Sandara Park, Kapuri-puri Ang Pagmamalasakit...
NAKAKATUWA at nakakataba ng puso ang ipinapakitang pagmamalasakit at pagmamahal ni Sandara Park sa Pilipinas. Ilang linggo na ang nakalipas ay muling dumalaw sa bansa si Dara (nickname ni Sandara) kasama ang kapatid na si Park Sang-Hyun (Thunder) upang mag-promote ng finale episode na One Night Food Trip International Edition na kinunan sa Palawan.
Ang One Night Food Trip International Edition ay isang foodie battlefield, makakalaban ng magkapatid na Sandara at Thunder ang TV hosts na sina Grace Lee at Sam YG. Mapapanood ito sa December 5 sa Pilipinas. Tulad ni Dara, si Thunder ay tumira rin sa Pilipinas 10 years ago. Bale magkasama silang magkapatid noon at ngayo’y kasama muli ng Korean actress ang kapatid at makakasama pa sa isang show. Sa panayam kay Dara, nabanggit niya ang kasiyahan na makasamang muli ang kapatid sa Pilipinas.
“I was really happy that I can bring my brother to the Philippines again, with me, to Palawan. Noong una, I was really worried because this show is about food. It’s a food competition and we both have small appetites. I know what’s gonna happen, so I said, ‘Let’s just try and really have fun.’ “Pero medyo nabusog talaga ako and I gained weight, and medyo may problem sa digestion,” saad ng Korean actress.
Ipinahayag din ni Sandara na madalas siyang dumalaw sa bansa kahit walang project na gagawin dito dahil sanay na sanay na raw siya sa Pilipinas. Sa katunayan ay pino-promote niya ang bansa sa mga kaibigan niya sa Korea.
“It’s like really like my second home. I think a few years ago, when I came back to Manila, I was really surprised because ang daming
nagbago.
“Before, this place used to be empty. Parang there’s no Mall of Asia, City of Dreams… Ang dami nang magagandang buildings,
so I was really amazed. I can tell my Korean friends, ‘You, guys, visit Manila right now,” masayang sabi pa ng dalaga na sa darating na November 12 ay magiging 33 taong gulang na.
Kamakailan din, nagbakasyon si Sandara sa Boracay kasama ang member ng grupong Big Bang na si Seungri. Ipinahayag ni Dara na sinamahan niya lang si Seungri dahil may trabaho ito sa Boracay. Ilang ulit na ring ginampanan ni Sandara ang papel bilang tour guide sa Pilipinas.
Last July, dinala naman niya sa Palawan ang kapwa miyembro ng 2NE1 na si CL. Ang kapatid naman nitong si Thunder ang kasamang bumalik ni Sandara sa Palawan noong Setyembre.
Matatandaang ilang buwan na ang nakalilipas, ipinagtanggol ng singer/aktres sa isang programa sa Korea ang Pilipinas sa mga nagsasabing mapanganib sa ating bansa. Kaya sadyang nakakabilib ang pagmamalasakit at pagmamahal ng K-Pop star sa Pilipinas.
Si Sandara ay binansagan noon bilang Pambansang Krungkrung ng Pilipinas. Nagsimula siya sa mundo ng showbiz nang sumali sa first season ng Star Circle Quest noong 2004 na nagtapos siya bilang runner-up. Mula rito ay nakagawa siya ng pelikula sa Star Cinema at Regal, kabilang ang Bcuz of U, Can
This Be Love, D’ Lucky Ones, Super Noypi, at iba pa. Huling napanood si Sandara sa programang Pinoy BoybanSuperstar sa ABS-CBN noong 2016 bilang isa sa judges dito, kasama sina Aga Muhlach, Yeng Constantino, at Vice Ganda.