Liwayway

Pag-aaral: Kanin Na Dapat Isubo

- Arnold M. Valledor

ILANG beses ka na bang napaso sa pagsubo mo ng kanin? Iniluwa mo ba? O, nilunok mo pa rin kahit naiiyak ka sa paso na gumagapang sa dila at lalamunan? Kung oo ang sagot mo sa una, marahil, sabi mo sa sarili ay marami pa namang kanin sa iyong pinggan at hindi mo hahayaang magdusa ka sa sakit dahil sapat pa naman ang kaning natira upang mabusog ka. Kung oo sa pangalawa, marahil, itinuturin­g mong hiyas ang bawat butil ng kanin at ang magsayang nito ay hindi mo gagawin sukdulang masaktan ka.

Kung ang kanin ay pag-aaral, ang unang rason ba ay kakikitaan ng higit na seguridad upang makapagtap­os kaysa pangalawa? Hindi madali ang maging mag-aaral. Kung ilan ang dami ng subject ay ganoon din o higit pa ang dami ng assignment,

project, exam, individual o group activity. Mapapaso ka. Mapapaatra­s. Ngunit hindi ka dapat na tumalikod. Umamot ka ng tibay ng loob. Magtipon ng determinas­yon upang manatili ka sa paaralan at makapagtap­os. Determinas­yon na tutupad sa iyong pangarap: ang magkaroon ng magandang trabaho at maalwan na buhay. Ang maging kapaki-pakinabang na nilalang.

Ilang beses ka na bang kinapos sa gastusin? Ilang pagkakatao­n na ba na nanghiram ka ng lapis, bolpen, sapatos, uniform at humingi ng papel gayundin ng pamasahe sa iyong kaklase? Ilang pagkakatao­n na ba na hindi ka makasagot sa klase dahil hilab ng tiyan ang iyong iniintindi? Ilang Sabado’t Linggo na ba na isinasama ka ng iyong magulang sa kanyang trabaho upang makadagdag ka ng kita na siya na ring pagkukunan ng gastusin mo sa pag-aaral? Marami? Hindi mabilang? Normal. Kailangang isubo. Kailangang lunukin. Ilang beses ka na bang naghimutok dahil isinilang kang mahirap? Normal pa rin. Ngunit nararapat lamang na ituon mo ang iyong isip sa posibilida­d na pagganda ng buhay mo dahil sa patuloy mong pagsisikap sa pag-aaral.

Ang bawat isang mag-aaral habang nag-aaral ay lumilikha ng mahiwagang susi, susing mahiwaga na hindi mabubuo kailanman kung hindi tatapusin ang pag-aaral sa kolehiyo, mahiwagang susi na siyang magbubukas ng pintuan ng magandang buhay na hindi lamang nakalaan para sa sarili kundi sa pamilyang pinagmulan, sa kapwa, sa bayan at sa pamilyang bubuuin pagdating ng tamang panahon.

Sa umpisa pa lamang ay magkaroon ka na ng pangarap sa buhay. Magpokus dito. Huwag kukurap. Sukdulang ikaw ay maluha.

Ilang beses ka na bang napaso sa pagsubo mo ng kanin? Huwag mong iluwa. Magpalabas ka ng hangin sa iyong bibig upang maibsan ang init. Ihip. Ihip. Banayad. Upang walang matapong kanin mula sa iyong bibig. Ihip uli. At nguyain. Namnamin. At lunukin. Damhin ang pagbaba nito sa iyong lalamunan. At ngumiti sa iyong pagkabusog.

 ??  ?? Mga larawang mula sa Google
Mga larawang mula sa Google
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines