Buklat /Mulat
BINUBUO ng siyam na kuwento ang Meläg (Anino, 2016) ni Bong Redila. Ang Anino, na naglathala ng nasabing aklat, ay “ang pinakabagong linya ng mga aklat ng Adarna House na nilikha para sa mababasang nasisiyahan sa mga kuwentong isinalaysay at iginuhit sa masining na paraan.” Ilan sa mga kuwento sa aklat ay unang lumabas sa mga publikasyon gaya ng Pinoy Komiks, Sikami, at The Quarterly Bathroom Companion Comics Compedium.
Una kong nakilala si Redila sa kaniyang “Ang Kahon” na lumabas sa Piko: Pambatang Komiks (2015) na inilathala rin ng Anino. Sa napakahusay na piyesang ito, hinintay kong mabasa ang kaniyang mas mahabang akda. Hindi naman niya ako binigo dahil pagkaraan ng isang taon, naglabas na siya ng sariling kalipunan ng mga kuwentong komiks.
Nagpapaalala ang mga guhit sa “PNR 2AM” ng surrealismong estilo ni Shaun Tan at ng ilang pelikula (gaya ng Spirited Away) ni Hayao Miyazaki ng Studio Ghibli. Nagtatampok ito ng mga surreal na nilalang bilang pasahero ng tren mula Dagupan patungong Maynila. Kailangang bigyangpansin ang mga detalye sa maikling kuwentong komiks, partikular na ang anunsiyo sa estasyon nang mapahalagahan ang hiwaga ng kakaibang biyahe. Guni-guni ba ang lahat? Saan nagmula ang mahiwagang tren? Napakapayak ng kuwento ng paglalakbay na binigyang-bisa ng haraya. Ang kuwentong ito ang magsisilbing pangkalahatang talinghaga ng antolohiya.
Haraya rin ang nagsilbing gulugod sa kuwentong “Liwaliw.” Nagpapamalas ito ng kapangyarihan ng hiwaga—ang walis at ang lumilipad na bahay, mga karaniwang mahiwagang bagay sa panitikang Kanluranin. Bukod sa nagdudulot ito ng pagkamangha ng lumilipad na barumbarong na makikita sa mga tabing-dagat ng bansa, ipinakita nito ang heograpiya ng bayan ng Meläg—ang kagubatan, ang perya, at ang bakas ng lumang mundo na lumilipad ang airship o dirigible balloon sa himpapawid. Sa piyesang ito, nagsanib at nagtalaban ang Kanluranin at ang katutubong mga imahen; ang kasalukuyan at ang nakaraan; ang karaniwan at ang mahiwaga.
Isa sa pinakamatagumpay na kuwento ang “Tanawin ni Aida.” Muli, napakasimple ng banghay ngunit nabigyang-buhay ito ng imahinasyon ng isang batang babaeng bulag. Pinatunayan niya na sa malikot at malusog na haraya, ang karaniwan at kawalan ay nagiging pantastiko. Di niya nakikita ang kaniyang tinutunton pauwi pagkarang bumili ng gamot sa kaniyang lola, ngunit may mas makapangyarihan pa kaysa sa mga mata na tumulong sa bida upang mapuno ng abentura ang paglalakad sa patnubay ng alagang aso. Nakatawid sila ng dambuhalang baging, nakalakad sila sa ibabaw ng (nagyelong?) tubig na may mala-pating na nilalang sa ilalim, at tumulay sa yelo hanggang marating ng kanilang munting tahanan ng pamayanan ng tabing-dagat. Ayon nga sa tala sa huling bahagi ng aklat, “mas lumalakas ang ibang mga pandama ng isang bulag…ang mga mata ng isang bulag ay nakakakita ng mas maliwanag at mas makulay na bahaghari sa kanilang imahinasyon” (pah.118).
Hindi makatarungang ilarawan ang pakikipagsapalaran ng bida gamit ang mga salita. Malaki ang gampanin ng mga guhit upang maglarawan at magsalaysay sa kuwento. Ang isang panel ay maaaring kasimbisa ng isang kabanatang paglalarawan ng lunan. Ang pokus sa mga imahen ay pumapatnubay kung saan titingin ang mambabasa. Kailangan ng aktibong partisipasyon ng mambabasa upang higit na maunawaan ang hatid na kuwento ng manlilikha.
Dinala naman tayo ng “Hiling” sa hikahos na pamayanan sa bayan ng Meläg. Ang kuwento ay nagpapaalala ng isang pelikulang Iranian na pinamagatang Children of Heaven (1997) ni Majid Majidi at ang aklat pambatang May Darating na Trak
Bukas (Adarna, 2013) ni Virgilio S. Almario at Sergio Bumatay III (ilustrador). Tungkol ito sa magkapatid na humiling sa genie ng napakasimpleng bagay upang sumaya ang kanilang buhay sa tambakan—isang garapon ng asukal. Mapapahalagahan ang kuwento dahil nahuli nito ang simpleng hangad ng mga bata. Dagdag pa, hindi lubusang naging eskapista ang kuwento. Gumamit ito ng pantasya na hindi tumitiwalag sa mapait na katotohanan ng lipunan.
Humihiling naman ang kuwentong “Sayaw” na maging matiyaga sa pagbabasa ng senyas sa komiks. Halimbawa nito ang mga pahiwatig ng paglaktaw ng nakaraan patungong kasalukuyan. Idagdag pa ang detalye sa susi na pinintahan ng “peg” at magiging “dad” kapag pinihit sa isang robot na sumasayaw. Mahalagang maging mapagmatyag sa mga detalye upang ganap na maunawaan ang nais ibahagi ng maikling komiks. Sang-ayon pa nga kay Scott McCloud sa kaniyang aklat na Understanding Comics (1993), “what you get
is what you give” (makukuha mo kung ano ang iyong inilaang pagsisikap sa pagbabasa at pag-unawa). Sa ilang pahina lamang, nakapagkuwento si Redila na kasinsaklaw ng isang pelikula. Tinatalakay ng kuwento ang walang-kamatayang pag-ibig ng isang ama kahit pa yumao na ito. May komentaryo rin ito sa bisa ng obra o ng sining na higit na magtatagal kaysa sa buhay ng isang artista.
Panunumbalik sa pagkamangha at sa mga hiwaga ng pagkabata ang “Perya.” Tinatalakay nito ang engkuwento ng magkaibigan sa isang mahiwagang nilalang sa perya na sa bandang huli’y mapag-aalaman palang isang ordinaryong tao. Maraming bata ang makakaugnay sa karanasan dahil sa pagkamangha sa isang Santa Claus o sa mga aktor sa mga perya. Masining ding ikinabit sa kuwento ang pagkamangha ng isang batang tauhan sa napupusuang babae. Para sa tauhan, nakamamangha rin ito. Panahon lamang ang makapagsasabi kung kailan matutuklasan (o hindi matutuklasan) ng tauhan na “ordinaryo” lamang ang kaniyang napupusuan.
Parangal sa isang ama ang kuwentong “Arapaap.” Batay ito sa isang tulang Ilokano na nilakipan ng mga guhit ng manlilikha. Gumamit ng teknik sa pelikula ang naturang kuwento na may dalawang maaaring tahakin ang naratibo—ang kinatatakutan at ang sorpresa. Sa huli’y nanaig ang sopresa na may kurot sa puso. Maaalala sa kuwentong ito ang proyektong Poetry Comics ng US na isalin bilang komiks ang ilang mga tula. Malaking tulong ang mga guhit upang bigyang-linaw ang nais ipahiwatig ng mga taludtod.
Waring nasa malayong sulok ng Meläg ang “Playdate.” Maaaring isang lihim na bahagi na hindi nakikita ng taumbayan. Tungkol ito sa tatlong makakaibigan na nagkita sa ating mundo upang maglaro, mamangha sa ating kalikasan sa isang panahong futurista. Sa malayong hinaharap, madali na ang paglalakbay sa kalawakan at sa mga planeta. Magkakaibigan na ang mga nilalang ng uniberso. Matagumpay na “what if” ang kuwento na nagsusulong ng ideya ng pagkakaibigan at pagkakaunawaan. Sa mga kuwento rin sa aklat, ito ang maituturing na angkop sa interes at pangangailangan ng mga bata. Hindi ako magtataka na magiging picture book ito sa hinaharap.
Karugtong naman nito ang kuwentong “Bago Pumatak ang Ulan” sa usapin ng tema. Gamit ang arketipal na pagkakatagpo at pakikipagkaibigan sa isang isang dayo o estranghero, naipalaganap ang mensahe ng awtor ng pagiging matanggapin at palakaibigan. Mapapahalagahan ang poetikong bahagi sa kuwento tulad ng “napulot na ngiti” na maitutumbas sa di-sinasadyang pagkakatagpo sa isang bagong kaibigan. Sa lahat ng mga kuwento, ito ang tumalakay sa pinakapuso ng Meläg—ang sentro ng bayan. Naipakita rito ang higit na maunlad na bahagi kung pag-usapan ang mga gusali, tahanan, daan, at tulay. Nakalulugod isipin na nag-uumapaw sa kapayapaan at pagkakaunawaan ang bayan kahit magkakaiba ng pinagmulan ang mga nilalang. Bukas sila sa mga banyaga at kinupkop na mga dayo. Pahiwatig ito sa aspirasyon natin ng pagkakaisa kahit na multikultural ang ating bansa.
May eksena ring ipinakita sa panel na dumadaan ang tropa ng perya na makikita sa mga naunang kuwento. Sa pamamagitan nito, hindi naging sabog ang buong aklat. Nagkaroon ng kaisahan ang mga kalat-kalat na kuwento dahil sa paulit-ulit na paglitaw ng mga imahen ng dagat, ilog, kagubatan, sirkus, at peryang Carnival de Rue.
Sa pangkalahatan, mainam na karagdagan sa mga aklatan ang librong Meläg. Makatutulong sa pag-unawa sa mga kuwento ang paliwanag ng awtor tungkol sa pagsilang ng mga “maikling kuwento sa anyong komiks.” Aniya, nagmula ang karamihan sa mga ito sa alaala ng kaniyang pagkabata, maging sa kaniyang mga nabasa at napanood na dokumentaryo.
Malaki na ang pag-unlad ng komiks sa bansa at sa buong daigdig na dati’y itinuturing na “disposable” na babasahin at lantarang komersiyal dahil naghahatid lamang ng hungkag na aliwan at sumusunod sa dikta ng panlasan ng mga mambabasa. Umunlad na ang mga paraan ng pagkukuwento at pagguhit na ipinamalas ni Bong Redila sa kaniyang aklat. Tama nga ang winika ni Scott McCloud na ang komiks ay “art of the invisible” dahil sa paglikha ng mga pandama at emosyon sa mga guhit ng komiks. Sa ginawa ni Redila, naiparating niya ang hiwaga, kaligayahan, kasabikan sa pakikipagsapalaran, katahimikan sa paghihintay, halakhak, at hiyaw ng pagkamangha sa pamamagitan ng kaniyang mga guhit. Nawa’y bigyang-puwang ang kaniyang aklat sa mga estante ng aklatan at sa mga talakayan sa loob at labas ng paaralan.