Agrikultura
NOONG taong 2015, naisulat namin tungkol sa isang munting pipino (Mini Cucumber) na nagtatagal ng ilang taon ang buhay at tuloy-tuloy ang pamumunga. Naeksibit noon sa Agrilink. Maraming may gustong makapagtanim noon pero hindi nagbebenta ng pananim ang may-ari.
Kamakailan lamang, may nagsabi sa amin na isang hobbyist na matagal na palang nagkaroon ng sariling Mini Cucumber. At doon nanggaling ang aming pananim. Ayaw lang pasabi ang kanyang pangalan at kung saan siya nakatira.
Alam ba ninyo na ang pinanggalingan ng mga maliliit na bunga na nakaretrato rito ngayon ay pinitas sa matandang Mini Cucumber na umakyat sa poste ng kuryente? Totoo iyon. At ang matatanda nang baging na ipinunla namin ay doon din nanggaling.
Ang kagandahan ng Mini pipino, hindi namamatay kagaya ng ibang barayti na isang season lamang ang pamumunga at mamamatay na ang halaman. Isa pang maganda, masarap kaining sariwa ang bagong pitas na bunga. Malutong at masarap ang lasa bilang meryenda. Maaari ring gawing pickle, jam, at panghalo sa mga salad.
Ayon sa aming impormante, may ibinebenta raw na bunga ng Mini Pipino roon sa Subic. Ang halaga? Tig-P400 ang isang kilo. Ang 250 gramo ay naibebenta sa P100.
Maagang mamunga pala ang Mini Pipino. Ayon sa aming impormante na nagtanim ng ilang baging, nag-umpisa raw mamunga ang kanyang tanim pagkatapos lamang ng apat na buwan. Ang ilan ay pinagapang lamang sa lupa at napakarami raw mamunga. Kada buko ay may bunga. Puwede rin naman ipaakyat sa balag. Maaari rin itanim sa container at lagyan na lang ang akyatan ng baging.
MEXICAN TREE SPINACH – Ang isa pang bagong barayti na maaaring magugustuhan ng mga mahilig sa talbos na gulay ay ang tinatawag na Mexican Tree Spinach o Chaya. Ayon sa Internet, napakataas ang taglay na sustansiya ang murang
dahong ginugulay. Ang talbos ay may “nutritive value” na 14.9 samantalang ang ordinaryong spinach ay may nutritive value na 6.4 lamang at 5.4 naman ang letsugas.
Doon daw sa Yucatan, Mexico, karaniwang nagtatanim ng mga may bahay sa kanilang bakuran na pinagkukunan nila ng pang-araw-araw na ulam. Madaling tumubo ang Mexican Tree Spinach sa arawan at sa bahagyang naliliman. Mayroon kaming tanim sa pagitan ng aming durian at lansones.
KOREAN PEARL ONION – Isa pang gustong-gusto naming tanim pambahay ay ang tinatawag na “Pearl Onion” mula sa Korea. Ito ay may napakapinong bilog na dahon. Parang malaking sinulid lamang ang dahon. Ito ay may matingkad na amoy ng sibuyas at kung tayo ay magluluto ng lugaw o di kaya arros kaldo, kukuha lang tayo ng mga pinong dahon at ilagay sa ating niluluto. Ang kagandahan nitong halaman, madaling alagaan sa paso o di kaya plastik na nursery bag. Madali rin paramihin sa pamamagitan ng paghihiwalay ng suwi.
BAGONG SWEET CORN – Ang kinagigiliwan ng mga nagtatanim ng sweet corn ay ang Sweet Fortune na ipinamamahagi ng Ramgo Seeds. Malalaki ang bunga at punong-puno ng butil hanggang dulo.
Tuwang-tuwa si Angelbert Tamayo ng Candelaria, Quezon sapagkat noong nagtanim siya nito ng 13 kilo na binhi, mahigit na 50,000 ang Clase A o primerang bunga na naibenta sa mataas na halaga. Kung ikukumpara sa ibang barayti ng sweet corn, ang 12 kilo na buto ay maaari lamang makapagbibigay ng 19,500 na Class-A na bunga, ayon sa kanya.
Isa pang maganda sa Sweet Fortune, matibay sa tag-ulan kaya nakapagtatanim si Tamayo maski maulan mula Hunyo hanggang Disiyembre.
Hala, subukin natin ang mga bagong barayti.