralin n’yo ‘ko?” “Oo.” Binibiro ba ako ni Mr. C.? Pinasasaka­y? “—Pero kung mag-aaral ka—ng high school—matitigil ka sa trabaho. So, ano’ng priority mo: mag-aral o magtrabaho?”

Pinili kong mag-aral. Patapos na noon ang tag-araw. Isinama ako ni Mr.C. sa mall at ipinamili ng mga gamit pang-eskuwela, pati medyas at itim na sapatos. Pagkatapos kumain, nagdiretso kami sa Sucat, Paranaque, sa isang apartment na may garahe at may dalawang silid.

“Hakutin n’yo ng tita mo’ng mga gamit n’yo ro’n sa Bicutan,” sabi niya. “B-Bakit ho?” “Anong bakit? Ayaw mo bang tumira dito?” at iniabot nga sa akin ang susi ng apartment. Nalulula ako sa bilis ng mga pangyayari. “S’werte mo na ‘yan,” sabi ni Tita Agueda. “Sa’n ka pa makakatagp­o ngayon nang ganyang lalaki?”

Nakalipat na kami sa Sucat dala ang mangilan-ngilan naming gamit mula sa inuupahang silid sa Bicutan. Nang gabing iyon, dumating si Mr. C. May dalang pagkaing takeout at isang kahon ng bagong cellphone. “Para madali kitang makontak,” sabi niya. Bago umalis, binilangan ako nang ilang lilibuhin. “Panggastos n’yo. Kung me problema, tawagan mo lang ako.” Hinaplos niya ang buhok ko bago umalis. Sa Paranaque na rin ako pumasok ng high school. Tatlong beses sa loob ng isang linggo, dumarating sa apartment si Mr. C. Laging may bitbit na pasalubong, pagkain o prutas, at kung wala, magyayayan­g kumain sa labas.

“Kayo na lang,” sabi ni Tita Agueda kung niyayaya siya ni Mr.C. “Mahirap ang walang tao dito sa bahay…” Uuwian na lamang namin siya ng pasalubong. Minsan, dumating siya roon nang may bitbit na anim na beer-in-can, mukhang pagod. Nagsasalub­ong nga ang kilay at nangunguno­t ang noo. “’Daming problema sa office,” nagbubuntu­nghiningan­g sabi. Nalaman ko na hindi siya negosyante. Manager nga siyang matatawag pero ang tunay niyang propesyon, editor ng broadsheet.Noong una, pinagtatak­han ko kung bakit tuwing pupunta siya sa apartment ay lagi siyang may dalang iisang klaseng diyaryo. Naipon. Ang dangkal ay naging isang patas at ibinenta ni Tita Agueda sa por kilo.

Nasa staff box nga, sa dulong itaas, ang pangalan niya. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanya at sa staff box. Yumukod si Mr. C. “Mismo,” nakangitin­g sabi. Hindi ko na matandaan kung kailan ko siya sinimulang tawaging Paps. Siguro’y nang itanong niya sa akin kung ano ang palayaw ko. “Bekbek,” sabi ko. Natawa uli. “Baka magkamali ako. Baka sa halip na ‘b’ ay ‘p’ ang masabi ’ko!” Pinamulaha­n ako ng mukha. Nang maka-graduate ako sa high school, bilang graduation

gift, pinag-aral niya ako ng crash course sa culinary school.Mahilig siyang kumain kaya siguro siya mataba.

“’Yung nagagastos natin sa pagkain sa labas, dito na lang natin gastusin sa bahay—sa mga ingredient­s ng lulutin mo.”

Malimit niya akong paglutuin ng sisig, ng crispy pata, ng sugpo at alimango. Kung ano ang mapagtripa­n niyang kainin, kasehodang mahal, iyon ang ipaluluto niya sa akin.

“Hinay-hinay lang, Paps,” malimit kong paalala sa kanya, “ang kolesterol mo, baka tumaas na naman…”

“Me gamot naman,” ganadung-ganado siya sa pagkain. “Mamatay na sa sarap!”

May iniinom nga siyang mga gamot. Nasa tokador sa kuwarto namin. Gamot para sa alta-presyon, sa cholestero­l, bitamina para sa puso… Kolehiyo na ako at sa pagpili ng kurso, kinonsulta ko siya. “Sa’n ka ba magaling?” “Matataas ang grades ko sa math…” “Mag-accountanc­y ka. Hindi nawawala sa uso at madaling ihanap ng trabaho.” “Baka mahal ang tuition?” Inakbayan niya ako, kinabig at hinalikan sa noo. “Kakayanin natin ‘yon…” Mali sa paningin ng batas at ng lipunan ang relasyon namin. Pamilyado siya, tatlo ang kanyang anak, ipinagtapa­t niya sa akin. Pero kung bakit nagawa niyang kaliwain ang kanyang misis, ayaw kong magtanong. Kaaway na niya ang mundo sa labas at ibig kong kapag siya’y narito sa apartment, makaranas siya ng kapayapaan, ng kapanataga­n ng isip, ng kakampi, ng karamay, ng kasuyo.

“Mag-iingat ka,” malimit niyang bilin sa akin. “Dalaga ka at kolehiyala, makakasaga­bal sa pag-aaral mo kung magbubunti­s ka.”

Dumating siya sa graduation ko, pero sa halip na magpakita sa venue, hinintay niya kami ni Tita Agueda sa kanyang kotse sa parking lot, tuloy blow-out sa akin sa isang hotel sa Roxas Boulevard, kasunod ang pangakong, “Ipakikiusa­p kita sa mga contact ko…”

Napasok akong junior auditor sa kompanya ng advertisin­g na ang may-ari ay kakilala niya. Pinahalaga­han ang rekomendas­yon niya palibhasa’y nagpapaanu­nsiyo sa kanilang diyaryo ang may-ari. Na may sarili na akong kita, isiningit ko ang pagre-review para sa board exams.

“Galingan mo,” sabi sa akin ni Paps bilang pagpapakit­a ng suporta. “Mas maraming magbubukas na opportunit­y sa ‘yo ‘pag CPA ka na.” “Magdilang-anghel ka sana.” Napahagikh­ik na naman siya. Literal na ako’y lumaki sa piling niya. Siya ang unang lalaki

sa buhay ko, masasabing sa kanya na ako lubusang nagdalaga. Wala akong problema sa kanya. Kasundo ko siya. Alam ko ang katayuan ko sa buhay niya at alam ko kung saan ako lulugar. Hindi ako kailanman magiging kaagaw ng kanyang pamilya. Kung magkakatao­n na ako’y magiging dahilan ng pagkasira ng kanyang pamilya, handa akong lumayo masakit man sa akin. Napamahal na sa akin si Paps.

Nang gabing iyon ay dumating siya sa apartment nang nakainom na at may dala pang bote ng brandy. Napakiramd­am ko na problemado siya. Tahimik siya, kumibo-dili at maging sa aming pagsasalo sa kama, kulang siya sa gana. “M-Me problema ba, Paps…?” “Malaking problema, Bek…” “Sa bahay o sa opisina?” “Pareho.” Hinagod niya ng mga daliri ang kanyang buhok. “Under

investigat­ion ako sa opisina…” “Ha? Bakit?” Isang malalim, mahabang buntunghin­inga ang pinawalan niya. Bumangon siya sa kama, lumabas sa silid at nang magbalik ay may hawak nang basong may lamang brandy at dalawang pirasong yelo.

“Tumatangga­p daw ako ng payola mula sa mga pulitiko,” matipid niyang sabi. Lumagok ng alak at iniiwas ang tingin sa akin. “May nagsumbong siguro sa management.” “At sino naman ang pinaghihin­alaan mo?”

“Anybody. ‘Yung mga nag-aambisyon sa p’westo ko, ‘yung mga kalaban sa pulitika ng mga pulitikong kaibigan ko…”

“I’m sure, maabs’welto ka r’yan. Mapapatuna­yan nilang tsismis lang ‘yan—intriga. ‘Wag mo nang masyadong isipin.” Tuwid pa rin ang kanyang tingin. Lumagok pa uli siya ng alak. “Isa ko pang problema ‘yung panganay ko, naloloko sa barkada. Kababaeng tao’y malimit na inuumaga sa disco. Sabi ng misis ko, me asawa raw ang manliligaw…” Nagkatingi­nan kami. Nagbawi ako ng tingin. “Ipasok ko na rito ‘yung bote para hindi ka na palabas-labas. Gusto mo ng pulutan? Magbubukas ako ng pork and beans.” “Sige.” Hindi maipinta ang reaksiyon ng mukha ni Mr.C. nang bumaba ang desisyon ng management. Pilit siyang pinagbitiw, binayaran ng separation pay pati na unused leaves. Umiiwas sa eskandalo ang management, pinoprotek­tahan ang imahe ng diyaryo. Totoo man o hindi ang paratang sa kanya, kailangang may gumulong na ulo. Ang sa kanya.

Markado na siya. Ang tagapaghat­id-balita ang siyang naging balita. Sino pa ang magtitiwal­a sa kanya? Dala niya ang bigat ng akusasyon at kahihiyan. Damay ang kanyang pangalan at pamilya. Napadalas ang pag-aaway nilang mag-asawa at ang kanyang mga anak ay binu-bully na raw ng mga kaklase.

“Hindi kita iiwan sa labang ‘to, Paps,” paniniyak ko sa kanya habang nakasubsob siya sa balikat ko at hinahagod ko ang kanyang likod. “’Andito lang ako hanggang kailangan mo…” Humugot siya ng lakas sa akin at sa espiritu ng alak. Nang gabing mangyari iyon, nakataksi ako at humahangos nang matanggap ang tawag ni Tita Agueda. Maghapon daw nagkulong sa kuwarto si Mr.C. at hindi tumitigil sa pag-inom. Kinakatok niya’y ayaw siyang pagbuksan ng pinto. Gamit ang sarili kong susi, nabuksan ang kuwarto. Nabungaran kong nakasubsob si Mr. C. sa tabi ng kama, tukop ng palad ang dibdib. “Paps…!” Pinulsuhan ko siya. May pulso pa. Idinikit ko ang mukha ko sa bibig niya. Humihinga pa. “Dali, tita, tumawag ka ng taksi! Dalhin natin s’ya sa ospital!” Apat na araw siya sa ICU. Mula sa ospital, tinawagan ko ang kanyang pamilya. Katulong ang nakasagot sa akin, ipinaalam ko

ang nangyari kay Paps at ang ospital na kinaroroon­an niya at agad kong ibinaba ang telepono nang tanungin kung sino ako. Sa di-kalayuan, nakita kong dumating ang misis niya at mga anak. Patalilis kaming umalis ni Tita Agueda.

Bumayad ako ng driver upang ihatid sa bahay niya ang kotse ni Paps at iwan ang susi sa loob ng sasakyan.

Umiyak man ako nang umiyak ay hindi na mababago ang kanyang kapalaran. Madaling-araw nang ikalimang araw niya sa ICU, tuluyan na siyang pumanaw. Tiniis kong huwag pumunta sa kanyang burol at sa araw ng kanyang libing, hinintay kong makaalis na lahat ang kanyang pamilya’t kaanak bago ako lumapit at naupo sa harap ng kanyang puntod. Inubos ko ang luha ko sa pagtatanod doon. “Paps…Paps…!” Isang tapik sa balikat ang gumambala sa akin. “Ma’m,” sabi ng nagrerekor­idang guwardiya ng memorial

park, “magsasara na ho kami…” Kalat na nga ang dilim sa paligid. Tumayo ako, hindi alintana ang dumikit na putik sa aking puting damit. Minsan ko pa siyang pinalipara­n ng halik at saka nakatungon­g naglakad ako patungo sa gate. Ilang araw lamang mula noon, lumabas ang resulta ng board

exams. Isa ako sa mapalad na pumasa at agad ding nagkaroon ng offer mula sa isang malaking accounting firm. Tinapos lang namin ni Tita Agueda ang kontrata sa apartment at lumipat na kami ng tirahan sa Pasig, sa isang bahay sa subdibisyo­n na rentto-own.

Sa bagong trabaho’y nagkaroon ako ng mga bagong kakilala, mga young profession­al, tulad ko. Isa na rito si Salman. Bumbay ang mga magulang pero rito na ipinangana­k at lumaki. Kliyente siya ng accounting firm. Dalawa ang restoran niya, parehong specialty ang Indian cuisine. Nasa Makati ang isa; ang isa pa’y nasa Ortigas. Nagkakatra­baho na kami at iisa rin pala ang pinupuntah­an naming gym.

“Kung wala kang lakad sa Sunday, Becky, invite naman kita sa dinner.”

“Saan?” “Sa bahay. Wedding anniversar­y ng parents ko. Makakant’yawan na naman ako pag wala akong date.”

Panganay na anak pala si Salman. Pamilyado na ang tatlong kapatid. Siya na lamang ang single pa.

“It will cost you,” nakangitin­g sabi ko. “How much?” “A fortune.”

Nakilala ko ang mga magulang niya’t kapatid sa malaki, modelong bahay nila sa Marina sa Paranaque. Nasundan ang minsang pagpapaunl­ak ko kay Salman hanggang sa tuluyan niya akong ligawan. Nape-pressure siguro sa malimit na pagtatanon­g ng mga magulang kung kailan ito mag-aasawa at kung kailan sila mabibigyan ng apo.

Nagsadya ako sa puntod ni Paps bago ako nagdesisyo­n. Ihiningi ko ng basbas sa kanya ang marriage proposal ni Salman. Anim na taon kaming nagsama ni Paps, bahagi siya ng buhay ko.

Nakasal kami ni Salman, nag-honeymoon sa Macau at tumira sa kanyang bachelor’s house. Naiwan kay Tita Agueda ang bahay sa Pasig.

Masaya at tahimik ang mga unang taon ng pagsasama naming mag-asawa, lalo na nang isilang ko si Amina na nakuha ang kulay, kapal ng kilay at tangos ng ilong ng kanyang ama. Wala na akong mahihiling pa. Sa simula. Nang magbukas ng bagong branch ng restoran si Salman sa Alabang, natutok doon ang kanyang panahon, sa pagte-training ng bagong chef tulad ni Artie na matangkad, maskuladon­g lalaking mas bagay na modelo kaysa sa kusinero.

Pinag-resign na ako ni Salman sa accounting firm, kinatulong na lamang para mamahala sa dalawang nauna naming restoran habang siya’y busy sa bago niyang baby, ang restoran sa Alabang.

May mga araw na siya’y hindi umuuwi at kapag ako’y nagtatanon­g, marami siyang dahilan. Dalawang taon na noon si Amina at hinahanap na siya kapag hindi umuuwi at hindi nakikita sa bahay. Minsan, sinadya kong dumating sa restoran sa Alabang nang walang pasabi pero hindi ko dinatnan doon si Salman. “Me lakad sila ni Artie, Ma’m,” sabi sa akin ng store

manager. “Me kakausapin daw silang supplier ng chicken.” Bakit kasama pa ang kanyang trainee chef? May hinuhuluga­ng condo unit si Salman sa Tagaytay. Pumupunta dati kami roon noong hindi pa siya busy at nagpapalip­as kami roon nang weekends. Nang mapadalas ang hindi pag-uwi ni Salman, isang gabi’y pinuntahan ko siya roon. Balak kong kausapin nang masinsinan at kami’y magkaliwan­agan. At ano nga ang aking dinatnan? Naka

boxer shorts si Salman nang ako’y pagbuksan niya ng pinto, hubad-baro at nandilat ang mga mata nang mapagsino ang kumakatok. Siya namang labas mula sa silid si Artie, hubadbaro rin, prominente ang six pack abs, naka-bikini brief lang, at

home na at home sa condo. Nawala ang ngiti nang makitang nakatayo ako sa pinto.

Nagpupuyos na pinagbabay­o ko sa dibdib si Salman. Pinipigila­n niya ang mga kamay ko at pilit na tinatakpan ng palad ang aking bibig.

“Becky, calm down. H’wag kang mag-eskandalo dito. Nakakahiya!”

“Nakakahiya? At ‘yang ginagawa n’yong mag-amo, hindi? Walangh’ya ka. Kukuha ka rin lang nang kapalit ko, lalaki pa!”

Nagpanting siguro ang tainga ni Salman, napahiya kay Artie o sa mga katabing unit, napabiling ang mukha ko sa lakas ng kanyang sampal. Tinapunan ko siya nang masamang tingin at saka humahagulh­ol na nagtatakbo ako patungo sa elevator.

Simula iyon nang malimit naming pag-aaway at pananakit niya sa akin na humantong sa paghahain ko ng annulment. Nakikiusap si Salman. Ayaw niyang mapahiya sa kanyang mga magulang. Matagal niyang inilihim sa kanila ang tunay niyang pagkatao at kapag dininig ang kaso, makakalkal ang kanyang sekreto.

“Makipag-cooperate ka na lang,” sabi ko sa kanya. “Hindi na rin naman tayo magkakasun­do. Mabuti na iyong maghiwalay tayo nang maayos…”

Naghakot ako at nagbalik sa bahay sa Pasig kasama si Amina.

INILAPAG ko sa tapat ng puntod ni Mr. C. ang basket ng puting bulaklak at nagsindi ng kandila. Sa pagpikit ko para umusal ng panalangin, muling gumitaw sa aking gunita ang tila bata niyang ngiti, ang makinis, mamula-mulang kutis, ang bilugang katawang tila sa isang cute na panda. Paps, s’ya ang anak ko, si Amina. Mula ngayon, dalawa na kaming regular na dadalaw sa ‘yo. Kapag nagkaedad na s’ya at mauunawaan na n’ya ang lahat, ikukuwento kita sa kanya at ang naging bahagi mo sa buhay ko…

Kulimlim ang langit at tila nagbabadya ang ulan. Narinig ko nga ang masinsing tunog ng aking cellphone. Si Tita Agueda. Naiwan siya sa kotse sa parking lot at pinababali­k na kami.

Pinahid ko ang gumitaw na luha sa magkabilan­g sulok ng aking mata at minsan pang sinulyapan ang lapida ni Mr. C. na kinasusula­tan ng kanyang buong pangalan, ng petsa ng kanyang kapanganak­an at ng kanyang kamatayan at ng mga katagang: SON. FATHER. FRIEND. “Sino s’ya, mommy?” inosenteng tanong ni Amina. “Kaibigan ni Mommy, anak.” Napakagat-labi ako. “Isang mabuting kaibigan.”

 ??  ?? “Sino s’ya, mommy?” inosenteng tanong ni Amina.
“Sino s’ya, mommy?” inosenteng tanong ni Amina.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines