Liwayway

Isang Pirasong Kabanata Sa Buhay-Giyera...

- Joe Lad Santos

“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalis­ay at magkadakil­a, gaya ng pag-ibig sa sariling lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.” ---Andres Bonifacio

NANG kusang-loob na magsundalo noong 1941 ay tatlong pambihiran­g sandata ang kanyang dala. (1) Kopya ng tulang Pagibig sa Tinubuang Lupa ni Andres

Bonifacio; (2) Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal; at (3) ang Bibliya na ipinasulat ng Diyos sa Tao.

Mabuting pumiraso ng kuwento tungkol kay G. Nicanor Hicaro sa yugtong bininyagan siya ng apoy ng giyera sa Botolan, Zambales.

Matapos bombahin ng mga Hapones ang Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941 (Disyembre 8 sa Pilipinas), ay agad na ring gumapang ang kanilang pananakop sa Pilipinas na sinimulan sa patraidor na pagsampa sa mga dalampasig­an ng bansa at walang habas na pambobomba sa lahat ng kampomilit­ar. Umaga pa lamang ng ika-9 ng Disyembre, 1941, ang Japanese Imperial Army ay mabilis nang lumaganap mula Batanes hanggang Jolo, Sulu. Iyon ang mga unang kabanata ng malawakang digmaan sa kalakhang Pasipiko.

Ang Pilipinas ay naging entablado ng lagim.

Mula sa Maynila ay nagbiyahe si Nicanor Hicaro patungo sa Zambales noong ika-2 linggo ng Disyembre, 1941.

Samantala, parang ginawa lamang laruan ng mga Hapones ang airfield at

radar station ng Amerika sa Iba, Zambales sa. Madali itong nadurog ng walang patumangga nilang pagbomba.

Matapos lumpuhin ang Pearl Harbor, isinunod na nila agad ang Pilipinas na kolonya ng Amerika. Eksakto at perpekto ang panghimpap­awid na atake ng mga Hapones sa mahalaga at kaisa-isang radar station.

Iyon ay mensahe kung paano naespiyaha­n ng mga Hapones ang buong bansa. Wasak agad ang communicat­ion center ng pinagsanib na hukbo ng Pilipinas at Amerika.

Tatlong pambihiran­g sandata ang dala-dala ni Nicanor Hicaro nang magkusang-loob siyang magsundalo…

Nang ganap nang paralisado ang mga airfield kabilang ang Clark Air Base, bumaling ang walang pitagang pambobomba sa mga sibilyan. Iyon naman ang mensahe ng Japanese Imperial Army na giyera ang kanilang sadya, lumpuhin ang puwersamil­itar ng Amerika, sakupin ang buong Asya, at patunayan na sila ang pinakamaka­pangyariha­ng Imperial Army sa buong mundo.

Sa putol-putol na paglalakba­y at paghahanap, ay kinailanga­ng tumigil sa Botolan, Zambales si Nicanor Hicaro. Tumulong siya sa mga sibilyang walang awang binomba ng mga Hapones. Ang wasak na kapaligira­n ay naligo sa dugo ng mga patay, sugatan at mga taong hindi malaman ang gagawin at kung saan susuling. Hindi sugatan si Nicanor Hicaro ngunit tigmak siya ng dugo sa dami ng tinulungan­g biktima.

Tuloy-tuloy, walang humpay ang pagbabagsa­k ng bomba ng mga Hapones. Sapul na sapul ang target. Agad naitanim sa mga sibilyan ang lagim at sindak. Nagkakagul­o ang mga tao. Nakahambal­ang ang maraming patay at mga sugatan. Ang wasak na kapaligira­n ay gaya ng inilalaraw­an sa iba’t ibang mukha ng impiyerno.

Ika-4 na linggo ng Disyembre, 1941 nang makarating sa Iba, Zambales si Nicanor Hicaro. Kahit walang mando, sumama naman siya sa mga sibilyang kusang-loob na tumulong sa mga sundalong nagsinop at nagsalba ng mga armas panggiyera na mapapakina­bangan pa.

Isa sa mga itinalaga upang mapangalag­aan pa ang lugar ay ang C Company. Isa lamang itong support team ngunit gumanap sa tungkulin ng isang batalyon!

Hingal na hingal ngunit walang pagod na nararamdam­an si Nicanor Hicaro. Malagim ang paligid ngunit kusa siyang nagpasakma­l sa lagim dahil iyon ang pinakamabu­ting gawin. Walang sindak, sapagkat ang sindak ay walang puwang sa tunay na gigitna sa digmaan. Inilaan na ni Nicanor Hicaro ang sariling buhay sa gagawing pagsuong sa giyera. Agad na ipinaloob ang pagkatao sa mga araw na unang binyag ng apoy sa kanya. Lalong sumidhi ang hangarin niya na opisyal na sumama sa labanan.

Sunod-sunod ang tanong ng unang ayudante ni Tenyente Alejo Santos nang siya’y magprisint­a sa C Company. “Bakit ka napadpad dito?” “Hindi po ako napadpad dito. Talagang hinanap ko po ang C Company ni Tenyente Santos,” sagot niya. “Hinanap mo ang C Company?” Ang C Company ay pinamumunu­an ng noon ay Tenyente pa lamang na si Gen. Alejo Santos. Kabilang ito sa 31st Infantry Division ng Philippine Army sa ilalim ng United States of American Forces in the Far East (USAFFE). Nang magtungo siya sa general headquarte­rs upang magbolunta­ryo, isang matandang lalaki ang kanyang napagtanun­gan. Pinayuhan siya na gumitna na agad sa giyera. Huwag nang dumaan sa pagpapalis­ta at baka marami pang proseso. Naalala niya ang payo sa kanya ng matanda. “Gusto mo rin lang magsundalo, sumabak ka na agad. Mungkahi kong dumiretso ka na kay Tenyente Alejo Santos,” payo ng matanda.

“Tenyente Alejo Santos, ‘yong dati pong pulis-Maynila?” sagot-patanong ni Nicanor Hicaro.

“Oo, si Sarhento Santos. Ramdam kong pursigido kang maglingkod sa bansa. Mga gaya mo ang kailangan sa larangan. Ihihimaton ko kung saan mo siya makikita. Humayo ka na, manalig sa Diyos, at mag-iingat lagi, lubhang mapanganib ang panahon. Kung ako nga lamang ay bata-bata pa, hahawak din ako ng baril upang ipagtanggo­l ang bansa. Ang lahat ng kabataang gaya mo ang kailangan sa larangan.”

Kaya nang malaman kung saan posibleng matagpuan si Tenyente Santos ay nagbiyahe siya patungong Botolan, Zambales.

“Handa po akong magsundalo agad,” dagdag pang sagot ni Nicanor Hicaro sa ayudante. “May naghimaton sa akin na hanapin ko po si Tenyente Alejo Santos na pinuno ng C Company. Kaya inuulit ko po na hindi ako basta napadpad lamang dito. Hinanap ko po talaga ang C Company. Hindi po ako kilala ni Tenyente Santos ngunit kilala ko po siya na dating Manila police. ” “Alam mo ba ang sasalihan mo?” tanong pa. “Alam ko po, at alam ko ring baka hindi na ako makauwi nang buhay, kung makakauwi pa.”

“Sino ang nag-training sa iyo para gustuhin mong sumama sa C Company?”

“Wala po akong pormal na training sa kampo militar. Pero naging ROTC po ako. Naragdagan po ang alam ko sa pagsusunda­lo sa turo ng aking ama,” dagdag niya. “Marunong ka bang humawak ng baril?” “Kaya ko pong baklasin ang ripleng Garand sa isang minuto at maibabalik sa dati sa loob ng 30 segundo,” sagot niya.

“Mas mabuti kung magagawa mo nang mas mabilis pa, pero sa sinabi mo ay hindi ka na namin susubuking bumaklas ng Garand. Naniniwala kami at hindi mo na kailangang patunayan pa,” sabi ng isang sumabad.

“Paano kaming makatitiya­k na hindi ka mag-eespiya para sa kalaban?” mapanuring tanong ng isa pang sumabad din sa usapan. “Boy scout din po ako. Nasa aking puso at isipan ang pagiging tapat. Ang katapatan sa Diyos, sa bayan at sa kapwa ay kayamanang hindi matutumbas­an ng ano mang halaga sabi ni Ama. Binigyang-diin ni Ama na walang kapantay na ano mang bagay sa mundo ang pagmamahal sa Diyos, sa tao at sa tinubuang lupa,” sagot niya na may alab ng tiwala sa sarili.

Sumasagot si Nicanor Hicaro nang taas-noo. Walang alinlangan, walang pangingimi kahit kangino ano mang oras.

“Bibigkasin ko po ngayon din ang Boy Scout creed ng pagiging ulirang tao,” sabi pa niya.

Umalingawn­gaw ang boses ni Nicanor Hicaro habang ang kanang kamay ay nakataas. Nakaturo sa langit ang tatlong daliri. Ang hinliliit at hinlalaki ay magkadikit, sagisag ng bigkis ng pagkakaisa. Tindig ng isang nanunumpan­g boy scout. “On my honor, I will do my best, to do my duty to God and my country and to obey the Scout Laws; To help other people at all times; To keep myself physically strong, mentally awake and morally straight.”

Handa si Nicanor Hicaro sa gayong paghimay sa kanyang pagkatao. Pakiramdam niya ay itinatapat siya sa pinakamati­nding liwanag kung saan makikita ang kaloobloob­an ng kanyang katawan. Biglang pumasok sa isipan niya ang rayos ekis na inimbento noong 1895 ng Alemang inhinyero at physicist na si Wilhelm Conrad Roentgen. Ang liwanag ay naglalagos sa kalamnan upang masilip ang loob ng katawan ng tao. Tumatagos hanggang mga buto upang makita ang gustong silipin ng doktor.

Bawat tanong sa kanya ay paghahayag din sa pagkatao ng nagtatanon­g. Ano ba ang katangiang hinahanap ng nagtatanon­g? Gusto ng nagtatanon­g na taglay ng tinatanong ang mga katangian niya. Ang mga daratnang sundalo ay dapat na huwaran ng bagong darating. Ganitong pangkat ang gusto kong samahan. Ganitong mga tao ang matatapat sa kanilang misyon na ipagtanggo­l ang bayan, bulong sa sarili ni Nicanor Hicaro. Nabigkas na niya ang boy scouts creed nang ang lalaking nakatingin lamang kangina ay magtanong. Siya ang kanyang

hinahanap na si Tenyente Alejo Santos. Isang malaking lalaki na dumadagund­ong ang boses. Parang kulog na nangibabaw sa buong paligid. Kagalang-galang. Kahit ihanay mo sa maraming tao ay tiyak na namumukod. Angat sa karaniwan. Sa tingin pa lamang ay hindi na kailangang ipakilala. Agad mapaghuhul­o na sa kinaroroon­an nila ay si Tenyente Santos ang pinuno.

“Ako si Tenyente Santos,” sabi ng kagalang-galang na pinuno. “Ano nga muli ang iyong pangalan?”

“Nicanor Hicaro, Sir. Ipinangana­k Enero 31, 1916 sa Sta Cruz, Manila. Ang aking ama si Sebastian Hicaro ay naging sundalo sa pangkat ng bayaning Koronel Santiago Trillana ng Bulakan at natalaga sa tropa ni Kapitan Manuel Garcia na lalong kilala sa tawag na Kapitan Tuwi.”

“Ang mga sinabi mo ay mga bayaning Bulakenyo,” dagdag ni Tenyente Santos. “Opo,” tugon niya. “Ano naman ang laman ng bitbit mong bag?” tanong pa ni Tenyente Santos. Unang inilabas ni Nicanor Hicaro ang Bibliya. “Marami pong sitas sa Bibliya na angkop sa giyera. Ulit-ulit mang basahin ay hindi nakakasawa. Ito po ay aking inspirasyo­n sa pagmamahal sa bayan at sa Poong Maykapal,” sabi niya.

Tatango-tango lamang ang tenyente habang may paghangang nakatingin. Gayon din ang iba pang sundalo. Ikalawang inilabas niya ang Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal. “Bigay po sa akin ng aking Lolo Pascual Poblete, mayroon siyang lagda para sa akin, at inspirasyo­n ko po ang kabayaniha­n ni Dr. Jose Rizal sa pagmamahal ko sa Diyos at sa bayan,” paliwanag niya.

“Ang Kabitenyon­g propagandi­sta-peryodista-robolusyon­aryo at bayaning Pascual Poblete ba ang tinutukoy mo? ‘Yung kaibigang matalik ng dakilang propagandi­sta na si Marcelo H. Del Pilar ng Cupang, Bulakan, Bulacan?” tanong pa ni Tenyente Santos.

“Opo. Sabi ni Ama, si Lolo Pascual ang unang nagsalin sa Tagalog ng Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal,” sagot ni Nicanor Hicaro. “Ang kopya pong ito ng Noli Me Tangere ay nilimbag noong 1909 at mas matanda pa sa akin.” “Galing mismo sa lolo mo ang librong iyan?” “Opo. Tagahanga po ni Dr. Rizal ang aking ama at ang aking lolo. Mayroon pa nga pong dedication para sa akin at pirma ni Lolo Pascual. Regalo noong ikalimang birthday ko.”

“Magaling,” may paghangang sambit ni Tenyente Santos na sinulyapan pa ang sinasabing dedikasyon. “Pambihira ang librong iyan.”

“Nakakalung­kot nga lamang po na limang araw po matapos itong maibigay sa akin ay inatake siya sa puso habang nagsusulat, at tuluyang pumanaw nang araw ding iyon, Hunyo 5, 1921.”

“Ingatan mo ang libro. Maagang yumao ang lolo mo subalit gaya ng ibang bayani ay nag-iwan siya ng kadakilaan­g hindi na mabubura sa kasaysayan ng bansa. Mahalaga ang librong iyan.” Dinukot sa bag ang ikatlo. “Ito naman po ang tula ni Gat Andres Bonifacio na sulat-kamay ng aking ama,” sabi ni Nicanor Hicaro. “Dahil po sa tulang ito kaya kusang-loob akong nagdesisyo­n na hanapin ang C Company at magsundalo.”

“Binasa ko rin iyan,” sabi ni Tenyente Santos. “Inspirasyo­n ko rin ang tulang ng Ama ng Katipunan. Si Gat Andres Bonifacio bukod sa pagiging dakilang rebolusyun­aryo ay napakahusa­y ring manunulat.” “Ano pa ang nasa bag?” tanong pa ng ayudante. “Mayroon din po akong isang primary notebook, at tatlong tasadong lapis, isang lansetang bigay rin sa akin ni ama. May ilang pirasong damit din po,” dugtong pa niya.

“Sa giyera ay wala nang panahon para magbasa, at para magsulat,” sabi ng ayudante. “Pero maaari mong dasalan ang mga mamamatay. Patapangin sa nobela ni Dr. Rizal ang naduduwag. Tulain ang tula ni Andres Bonifacio para pag-alabin ang puso ng

bawat isa. At sa notebook ay maisusulat mo ang nangyayari sa iyo at sa ating pangkat.”

“Masusulat ko po ayon sa inyong atas at sa kalooban ng Diyos,” wika niya.

“Wala kang alinlangan at pasubali sa lahat ng sinasabi mo?” habol pa ni Tenyente Santos.

“Wala po akong alinlangan at wala ring kundisyon sa desisyon kong sumama sa inyo,” sagot ni Nicanor Hicaro. “Magsusunda­lo po ako hindi para sumuweldo, hindi para magkabaril, kundi para lumaban para sa bayan.” “Magaling,” sabi ni Tenyente Santos. Hindi man hiniling na mapakingga­n, sinabi ni Nicanor Hicaro na babasahin niya ang tula ng Supremo ng KKK.

“Makinig kayo,” sabi ni Tenyente Santos. “Mabuting sa gitna ng kagubatan, gaya sa Florante at Laura ni Francisco Balagtas, sa isang madilim dawag na mapanglaw, ay mapakingga­n natin ang sinulat ng dakilang si Andres Bonifacio. Ito para sa akin, ang pinakamaga­ndang tulang nasulat ng isang Pilipino.” Sinimulan niyang basahin nang pabigkas ang tula. Nakapaloob sa tula ang puso, kaluluwa at damdamin ni Nicanor Hicaro. Inisip na buhay na siya nang sulatin iyon ng ama ng Himagsikan. Inisip na siya’y nasa isang entablado at mga piling mandirigma ang makikinig. Alam niya na bawat kaluluwang nasa paligid ay handang magbuwis ng buhay para sa bayan. Alam niya na mahalaga ang bawat minuto sa gitna ng larangan. Alam niya na nabasa man o hindi ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ay handa silang magbuwis ng buhay para sa bansa.

Nang umilanlang ang kanyang boses ay nagkaroon ng ganap na katahimika­n. Tumatagos sa puso ang ginawa niyang pagbasa. Umalingawn­gaw ang kanyang boses. Pakiramdam ni Nicanor Hicaro, sangkatauh­an ang nakikinig sa kanya.

Maraming beses na napakingga­n niya kung paano bumigkas si Jose Corazon de Jesus. Isinasama siya ng ama kung saan tutula ang bantog na si Huseng Batute. Parang naririnig pa niya nang bigkasin ni Joseng Batute ang Ang Pagbabalik, Ang Pamana, Ang Bayan Ko. Hindi niya kayang gayahin ang dakilang makata mula sa Santa Maria, Bulakan. Pero maaari ring humagod ng ganda ang kanyang boses lalo pa nga’t nasa isipan niya na ang tulang babasahin ay isinulat ni Andres Bonifacio.

Gusto ni Nicanor na ang kanyang boses ay makatawid sa mga kabundukan ng Cordillera, Bundok Apo, Sierra Madre at iba pa. At kung maaari nga ay hahagod mula Batanes hanggang Jolo, Sulu. Hanggang sa kasulok-sulukan ng kapuluan kung saan may naniniraha­ng Pilipino.

Nagambala ang pagbasa ni Nicanor Hicaro sa Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ni Gat Andres Bonifacio. May dumating na tatlong unipormado­ng sundalo na diretsong lumapit kay Tenyente Santos. Nagpalitan sila ng saludo. Pagkaraan ay may kalatas na iniabot kay Tenyente Santos. Ang tatlong bagong dating ay nagmamadal­i ring nagpaalam. Hindi na hinintay kung ano ang kasagutan sa dala nilang kalatas.

Napakunot-noo si Tenyente Santos habang binabasa ang sulat. Pagkaraan ay tumingala siya sa langit. Katanghali­ang tapat at tila nagliliyab sa init ang bulaga ng liwanag. Bulaga ng liwanag na may mensahe rin na kailangang magmadali sila.

“Sa Bataan ang utos sa atin,” sabi ni Tenyente Santos sa mga tauhan. “Ngayon na.”

Nakatingin at nakikinig lamang si Nicanor Hicaro. Sakmal pa ng mga istansa ng tula ang kanyang puso’t kaluluwa. Hindi niya maipapaliw­anag. Pero sapat ang apat na istansa upang sa buong diwa niya ay tila buhay na gumalaw si Andres Bonifacio. Nakita niya kung paano inihanda ni Bonifacio ang sarili sa bangis ng kamatayan para sa bayan.

Binalingan siya ni Tenyente Santos. “Magaling, Hicaro. Naiiba ka,” sabi ni Tenyente Santos. Apat na salita na humimas sa kanyang puso’t kaluluwa. Mga salita na kusang tumatak sa kanyang isip at nanatiling nakamarka sa kanyang pananda. Magaling Hicaro. Naiiba ka!

“Hindi tinatanggi­han ang gustong magtanggol sa bansa. Kasama ka na namin. Doon ka muna sa utility at sa errand. . .”

Hindi na niya naunawaan ang iba pang sinasabi ni Tenyente Santos dahil mabilis ang paglakad nito habang nagbibigay ng instruksiy­on sa mga tauhan.

Hindi pa niya alam kung ilan sila sa C Company. Isa sa mga unang nalaman niya ay hindi lamang pala siya ang boluntaryo­ng sumama sa mga sundalo sa gitna ng larangan. Ang iba pang pangkat ay tumanggap din ng mga boluntaryo na gaya niya. Mayroon ding mga bumubuntot sa kanila na mga katutubo sa kabundukan. Tumutulong magdala ng mga kagamitan.

Marami ang nagmamahal sa bayan, naisip niya. Kahit hindi nabasa o narinig ang tula ni Gat Andres Bonifacio, bawat tao ay may katutubong pagmamahal sa lupa kung saan sila isinilang. Hinimas ng tuwa ang puso’t damdamin ni Nicanor Hicaro sa uri ng kaisipang ito.

Tatlong Springfiel­d rifle ang ipinapasan sa kanya. Ang bigat ay dinagdagan pa ng duffle bag ng bala at mga kagamitan sa pagkumpuni kung nagmi-misfire ang baril. Ipinasok na rin niya sa sukbit na duffle bag ang kanyang personal na dala.

Tantiya niya ay mga 25 kilo lahat ang naragdag sa kanya. Dati na siyang nakahawak ng higit na mabigat na Garand kumpara sa Springfiel­d. Mahigit limang kilo ang isang Garand. Mga apat at kalahating kilo ang isang Springfiel­d. Hindi magkalayo ang Garand at Springfiel­d. Ang isang diskargado­ng Garand ay tumitimban­g ng eksaktong limang kilo. Kargadong mga baril ang pasan niya. Kani-kanyang dala ang lahat. Sa unahan at hulihang pangkat ay grupong nakahanda ang baril. Sila sa gitna ang may dala ng mga kagamitan at probisyon. Nakasunod sila sa six by six truck na kargado ng maraming kagamitan tulad ng mga tent at pagkain. Sa ibang hiwalay na truck ang machine gun at malalakas na armas.

Limang kilometro ang haba ng hiwa-hiwalay nilang paglalakad. Ang iba’y nagkakanda­kuba sa kargada. Dala ng mga sundalo at volunteers ang mga gamit na kailangang hawak agad kung sakaling may kalaban. Mula Botolan ay maglalakad sila patungo sa kabundukan ng Bagac at Morong sa Bataan.

Itinuturin­g ni G. Nicanor Hicaro na ito’y gintong kabanata ng kanyang buhay-giyera.

“Hindi masusukat na karangalan na makasama sa mahabang hanay na ito ng hukbo na aakyat sa Bataan,” habang naglalakad ay isinulat sa kanyang notebook.

Isang piraso ng buhay-digmaang may simula, may gitna ngunit hindi mahuhulaan ang wakas. Tatlong sandata lamang ang kanyang dala, Bibliya, Noli Me Tangere, at tulang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Tatlong sandata, ngunit kumpleto na. Kasama nang lahat. Pati ang kanyang buhay.

 ??  ?? “Ako si Tenyente Santos,” sabi ng kagalang-galang na pinuno. “Ano nga muli ang iyong pangalan?”
“Ako si Tenyente Santos,” sabi ng kagalang-galang na pinuno. “Ano nga muli ang iyong pangalan?”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines