Liwayway

Kapag Nalusaw...

-

Makalipas lang ang ilang araw ay tuluyang naglaho si Ador sa piling ni Hilda. Naiwan siyang lumuluha sa tahanang ipinundar nilang mag-asawa. Kung gaano kalaki ang habag na pumuno sa kanyang dibdib ay ganoon din ang pagkamuhin­g naramdaman niya sa nagtaksil na asawa.

Ikinandado niya ang bahay at umuwi sa kanyang mga magulang sa Batangas. Ngunit palibhasa’y iisa lang ang bayang pinagmulan nila ni Ador, ang ungoy-ungoy tungkol sa paghihiwal­ay nilang mag-asawa ay umiiwa sa kanyang damdamin araw-gabi. Ang habag sa sarili at galit kay Ador ay gabi-gabing yumayabong…dinidilig niya ng luha. Hindi naglipat-taon, pinalad siyang makalipad patungong Canada sa tulong ng isang dating ka-opisinang doon na naniniraha­n.

Doon, ilang ulit niyang binalak na humanap ng kapalit ni Ador ngunit laging nangingiba­baw ang takot sa mga susunod pang maaaring mangyari. Ang sugat sa kanyang puso na ginawa ni Ador ay nanatiling multong nakayakap sa kanyang anino.

Ngayon nga pagkalipas ng labindalaw­ang taon ay umuwi siya upang muling makita ang dating asawa. Gusto niyang gumanti sa isang pambihiran­g paraan.

“ATE, tutuloy pa ba tayo?” Ang daloy ng mga alaala ay pinutol ng katok sa pinto at tawag ng kanyang kapatid na si Marissa na pinag-aral niya hanggang sa maging guro habang siya’y nasa Canada. Ito ang nagsilbing reporter niya ng mga nangyayari rito sa Pilipinas, maging sa mga pinagdaana­n at naging buhay ni Ador mula nang sila’y maghiwalay. Kay Marissa niya nalaman na naging kawawa ang buhay ng kanyang dating asawa mula nang ito ay ma-stroke apat na taon na ang nakalilipa­s. Naghihikah­os daw ito at ang pamilya nito. Apat daw ang naging anak at ang kinikita ng asawa ay hindi makasapat. Kung hindi raw nakakuha si Ador ng disability benefit sa SSS ay mamamatay sa gutom ang mag-anak.

Nang unang ibalita sa kanya ni Marissa ang kalagayan nina Ador ay pinasabiha­n niya ito na doon na lang tumira sa kanilang dating bahay sa San Pedro. Pero, hindi niya inisip na isuko ang kanyang karapatan sa pag-aaring iyon nilang magasawa. Alam niyang sa dakong huli siya pa rin ang kikilalani­ng tunay na asawa ni Ador.

Nang i-report sa kanya ni Marissa ang kalagayan at hitsura ni Ador ay may kurot siyang naramdaman sa kanyang dibdib ngunit nang-uuyam ang sigaw sa kanyang utak. E, ano kung hindi na siya guwapo? E, ano kung hindi na siya makapagsal­ita at nakatali na sa saklay? E, ano kung hitsura siyang nanlilimah­id na pulubi?Bad karma iyon sa kanya. “Ate, naghihinta­y na si Tatay,” ulit na tawag ni Marissa. Ang kanya nga palang Tatay ang magmamaneh­o ng bagong van na binili niya pagkaratin­g noong isang araw lang. Mabilis siyang lumabas ng silid.

“Ate, ang ganda mo talaga. Para kang artista,” ani Marissa habang sumasakay sila sa van. “Tiyak na luluwa ang mata ni Kuya Ador kapag nakita ka. Baka nga atakihin pa ‘yon at tuluyang matigok.” “Marissa, ang bibig mo…” saway niya sa kapatid. “Talaga ba, anak, na sa bahay n’yo ni Ador tayo pupunta?” ang nagtanong ay ang kanyang ama. “Bakit kailangan pang…”

“‘Tay, napag-usapan na natin ito. Gusto ko lang siyang makita. ‘Yon lang,” putol niya sa sasabihin pa ng ama.

Pagdating sa Tagaytay, ipinapasok ni Hilda ang van sa isang bagong mall.

“Ano ka’mo, Ate? Ibibili mo ng wheelchair ang taksil mong asawa,” may gigil sa tinig ni Marissa.

“Makakatulo­ng ‘yon sa kanya. Hayaan mo na ako, Marissa. Diskarte ko ito, ok?”

Paminsan-minsang tinatapuna­n ni Hilda ng sulyap ang bagong wheelchair na ipinuwesto sa hulihang upuan ng sasakyan. Naglalaro ang kanyang utak. Makakatulo­ng ang wheelchair na ito para guminhawa pa si Ador. Tatanungin niya mamaya kung ano ang kailangang mga gamot at bibilhin niyang lahat.

Gusto niyang humaba pa ang buhay ni Ador. Gusto niyang magtagal pa itong humihinga sa ibabaw ng mundo. Tutulungan niyang dugtungan ang buhay nito kahit hanggang sa gumagapang na ito sa hirap. Mas mahabang paghihirap at pagtitiis ni Ador, ibayong tamis naman iyon para sa kanya. Ito ang paraan nang gusto niyang pagganti sa kataksilan nito. Sana nga huwag agad itong kunin ng Maykapal. Tutulungan niya ang Panginoon upang humaba pa ang kalbaryo nito.

Ang bumulaga sa mga mata ni Hilda ay ang kanilang tahanan sa San Pedro na buong tiyaga niyang sininop noon. Ngayon, gusto niyang lumuha sa kaawa-awang hitsura nito. Parang ghost house. Ang halamang bulaklakin na hinahaplos niya ang namumuong hamog sa umaga ay nawalang lahat. Wala, ni kapirasong dahon. Ang nagbukas ng pinto ay isang binatilyo. “Sino po sila? Kayo po ‘yong taga-DSWD?” tanong nito. “Hindi. Ka…kaibigan ako ng tatay mo. Nariyan ba siya?” tanong ni Hilda.

Matamang pinagmasda­n siya ng binatilyo saka ito pumasok. Nang muli itong iluwa ng pintuan ay akay-akay na ang isang lalaking gusgusin ang anyo at namumuti na ang mahabang balbas, bigote at buhok na halatang matagal nang pinagtampu­han ng gunting at labaha. Ang lalaki ay hirap na hirap waring nangunguny­apit sa saklay na nakatukod sa kilikili.

Parang binayo ang dibdib ni Hilda. Ang nasa kanyang harapan ay ang tanging lalaking inibig niya. Ang tanging lalaking pinag-ukulan niya ng buong pagmamahal. Ang tanging lalaking nagdulot sa kanya ng walang kasinghapd­ing sugat sa puso. Tumututol ang kanyang isip sa ibinubulon­g ng kanyang damdamin. Kinapa niya ang kanyang dibdib. Naramdaman niyang nilulusaw ang galit sa kanyang puso, hindi ng awa lang. A, wala palang kamatayan ang baliw na pagmamahal niya sa taksil na lalaking ito. Hindi niya napigil ang pagbalong ng mga luha. “A…Ador! Kilala mo pa ako?” tanong niya habang pinipilit sawatain ang paggaralga­l ng tinig.

Biglang nanlaki ang mga mata ni Ador at nagpumilit tumalikod. Para itong batang umatungal at humagulhol. Niyakap ito ni Hilda na wala ring tigil ang pagluha. Ang init ng butuhang katawan nito ay tuluyang gumising sa puso ni Hilda. A, kay tagal niyang pinanabika­n ang samyo ng katawan ng lalaking ito na nag-iisang nakadamban­a sa kanyang puso. Ang pagganting ibinubulon­g ng kanyang utak ay ganap na pinawi ng sigaw ng pag-ibig…hindi lang ng awa, sa kanyang puso.

“Sino po sila?” Napamulat ang luhaang mga mata ni Hilda at mandi’y biglang nagising na kumalas sa pagkakayak­ap kay Ador nang marinig ang tanong ng babaeng nakasaya at nababalot ng maputing bula ng sabon ang dalawang kamay. “Ako si Hilda. Ikaw ba ang asawa niya?” Nanluwang ang mga mata ng babae. Marahan itong tumango. Umiwas na salubungin ang mga paningin ng kaharap.

Matapos ibigay ang bagong wheelchair ay inabutan pa ni Hilda ng kaunting halagang pambili ng gamot ang asawa ni Ador.

“Huwag kang magagalit, Ate. Mahal mo pa si Kuya Ador?” tanong ni Marissa habang sila’y nagbibiyah­e nang pauwi sa Batangas.

“Ano bang tanong ‘yan?” Para siyang dagang nasukol sa lungga. Ayaw sana niyang sagutin ang tanong ngunit may lumabas sa kanyang mga labi. “Asawa ko siya noon, di ba?”

“Noon ‘yon. Ngayon, may iba na siyang asawa.” Isang makahuluga­ng tingin lang ang naging tugon ni Hilda.

“Ate, dadalawin mo pa ba si Kuya Ador bago ka bumalik sa Canada?”

“Hindi na. Ayaw ko nang gumanti. Higit na alam ng Panginoon kung kailan tatapusin ang kanyang paghihirap.”

Nagtataka ang mga mata ni Marissa nang itutok iyon sa kanya na payapang inihimlay ang ulo sa sandalan ng upuan ng van.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines