Kapag Nalusaw Ang Maskara
PAULIT-ULIT na hinagod ng mga mata ni Hilda, pababa, pataas, ang bawat kurba ng katawang nakaliyad sa kaharap niyang pantay-taong salamin na nakadikit sa isang sulok ng kanyang silid. Sino nga bang magsasabi na ang seksi at sariwang katawang iyon ay apatnapu’t limang taon na sa mundo? Sino nga bang magaakalang ang kahali-halinang kagandahang iyon ay tatalikuran ng sinumang lalaking naghahanap ng ligaya? Hinaplos ng kanyang mga paningin ang maamong mukha sa kanyang harapan…
ang alun-along buhok na nakabalabal sa kanyang mayamang dibdib…ang baywang na hindi nagbago mula nang siya’y humarap sa altar at makipagpalitan ng “I do” sa tanging lalaking kanyang minahal …ang mayamang balakang at bilugang mga hita at binti…ang humpak na puson na nagkakanulo ng katotohanang hindi pa iyon nalalamnan at malamang na hindi na magkakalaman pa.
Huminto ang kanyang mga mata sa kanyang puson. Perpektong tingnan ngunit para ano nga ba ang bahaging iyon ng katawan ng isang babae? May nasaling na tinik sa kanyang dibdib. Ang puson na iyon ang dahilan ng itinuturing niyang kabiguan… ang puson na nakikita niyang isang tigang na batuhang gulod na hindi kailanman sisibulan ng pinakamataba mang binhi.
Napaatras si Hilda at paupong nasapo ng mga palad ang mukha. May naglalatang na pagkamuhi sa kanyang dibdib. Gustong bumukal ng kanyang mga luha. Bakit nga ba nagawa ni Ador na talikuran siya…at ipagpalit sa ibang babae? Dahil lang sa katotohanang hindi siya kailanman maaaring maging isang ina? Dahil ang kanyang sinapupunan ay tigang…isang batuhang gulod na hindi kabubuhayan ng anumang punla? Dahil ba rito kaya nagawa nitong sirain ang kanilang sumpaan sa harap ng altar? Hindi niya dinaya si Ador sapagkat hindi niya alam na wala siyang kakayahang magdalang-tao, na pinagkaitan siya ng Panginoon ng biyayang yaon. Hindi ba dapat karamay niya ang asawa sa trahedyang iyon ng kanyang pagkababae? Napakuyom ang mga palad ni Hilda at naglapat ang kanyang mga bagang. Lintik lang ang walang ganti. Nasa kanya ngayon ang huling baraha…ang huling halakhak.
Muli siyang tumayo sa harap ng salamin. Siguradong maglalaway si Ador oras na makaharap siya ngayon. Pagsisisihan nito ang araw na ipinagpalit siya sa ibang babae. Si Ador ang hari at bayani noon sa basketball
court ng kanilang paaralan; at maraming magagandang babae ang pilit umaagaw ng pansin nito. Ngunit napanatili ni Hilda ang karangalang sa kanya nakatuon ang mga mata ng kababatang binata. Mula elementarya ay magkaklase na sila hanggang sa pumasok sa iisang pamantasan. Napakalalim ng ugat na nakatanim sa kanilang mga damdamin kaya nang makatapos sila ng kanikanilang kurso at yayain siyang pakasal ni Ador ay pumayag agad siya. Wala sa kanyang hinagap na darating ang araw na haharapin niya ang pagtanda nang nag-iisa.
Sa unang mga taon ng kanilang pagsasama ay nadama ni Hilda nang buong-buo ang pagmamahal na inaasahan niya mula kay Ador. Napakabait nito at wala siyang nakitang palatandaan ng anumang pagbabago. Ngunit nang pumasok ang pagkainip sa minimithing supling ay napansin ni Hilda ang pananamlay ng asawa. Noong una ay tumanggi itong kumunsulta sa doktor dahil sa pangambang baka ang lumabas sa pagsusuri ay may karamdaman ito at baog. Ngunit sa kakukulit niya ay pumayag din itong magpasuri. At kapwa nga sila nabigla sa naging resulta ng konsultasyon. Ang multong kinatatakutan ni Ador ay bangungot na bumulaga kay Hilda. Halos mawalan siya ng ulirat nang sabihin ng doktor na kailanman ay hindi siya magiging ina. Ang daming natapong luha niya noon. Pero hindi agad sila sumuko. Marami pang doktor ang kanilang nilapitan…upang sa huli ay muli’t muli lang lumuha si Hilda. May mga gamot na ibinigay ang mga doktor. Baka sakali. May mga food supplement,
herbal medicine at kung anu-anong therapy na kanilang sinubok ngunit ang baka sakali ay nanatiling bakasakali.
Hanggang sa tumahimik ang kanilang tahanan. Nabawasan ang biruan nilang mag-asawa at nawala ang alab sa loob ng kanilang silid-tulugan. Ang paglalapat ng mga katawan ay parang naging bahagi na lamang ng kanilang tungkulin sa isa’t isa. Naglaho ang init at pagnanasang may mabubuo silang anghel pagkatapos.
Unti-unti, natutong makibarkada si Ador at umuuwi nang lampas sa kinagawiang oras dahil sa samu’t saring katwiran. Palagi siyang nauuna sa kanilang bahay sa San Pedro, Laguna, pagkatapos ng maghapong pag-oopisina kahit higit na malayo ang kanyang pinapasukan kaysa kay Ador. Siya’y accountant sa Makati samantalang si Ador ay nag-oopisina sa isang Insurance
Company sa Alabang. Ngunit si Hilda ay nanatiling tahimik at maayos pa ring ginampanan ang mga tungkulin sa bahay.
Nang dumating ang pagkakataong inuumaga na nang uwi si Ador ay nagduda na si Hilda na may milagrong ginagawa ang kanyang asawa.
“Birthday kasi ng isa kong ka-opisina. Nagkainuman… nahihiya naman akong kumalas,” katwiran ni Ador nang kanyang tanungin.
“Bakit hindi ka man lang nag-message sa akin para hindi naman ako nag-alaala,” wika ni Hilda na pilit sinasagkaan ang nararamdamang paghihimagsik sa dibdib. “Hayaan mo, Hon, magpapaalam na ako sa susunod.” Ngunit ang salitang yaon ay walang kakabit na pangako…at kung inisip man ni Hilda na iyon ay isang pangako, alam niyang iyon ay nakatakdang mapako. Na siya ngang nangyari. Halos gabi-gabi’y umuuwing nakainom si Ador at kung weekend ay parang nagha-hide and seek na silang mag-asawa.
Maraming taon na pinilit ni Hilda na unawain at lunukin ang ginagawi ng asawa ngunit nang hapong iyon na naisipan niyang mag-grocery sa isang mall sa Alabang ay tuluyang nagkahugis ang matagal na niyang pinangangambahan. Kitangkita niya nang pumasok sa isang mamahaling restoran si Ador habang nakakawit sa bisig ang isang babaeng buntis. Para siyang nakakita ng engkanto. Hindi niya maikilos ang alinmang bahagi ng kanyang katawan. Maging ang kanyang dila ay hindi niya maigalaw. Hindi niya masansala ang malakas na kabog sa kanyang dibdib.
Nang magawa niyang payapain ang damdamin ay pumasok siya sa katapat na restoran at umorder ng pagkain kahit hindi siya nakakaramdam ng gutom. Hindi niya inaalis ang mga paningin sa pintuan ng restorang pinasok ni Ador at ng kasama nitong buntis. Dinutdot niya ang kanyang cellphone.
“Hello, Hon. Nasaan ka?” tanong niya nang marinig ang tinig ng asawa.
“Hon, nandito pa sa opisina. May OT ako. Gagabihin ako,” sagot ni Ador.
Hindi na sinagot ni Hilda ang asawa. Nanggigigil na pinatay niya ang telepono at matalim na itinutok ang mga mata sa pintuan ng katapat na restoran.
Naubos niya nang hindi nalasahan ang pagkaing kanyang inorder.
Nang lumabas sina Ador sa restoran ay patagu-tago at maingat niyang sinundan ang dalawa hanggang sa parking
area kung saan nakaparada ang kotse ni Ador. Nang humarurot ang sasakyan papalayo ay saka naramdaman ni Hilda ang paggapang ng maiinit na luha sa kanyang mga pisngi.
Mag-uumaga na nang umuwi si Ador. Dinatnan nitong naghihintay si Hilda sa kanilang sala.
Hindi nito itinanggi ang relasyon sa buntis na babaeng kasama matapos idetalye ni Hilda ang kanyang nakita.
“Bibigyan kita ng layang magdesisyon ngayon,” ani Hilda. “Siya… o… ako.”
“Gusto kong magkaanak, Hon,” ang walang gatol na sagot ni Ador na nakatulig kay Hilda. Hindi niya inasahan ang kasagutang iyon. Diyata’t ganoon na lang siya kadaling ibasura pagkatapos ng labindalawang taon nilang pagsasama!
Ang pagganting ibinubulong ng kanyang utak ay ganap na pinawi ng sigaw ng pag-ibig…hindi lang ng awa, sa kanyang puso…