Ang Dalawang Mukha Ng Magagandang Balita
HINDI maikakailang pawang masasamang balita ang nababasa natin sa pahayagan at Internet at napapakinggan natin sa radyo at telebisyon – mga patayan, mga nakawan, mga aksidente sa kalsada, mga massacre sa tahanan, mga kasinungalingan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno pati na ang pagnanakaw sa kaban ng bayan, at mga abusadong pulis. Sa katunayan, may isang Good News section sa isang pahayagan linggu-linggo upang ipaalam sa madla na hindi lamang puro masasamang balita ang mababasa.
Nitong mga nakaraang linggo, may natunghayan tayong ilang magagandang balita patungkol sa mga OFWs at mga Pilipinong ibig magtungo sa Taiwan.
Una, inaprubahan ng United Arab Emirates (UAE) ang isang batas na ang magbebenepisyo ay mga 120,000 domestic workers sa bansang iyon, ayon sa Department of Foreign Affairs. (Ayon naman sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration, sa taong ito, 275,073 Pilipino ang nagtungo sa UAE sa unang pagkakataon bilang mga domestic helpers.)
Ilan sa mahahalaga nilang benepisyong matatanggap ay: pagsusuweldo sa kanila sa loob ng 10 araw na magsisimula sa araw na dapat ay sumuweldo sila; isang araw ng pahinga na may sahod; 12 oras ng pahinga bawat araw, kasama ang walong oras na tuluy-tuloy na pahinga; medical insurance, kasama ang 30 araw na medical leave bawat taon; roundtrip plane ticket pauwi sa Pilipinas tuwing dalawang taon; disenteng tulugan, pagkain at damit; at paghawak o pagtago ng sarili nilang personal identification documents tulad ng passport at mga IDs. Ikalawang magandang balita ay ang pagbibigay ng visa-free
status sa mga Pilipinong ibig magpunta sa Taiwan. Inaprubahan ng pamahalaan ng Taiwan ang planong ito sa hangaring mapabuti ang relasyon ng Taiwan sa 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), kasama na ang South Asia, Australia at New Zealand.
Ikatlong magandang balita ay ang pagsasauli ni Reimond Abegail Lagman, isang kawani ng Bureau of Immigration ng US$1,900 (mga P96,500) sa isang pasahero. Naiwan ng pasaherong iyon sa counter ang isang puting envelope na naglalaman ng 19 piraso ng 100 US dollar bills. Sa halip na ibulsa iyon, inireport ni Lagman ang insidente sa kanyang mga supervisors na ipinaalam sa management ng airport. Ang pera’y nakalagak ngayon sa lost and found division ng Manila International Airport Authority.
Kinilala ng Bureau of Immigration ang katapatan ni Lagman sa kanyang trabaho. Hindi siya natukso sa perang nakita niya kahit na maliit lamang ang kanyang sinasahod.
Ang isa pang maganda balita ay ang pagbibigay ng lisensiyang magmaneho ng sasakyan sa mga babae sa Saudi Arabia. Ito’y hudyat ng pagpapalawig sa mga karapatan ng kababaihan doon. Dati’y ikinukulong pa nga ang mga babaeng nagtatangkang magmaneho sa bansang iyon!
Kung ating susuriin, ang mga benepisyong ibibigay sa mga OFWs na domestic helpers at ang pagpapahintulot sa mga babae na magmaneho sa Saudi Arabia ay hindi mga pribilehiyo! Ito’y pangunahin nilang karapatan! Hindi ba’t karapatan ng mga domestic workers na magpahinga at matulog sa gabi nang tuluy-tuloy? Hindi ba nila karapatan na sila mismo ang humawak ng sarili nilang passport at IDs? Hindi ba nila karapatan na kumain nang maayos sa tahanan ng kanilang mga amo? Hindi ba nila karapatan na sila’y suwelduhan sa oras? Ito ang masama sa magandang balita tungkol sa mga benepisyo ng ating mga domestic workers na ibibigay ng ibang bansa – masaya na tayong ibigay sa atin ang dapat sana’y karapatan natin bilang tao!
Hindi ba karapatan ng mga babaeng taga-Saudi Arabia na magmaneho ng sarili nilang sasakyan? Hindi ba praktikal lamang na marunong silang magmaneho? Ano kaya ang mangyayari kung inatake sa puso ang isang lalaki at hindi niya kayang dalhin ang sarili sa ospital? Hindi ba’t kakailanganin niya ang kanyang asawa, o kapatid o anak na babae para dalhin siya roon?
At tungkol sa pagsasauli ni Lagman ng perang hindi kanya, hindi ba’t kasama ito dapat sa ating trabaho – na huwag kunin ang hindi atin? Ngunit natutuwa tayo na mabalitaang may mga tao palang tapat at maaaring pagkatiwalaan. Hindi natin maitatangging may dalawang mukha ang magagandang balitang ito.
Ang katotohanan nito’y kay rami namang magaganda at mabubuting nangyayari sa paligid – nakasanayan lamang natin na magbasa o makinig ng tungkol sa mga iskandalo, patayan at suicides. Wala namang magawa si Juan de la Cruz sa mga inilalathalang balita, sapagkat ito ang depenisyon ng balita. Ang magagawa nati’y maging bahagi rin tayo ng magagandang balita sa pamamagitan ng paggiit ng ating mga karapatan, at pagsisiwalat ng anumang uri ng korupsiyon – magsimula tayo kahit sa ating barangay. Huwag tayong magsawalang-kibo!