Animal Theraphy: Nakatutulong O Mapanganib?
AHAS na ginagamit sa mga pasyenteng may autism. Dolphin para sa may down syndrome. Kabayo para sa may speech disorder. Pusa para sa may dementia. Aso para sa may depresyon. Loro para sa may post-traumatic stress disorder.
Nagiging kapaki-pakinabang na ang mga hayop para sa paglunas ng iba’t ibang uri ng karamdaman o kalagayan at sa pag-agapay sa mga may kapansanan. Pagkatapos turuan upang maging ‘certified’ o ‘trained,’ nagsisilbing alternatibong paraan na sila para sa therapy. Hindi lamang ang mga domesticated animals kundi maging ang eksotikong mga hayop na nagkukubli sa kagubatan o karagatan ay maaasahan na. Ngunit nakatutulong ba o mapanganib ang animal therapy? Ang animal-assisted therapy ay isang uri ng therapy kung saan ginagamit ang mga hayop sa paglunas. Layunin nitong pag-ibayuhin ang kakayahang emosyonal, pangkaisipan at pakikisalamuha sa kapwa ng pasyente. Ginagamit ang animal therapy sa mga ospital, ampunan, mental
institution, bilibid at maging sa sariling tahanan. Unang ginamit ang animal therapy noong 18th century para sa mga pasyenteng may psychiatric disorder. Bagaman hindi pa ito noon sineseryoso sa siyensiya, napag-alaman ni Sigmund Freud na ang mga bata at adulto ay nagiging mas komportable kapag kapiling at inaalagaan ang mga hayop. Nakakapagsalamuha sila nang mas mabuti sa isa’t isa at nababawasan ang kanilang stress.
Sa modernong panahon, nababatay ang animal therapy sa biophyllia hypothesis. Isinasaad nito na dahil sumasalalay tayo sa paraan ng mga hayop kung paano mabuhay noong unang panahon—kapag nakita nating kalmado at nagpapahinga ang isang hayop, nagiging kalmado at payapa rin tayo.
May iba’t ibang klase ng animal therapy. Nariyan ang reptile therapy o paggamit ng mga reptilya tulad ng ahas, sawa, hunyango o buwaya. Ang equine therapy naman ay kabayo. Canine therapy na gamit ang aso. Dolphin therapy at marami pang iba.
Sa reptile therapy, mainam ang ahas, sawa o hunyango para sa pasyenteng may autism. Ang mabining galaw at pagiging kalmado ng ahas ay interesanteng panoorin. At ang pag-aalaga rito ay nangangailangan ng sobrang pagtutok at atensiyon at nakapagbibigay ng suspensiyon mula sa kanyang mga suliraning pangkaisipan, emosyonal o pisikal. Nakapagdudulot din ito ng kumpiyansa sa pasyente dahil hindi birong mag-alaga ng isang reptilya.
Sa dolphin therapy naman, lumalangoy ang pasyente kasama ang dolphin. Isang one-on-one session ito na pinamamahalaan ng therapist. Ang puntirya nito ay ang mga taong may down
syndrome, autism at cerebral palsy. Layunin nitong mapabilis ang attention span ng kliyente at mapaayos ang kanyang paggalaw, pananalita at lengguwahe. Ayon sa teorya ni David Nathanson, isang clinical psychologist, napapabilis ang attention span ng pasyente sa stimuli sa kanyang kapaligiran dahil sa pakikipagkonekta niya sa dolphin kaya nagaganyak siyang gawin ang isang toka at nakakaagapay siya sa programa ng kanyang sesyon.
Sa equine-related therapy, inaalagaan ng pasyente ang kabayo o siya ay nangangabayo. Para ito sa mga taong may speech
disorder o iba pang mental health issues at special needs. Layunin nitong lunasan ang mga suliraning pisikal, sikolohikal, pangkaisipan, pakikisalamuha at pag-uugali.
Sa canine therapy, ang pagturing sa aso bilang ‘companion’ at karamay ay makagagamot ng depression at post-traumatic
stress disorder. Nakatutulong din ang aso sa anger management, pagpapalusog ng isipan at pagbabago ng ugali. May aso rin na naturuan sa pagbabasa ang isang bata. O naigigiya sa paglalakad ang isang matanda. Katuwang din sila upang
magampanan ng pasyente ang ilang fine motor skills tulad ng pagsesepilyo at pagsusuklay.
Kaagapay naman ng mga pasyenteng may dementia ang pusa sa cat therapy. Habang nakikipag-bonding ang pasyente sa pusa, inuungkat ang kanyang alaala nang may emosyon at ginigising ang kanyang isipan. Tinutulungan din siya na mapaayos muli ang pagkilos at matugunan ang kawalang-interes, depresyon, kalungkutan at iba pang nakakabagabag na pag-uugali. Nakatutulong naman ang mga loro para sa may posttraumatic stress disorder. Napag-alaman na ang mga loro ay may mataas na antas ng pag-unawa at nababasa nila ang emosyon ng tao. Maaaring turuan ang loro ng mga salita o ekspresyon na makatutugon kapag dumaranas ng episode ang pasyente.
Ideyal naman ang fish therapy sa mga taong may mataas na presyon ng dugo. Ang simpleng panonood sa paglangoy ng isda sa aquarium ay nakapagpapabagal ng tibok ng puso at nakapagpapababa ng blood pressure.
May ilang isinagawang mga pag-aaral na naghahayag na epektibo at nakatutulong ang animal therapy sa paglunas. Maraming mga pasyente ang nakatikim ng pambihirang resulta, mas bumuti ang pakiramdam at nabago ang kalidad ng buhay. May tanyag na kaso na natulungan ng isang pusang Maine Coon ang isang batang babaeng may autism upang makapagsalitang muli. May iba pang mga batang may autism naman na walang kakayahang makipag-ugnayan sa kapwa-tao ang nakapagpakita ng emosyon sa mga hayop. Maraming mga pasyente naman na may iba’t ibang mental disorder, kabilang ang anxiety disorder, ang nabawasan ang anxiety pagkatapos ng animal therapy. May mga matatandang may dementia ang nawawala ang pagka-agresibo o kagaspangan ng ugali kapag kapiling na ang mga hayop. Ang mga maysakit naman sa puso ang bumaba ang presyon ng dugo at heart rate.
Sa kabilang dako, may mga pag-aaral din na nagsasaad na mapanganib at hindi epektibo ang animal therapy. Pansamantala lang daw ang bisa nito at hindi pangmatagalan. Hindi rin madali ang makipag-bonding sa isang hayop na hindi pamilyar sa iyo. At kung mabubuo naman ang isang espesyal na ugnayan at naging‘attached’ ang pasyente sa hayop, makakadama siya ng pagkadismaya at maaaring manumbalik sa dati. Mapanganib din para sa mga eksotikong hayop kung wala sila sa kanilang natural habitat. Hindi rin sigurado kung ligtas na makakasama ang mga hayop dahil maaari itong mangagat, manakmal, mangalmot o manakit. At maaari ring maisalin sa pasyente ang zoonotic disease mula sa hayop kung hindi sila nalilinisan nang mabuti. Gayundin ang bacteria lalo na kung mahina ang immune system ng pasyente o allergic siya.
Nakatutulong ngunit mapanganib. Nasa atin na rin siguro ang pag-iingat para sa ating kaligtasan. Dapat ay laging malinis ang hayop, immunized at ligtas sa sakit. Kung gusto talaga nating gumaling, sabi nga, “Take risk!” Lalo na kung ang hayop sa galing ang gusto nating makapiling. Malay natin, sila pala ang talagang makatutulong sa atin.