Pamamangka
Sa tuwing tinatanaw ko ang dagat hindi ko maiwasang mapuwing sa pagbugso ng mga alaala. Pumipikit ako.
Inaalala ang banayad na pamamangka ng iyong anyo sa balintataw. Sasagwan marahang-marahan mula sa pampang
patungong hangganan ng natatanaw. Sa dulo ng mundo naroon ka tinatawid ang abot-tanaw. Malayong-malayo
hanggang sa tuluyang maglaho. Kay tagal mong nawala. Ilang taon, naiwan akong paulit-ulit nagtatanong
sa nagbabalik na tabsing. Babalik ba sa akin ang sagot? Panatag na panatag ang dagat
sa tuwing binabaybay ko ang lumbay. Sinusugatan ko ang tubig, ang tubig pinakikirot ang aking dibdib.