Paniniwala Sa Patay
MARAMING paniniwala o pamahiin ang mga Pilipino hinggil sa pagpanaw ng isang tao. Kailangan daw maligo ang isang taong galing sa patay upang maalis sa kanyang katawan ang negatibong enerhiya.
May abiso rin na hindi dapat dumiretso sa bahay ang isang galing sa burol dahil kasama pa niya ang awra ng kamatayan.
Kapag paalis na ang isang bisita sa lamay, ang pamilya ng namatayan ay bawal daw magpasalamat dito, o isa sa pamilya ay susunod na kaagad na mamatay.
Ang miyembro ng pamilya ay hindi rin dapat kumain ng mga halamang gumagapang, gulay na umaakyat o kumakalat sa lupa, tulad ng kalabasa at ampalaya. Ang pagkain ng mga ito ay pinaniniwalaang nagkakalat ng pagkamatay sa pamilya.
Pagkatapos ng dalawang linggo ay saka pa lamang maaaring kumain nito.
Sa mga lalawigan sa Pilipinas, marami sa mga pamahiing ito ay pinaniniwalaan pa rin hanggang ngayon.
Sa libing, isinasagawa pa rin ng mga kamag-anak ang ‘tawid.’ Ang mga batang miyembro ay itinatawid sa itaas ng kabaong upang maging masuwerte at magpakita ng paggalang.
Sa pangyayaring ito, makikita na ang mga bata ay umaatungal, naghihisterya sa mga kamay na humahawak at nag-aangat sa kanila upang itawid sa ibabaw ng kabaong. Sa kanilang murang isipan, ang karanasang ito ay may kasamang takot at pangamba.
Kapag dumaan sa harap mo ang karo ng patay, kaagad mo raw buksan ang iyong pitaka. Ayon sa lumang paniniwala, ang mga kayamanan ng taong namatay ay mapupunta sa iyo kung agaran mong bubuksan ang iyong pitaka. Paano naman kaya kung kabaligtaran? Kung ang namatay ay pobre pa sa daga?
Kung ang kabaong ay nakabukas sa huling pagkakataon bago ilibing ang patay, ang mga kamag-anak ay maaaring humalik sa patay ngunit sa isang kondisyon: Bawal patakan ng luha ang anumang parte ng katawan ng bangkay, o kung hindi, isa sa pamilya o ikaw mismo ang maaaring mamatay.
O Diyos ko po, huwag naman po!